Showing posts with label Rose Marie. Show all posts
Showing posts with label Rose Marie. Show all posts

Violy

3 Reactions





Dati akala ko, ang mga bayani ay nabubuhay lamang sa libro. Bayani kapag namatay ka para sa kapakanan ng nakakarami. Bayani kapag nakipaglaban sa mga mananakop, kapag may bagay kang nagawa para sa bayan. Yun kase ang nakalakihan kong pangaral sa eskuwelahan e. Ganoon ang alam kong bayani. Pero nagbago ang lahat ng iyon ng makilala ko si Violy.

Pokpok, salot sa lipunan, babaeng mababa ang lipad… yan ang tawag nila sa mga babaeng katulad ni Violy. Puta kung itinuturing ng ibang mamamayan. Hindi nirerespeto, pinandidirihan. Bata pa lamang si Violy ng nagsimula itong magbenta ng laman. Disi-syete anyos. Menor de edad. Isang taon lamang matapos ang hayskul. Palibahasa maganda si Violy, makinis, kaakit akit at maamo ang mukha, malakas ang benta nya sa mga mayayaman.

Di tulad ng ibang mga babaeng bayaran, naranasan ni Violy ang buhay na marangya. Sa isang pribadong paaralan sya nagtapos ng sekondarya. Nakatira sila noon sa malaking bahay at sunod sa luho ang nagiisang anak na ito nila Mang Rudy at Aling Tess. Subalit parang kandilang dahan dahang naupos ang yaman ng mga ito simula ng atakihin sa pangatlong pagkakataon sa puso si Aling Tess. Naubos sa pagpapagamot ang naipundar ni Mang Rudy hanggang sa isang araw, bigla nalang itong sumuko at naglaho. Tuluyan ng naiwan si Violy at si Aling Tess sa pangangalaga ng isa’t isa. Yun nga lang, mas kailangan ni Aling Tess si Violy dahil paralisado na ang kalahating katawan nito.

Dahil hayskul lamang ang natapos ni Violy at kailangan nya ng sapat na halaga para sa gamot at pangangailangan nilang mag-ina, pikit mata niyang ibinalandra ang katawan niya sa kung kani-kaninong tao. Tangan lamang ang pagmamahal sa ina, gabi gabi niyang iginigiling ang maliit niyang bewang kapalit ng tig-iisang libo ng mga lalaking hayok sa laman. Tikom ang labi nya sa bawat pangungutya sa kanya ng mga tao sa paligid. Isa lamang ang gusto ni Violy, ang magandang bukas para sa kanya at ang manatili sa mundo ang kanyang ina hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Ipinangako niya sa sarili niya na hangga’t kaya niyang kumayod, mabubuhay silang magkasama ni Aling Tess.

Dalawampu’t walong taong gulang na si Violy ngayon. Wala na si Aling Tess. Subalit alam niyang ipinagmamalaki siya ng kanyang ina kung nasan man siya naroroon. Accountant na si Violy ngayon at nagbunga lahat ng paghihirap, pagod at dasal niya noon. Hindi na sya kinukutya ngayon. Hindi na rin sya salot sa lipunan kundi ginagalang, nirerespeto at hinahangaan.

Saludo ako kay Violy.

Hindi siya nagpatalo sa hirap at sa kawalang pag-asa. Sinuong niya ang hirap ng pagpasan sa kanyang ina ng mag-isa. Pinilit niyang iahon ang sarili niya sa putik ng kahihiyan. Ganoon ang bayani. Matatag, maaasahan, may paninindigan. Ang tunay na bayani ay nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit at nagtitiis ng walang hinihintay na papuri. Hindi iindahin ng bayani ang pagod maging masaya lang ang paglalaanan niya nito. Yun si Violy. Isang tunay at makabagong bayani. - TKJ




► About the Author:
Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.
► Read Rose's previous articles here.
click here to comment… for bloggers

True Friend

3 Reactions
Ang imahe ay mula kay Jack Cabida ng Al-Khobar, K.S.A
Isa ang imaheng ito sa isang daan mahigit na kalahok sa 
PEBA Photo Contest nuong nakaraang taon.

While i still have the chance to blog something, let me just share with you short description of a true friend.. :)

Well, a true friend has a long black hair... yes, a true friend is a SHE. (no offense guys)

A true friend is a career woman. She has a stable job and she earns a whole damn lot from it. But, she never forgets to step her feet on the ground. Never boasts about anything. Never forgets to be somebody whom you can turn to in times of need. A true friend is someone who you can talk to, about anything under the sun. May it be about food, about exercise, deep secrets, the kind of underwear that you're wearing at the moment, your period and how damn pissed you are when you cant wear a sanitary pad 'coz you don't have one in your pouch and the never ending techniques on how to lose weight.

Ang Kwadro

0 Reactions

Umaalingawngaw ang kabog ng dibdib ko sa kabila ng sabay sabay na ingay ng mga paroo’t paritong mga tao. Abala sila sa pagaayos sa paligid. Nagkalat ang mga kulay puting tela kung saan saan.

Ilang oras nalang…

Ano Ang Hindi Mo Kayang Gawin?

0 Reactions


Armenta

Tulala kami sa tuwing tatawagin kami ng nurse. Alam naming kailangan nanamang bumili ng gamot na nagkakahalaga ng sobra pa sa ginagastos namin sa pagkain sa araw-araw. Halos magdadalawang linggo na si Mama sa CCU noon. Pambayad pa lang sa kama n'ya, alam naming mahirap ng punuan.

Si Cecil

2 Reactions


Malamig ang simoy ng hangin dito sa dalampasigan. Ang marahang paggalaw ng mga dahon ng buko at ang malumanay na paghampas ng tubig sa buhagin ay tila musika sa aking pandinig. Malapit ng magdapit hapon. Naguumpisa na ring maglabasan ang mumunting ilaw sa kalapit na mga bahay. Ang mga batang kanina lamang ay naghahabulan sa di kalayuan ay unti unti na ring nagsi-uwian.

Pinikit ko ang aking mga mata at inisip ko si Cecil… ang munti nyang tinig habang sumisigaw ng Mama. Limang taong gulang si Cecil nung huli siyang nagtampisaw dito sa karagatan. Gustong gusto niya ang pakiramdam ng maliliit at magagaspang na buhangin sa kanyang mga paa. Matitinis na halakhak ang ganti niya sa tuwing tatayo siya at mistulang inaanod siya ng maingay na tunog ng tubig. Matapang na bata. Halos hindi mo siya mapaalis sa ilalim ng sikat ng araw dahil hindi niya maiwanan ang itinatayo niyang kastilyong buhangin. Gamit ang binili ng kanyang Papa na palang plastic at mga malilit na balde, maingat at mabusisi niyang nilalagyan ng disenyo ang kayang kastilyo. Pangarap daw niyang maging prinsesa pag laki niya. At sa ganoong uri daw siya ng tirahan mamamalagi. At katulad ng kanyang kastilyong buhangin, duon daw niya gustong manirahan sa may tabing dagat.

Naaalala ko pa noong unang beses Siyang nakakita ng maliit na kabibe. Ang dami dami niyang tanong. Bakit daw walang laman ang kabibeng nakita nya? Bakit daw ito nasa buhangin at wala sa dagat? Nasan daw ang perlas? Matalinong bata talaga si Cecil. Natatawa na lamang ako sa tuwing naaalala ko kung papaano niya ako tanungin. Ubos hininga siya para lang maihabol ang lahat ng mga bagay na gusto niyang malaman. Magsisimula siya sa isang pangungusap at hindi na mamamalayan na hindi na ito natapos dahil sa paglundag sa isa nanamang pangungusap. Mabilog at makinang ang mga mata niyang nangugusap. Nanliliit ito sa tuwing nagsisimula kong ibuka ang aking bibig upang sumagot, alam kong may follow up question nanaman.

Abot tenga ang kanyang ngiti sa tuwing hinahandaan kami ng kanyang Papa ng bukong pinitas galing sa kalapit na puno. Makikipag-unahan siya sa pag-inom ng katas nito na tila ba mauubusan. Hindi nya alintana ang mga natapong likido sa kanyang damit. Halos maglulundag siya sa tuwing akma kong kakayurin ang laman ng buko. Sa kanya daw ang unang tikim.

Tatlong taon na ang nakalipas ngunit klarong klaro parin sa isipan ko.

Tatlong taon bago ako muling nagkaroon ng lakas ng loob na bumalik sa tabing dagat.

Tatlong taon bago mangyari ang trahedyang hindi ko malilimutan.

Nabulag si Cecil... dahil sa kapabayaan ko... Dito mismo sa dalampasigang ito.

Ngayon ang iskedyul ng kanyang operasyon. Sabi ng doktor, may pag-asa pa daw na muli siyang makakita. Naniniwala ako don. Alam kong mabibigyan siyang muli ng pagkakataon upang muling masilayan ang unti-unting pagkubli ng haring araw sa likod ng malalaking ulap. Makakagawa ulit siya ng kastilyong gawa sa buhangin. Makikita kong muli kung papaano mangusap ang kanyang bilugang mga mata. Magpapatuloy muli ang masasayang tag-init ng may ngiti sa kanyang labi.

*Ang larawang kalakip ng artikulong ito ay galing sa google.

► About the Author:
Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.
► Read Rose's previous articles here.


Pers Lab

5 Reactions
by : Rose Armenta

“Eto ang limang daan. Bumili ka ng kahit ano, sayo na yan. Huwag ka lang munang magboboypren!”

Hanggang ngayon hindi ko pa rin makalimutan ang pamba-bribe sa akin ni Mama noong grade 6 palang ako. Labing dalawang taong gulang palang ako nung una kong maramdaman ang love. Hindi pa masyadong komplikado ang mga bagay bagay noon. Simpleng palitan ng love notes at hingian ng litrato, patabi tabi sa upuan, pakwento kwento at pag-ukit ng Sandra loves James sa armchair namin na gawa sa kahoy.

Madalas akong kiligin sa tuwing tinutukso kami ng mga kaklase ko. Nakikita ko namang namumula sa kinauupuan nya si James. Ako ang tipikal na daldalera sa klase. Marami akong kwento, maingay, kadalasan mataray samantalang kabaliktaran ko naman siya. Tahimik at pangiti-ngiti lang. Siya ang best example ng “A man with a few words.” Ewan ko ba kung bakit ako attracted sa kanya. Bukod sa chubby s'ya, hindi ko naman sya talaga laging nakakausap. Ang alam ko lang may crush sya sa akin.

Iba ang pakiramdam na dala sa akin noong mga panahong iyon. Para akong nasa ulap. Hindi mawala sa bag ko ang baby powder, ayoko ngang maging oily, baka bigla syang tumingin sa akin at maturn-off sa mantika sa mukha ko. Kasabay ng paunukso ng mga kaklase ko ang patuloy na pagsibol ng nararamdaman ko para sa kanya. Oo, naging kami. Hindi pa ako tumutuntong ng high school, may boyfriend na ko. Kung tatanungin mo kung pano ko sya sinagot, hindi ko alam. Basta alam ko lang, may pagkakaintidihan kami.

Habang papalapit ang graduation lalong tumitindi ang pag-alala ni mama, kaya siguro naisipan nya akong i-bribe at palipatin ng school. In short, nagkalayo kami ni James. Kung gano kadali nagsimula ang aming love story, ganun din ito kadaling natapos. Walang formal breakup dahil wala naman talagang formal ligawan. Ang tanging tumapos sa aming puppy-love relationship ay isang sulat.


Everdearest Sandra,



Alam kong mahirap pero dahil lilipat ka na ng school at hindi na tayo magkikita, mas mabuti sigurong magconcentrate na muna tayo sa studies natin. Salamat at naging bahagi ka ng buhay ko.



Love,

James


Umiyak ako ng umiyak noon. Nagdasal ako. Parang gusto kong hilain pabalik ang araw nung nasa relaxation area kami ng mga kabarkada ko kasama ang unang lalaking nagpatibok ng puso ko. Gusto kong patigilin ang oras kung saan unang beses nya kong pinahagingan ng “crush kita”. Gusto kong bumalik ulit yung pakiramdam na parang namanhid ang katawan ko dahil sa tuwa. Yung naramdaman ko ang pagakyat ng dugo ko papuntang tenga kasabay ng pamumula ng aking mga pisngi. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya noon. Nawala ako sa sarili ko. hindi ko alam kung tititigan ko ba sya sa mata o lalayo ako ng tingin. Halo-halong emosyon sa kakaunting sandali. Yun na siguro ang cloud 9.

Tinanggap ko ang bribe ni mama. Limang daang piso kapalit ng love story namin ni James.

Hikbi at luha ang nagpatulog sa akin sa gabing iyon, gumising ako kinaumagahan na hindi na sa akin ang first love ko.

Dumaan ang highschool ko na parang si The Flash. Nakalimutan kong nagmahal ako sa unang pagkakataon. Maraming nangyari at maraming taong dumating at umalis. Nagkaroon ako ng sariling buhay. Nagmahal ako ng makailang beses, pero hindi naman din nagtagal. Desidido ako na magtapos ng highschool na may honor.

Makalipas ang halos sampung taon, nagkita muli kami ni James. Ang taray di ba? Parang teleserye. Nursing sya, nursing din ako. Ang weird pa nga kase sa ER pa kame ulit nagkita. Intern sya don. Ganun din ako. Parang lahat, magkakatugma. Naging magkaibigan kaming muli. Hindi na namin napag-usapan ang past namin. Maharil ay dahil pareho na namin pinili na ‘wag nalang halungkatin. Puppy love, it comes and it goes, ika nga. Nagsimula kami ng panibago naming buhay. Ang hindi lang nagbago ay ang dating kilig na nararamdaman ko tuwing tinitignan nya ko. Ganun na ganun parin. Namamanhid parin ang katawan ko sa tuwing nagtatama ang aming paningin. Namumula parin sya sa tuwing tinutukso ko sya.

Parang bumalik kami sa getting to know each other stage. Ang sarap ng pakiramdam. Niligawan nya akong muli.

Gulat na gulat ang lahat sa plano naming pagpapakasal. Sinadya ko itong itaon sa birthday ko. At sa pagkakataong ito, sa edad na bente singko, hindi na nagbribe si Mama ng kahit ano.

Naniniwala ako sa destiny, na may itinadhana ang Diyos na para talaga sa atin. Ang pagibig ay hindi minamadali, kusa itong darating. Minsan pa, sa hindi inaasahang pagkakataon. May mga tao na kahit gaano pa paglayuin, mahahanap at mahahanap parin nila ang daan patungo sa isa’t isa. Kung minsan sa buhay mo, naranasan mong umiyak, masaktan o iwan, wag na wag mong hahayaang lunurin ng luha ang iyong paningin. Umiyak ka kung ito ang ikakagaan ng kalooban mo. Ngunit siguraduhin mong hahawiin mo rin ang luhang minsang dumaloy sa iyong mga mata para makita mo na ang taong inilaan ng Diyos para sayo.

Malapit na kaming mag-1st year anniversary ni James, at biniyayaan na rin kami ng isang magandang anghel. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil hanggang ngayon, patuloy parin akong pinakikilig ng unang lalaking minahal ko.

Ako si Sandra. At ito ang aking love story.



(Hango sa love story ng kaklase ko nung elementary. Ang mga pangalan ay sadyang pinalitan para sa privacy ng mga taong involved)


► About the author:Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.