Ang Kwadro


Umaalingawngaw ang kabog ng dibdib ko sa kabila ng sabay sabay na ingay ng mga paroo’t paritong mga tao. Abala sila sa pagaayos sa paligid. Nagkalat ang mga kulay puting tela kung saan saan.

Ilang oras nalang…

Sa kabila ng kaguluhang ito nakapako ang titig ko sa isang larawang nakapatong sa ibabaw ng maliit na lamesa. Maaliwalas ang litrato na nasa kwadro. Punong puno ng buhay ang kanyang mga ngiti. Tangan nya ang manikang ibinigay ko sa kaniya noon mismong araw ng kanyang ika-pitong kaarawan.

Nagsimulang mamuo ang luha sa gilid ng aking mga mata…

Hindi nila ito dapat makita…

Pumikit ako upang pigilan ang pagdaloy ng mainit na likidong ito patungo sa aking pisngi. Nakita ko sya sa kadiliman ng aking pagpikit. Naroon sya… isang maliit na anghel sa braso ng kanyang ina. Alam ko, sa mga oras na iyon, kumpleto na ang buhay ko. Ang babaeng pinakamamahal ko at ang maliit na katawang sumisimbolo ng pagmamahal na iyon. Sa bawat marahan na pagkilos niya, nais kong isigaw at ipagmalaki sa lahat kung gaano ako ka-swerte. Kasama ko ang dalawang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Sila ang aking kayamanan…

***

Bagay na bagay sa kaniya ang kulay rosas na damit na binili ng kanyang ina. Tuwang tuwa siya habang ikinakampay ang dalawa niyang kamay sa hangin. Isa daw syang diwata… at ibibigay daw niya ang kahit anong hilingin namin sa kanya. Napaka-inosente ng kanyang mga mata. Napakalambig ng kayang tinig. Punong puno siya ng pag-asa at pagmamahal. Nabuo ang pangarap ko para sa kanya noong mga sandaling iyon.

***

Habol hininga siyang tumakbo papalapit sa akin at dali daling iniwanan ang mga laruang pakalat kalat sa sahig. Panay ang abot niya ng halik sa akin. Pilit niyang hinihigpit ang mga yakap sa aking katawan. Hindi sya magpapatalo sa kanyang ina sa paramihan ng lambing. Ang aking reyna at prinsesa. Wala ng mas sasarap pa sa pakiramdam na ganito. Sila ang dahilan kung bakit ako nagsasakripisyo. Sila ang buhay ko.

***

Naulinigan ko ang tunog ng takong mula sa sapatos ni Nimfa. Marahan kong idinilat ang aking mga mata. “Halika na mahal, oras na”, ang tanging sambit nya. Napatitig muli ako sa kwardrong nagdala ng maraming alalala ni Lorraine, ang aming munting prinsesa, ang aming munting anghel. Kay bilis ng mga pangyayari, kay bilis umusad ng panahon. Parang kailan lamang noong una kong narinig sa kaniya ang salitang papa. Parang kahapon lamang noong pilit pa siyang sumisiksik at nakikitabi sa kama namin ng kanyang ina. “Mahal… tayo na”, wika muli ni Nimfa. Malalim ang hugot ko sa aking hininga. Oras na.

Bagay na bagay sa kanya ang kulay puting damit na iyon. Kahit sa pagkakapikit, alam kong nakakaramdam siya ng matinding kaligayahan. Payapa ang kanyang mukha at isang maliit na ngiti ang namutawi sa kanyan labi. Minamasdan ko sya sa malayo subalit kitang kita ng aking maluha-luhang mata ang kanyang mukha. Dumilat ang kanyang mata matapos syang balutan ng belo at unti unti syang lumapit sa akin dala ang mahaba at umaagos nyang damit sa hangin.

Tuluyan ng kumawala ang maiinit kong luha.

“Pa”, marahan niyang wika.

“Ikaw pa rin ang first love ko”, sinundan iyon ng mahigpit na yakap at maliliit na hikbi.

Niyakap ko sya at ginawaran ng halik sa pisngi.

Ngayon ang araw ng kanyang kasal. Ang araw na mapapalitan ang apilyedo kong ibinigay sa kaniya. Kay bilis ng panahon… kay saglit ng mga sandali. Subalit kahit anumang mangyari, kahit anumang magbago, sya parin ang munting prinsesa ko.



► About the Author:
Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.
► Read Rose Marie's previous articles here.
click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment