Showing posts with label Annalyn Salangsawa. Show all posts
Showing posts with label Annalyn Salangsawa. Show all posts

Payong

0 Reactions



Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan,
tulad ng pag-agos mo di mapipigil ang puso ko…

Ilang araw ka nang hindi tumatawag o nagpapakita. Wala ka.

Gusto kong magalit pero wala akong karapatan. Hindi naman tayo.

Gusto kong magtampo pero iniisip ko para saan?, wala namang kapupuntahan.

Sa Bagong Umaga

0 Reactions
Ilang araw na akong tahimik at pilit na iniisip kung ano ba ang isusulat ko para sa aking monthly contribution sa TKJ. Nandoong naupo ako sa terasa mag-isa, nakatingin sa iba’t ibang kulay ng sasakyang maingay na nagdaraan. Naroong magbasa ng sangkatutak na blog ng iba’t ibang blogista sa buong mundo. Tumitig sa napakaraming larawan naming mag anak na makailang ulit ko ng nakita.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin ganap na mapagdesisyunan kung alin sa mga pangyayari sa buhay ko ang nais kong ibahagi sa inyo.

Paglisan

0 Reactions

“Kumikinang kang parang bagong hugas na baso…”

Wow. Sa dami naman ng mapaghahambingan, bagong hugas na baso pa ang pwedeng gamitin.

“Ganun”, sagot ko. “Hindi nga. Bagay pala sayo ang kulay kahel. Iba ang dating ng aura mo tuloy”, nakangiti mong tugon sa sagot ko kasabay ng pagkumpas ng iyong mga kamay sa hangin. Tinatakpan mo ang sinag ng araw na tumatanglaw sa aking mukha.

“Bakit iba na ang itsura mo kapag palubog na ang araw?” muli mong tugon.

Dito sa ibabaw ng burol kung saan madalas tayong umakyat kapag dapithapon, sa ilalim ng puno ng talisay kung saan nakikita natin ang buong kapatagan, dito natin hinihintay ang paglubog ng araw. Dala mo ang lumang bisikletang minana mo pa sa iyong tatay na paborito nating itakbo pababa ng burol para paulit ulit na maranasan ang “paglipad”.

“Parang hindi nagdaan ang hayskul no?” tanong mo sa akin. “Whooooo!!!!! Malapit na akong maging piloto!!” Isinisigaw mo ito palagi, nakataas ang mga kamay sa hangin tila handa ng lumipad. Buong paghanga kitang minamasdan habang nakaupo ako sa malamyos na damuhan.

“Bespren, sigurado kang ayaw mong mag-aral sa Maynila?” tanong mo uli.

Umiling lang ako. Hindi ko masabi sayo ang totong nararamdaman ko. Hindi ko ikinalulungkot na hindi ako makakapag-aral sa maynila tulad mo. Hindi ako nalulungkot na may posibilidad na hindi na ako magpapatuloy ng pag-aaral. Ang totoong ikinalulungkot ko ay ang paglayo mo. Ang pag alis mo patungo sa Maynila kung kailan pa tag-araw. Mawawala na ang panahon ng pamimitas ng mangga. Hindi na kita uli makakasama sa darating na piyesta. Wala na ang mga araw na nakakatulog tayo sa ilalim ng punong ito. Lalayo na ang nag-iisang pag-ibig ko.

“Bes, bukas na ang alis ko. Ganyan ka pa, kanina ka pa walang kibo”, at tila nanumbalik ako mula sa malayong paglalayag.

Hindi lang ilang araw sa barko ang layo ng Maynila sa burol na ito. Hindi lang ilang oras sa eroplano. At alam kong ang paglayo mo bukas ay nangangahulugan ng maraming tag-araw na hindi kita makikita. Dadaan ang maraming dapithapon na hindi kita makakasama. Aaminin ko na ba? Sasabihin ko na ba? At kung ipagtatapat ko sa’yo ang totoong ikinalulungkot ko, tutugunin mo ba?

“Bespren, iba na talaga ang nagagawa ng sinag ng araw sayo. Gumaganda ka sa paningin ko”, sabay ngiti mo sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata upang iwasan ang mga luhang nagnanais na bumalong, ayokong makita mo ang itinatago kong emosyon.

Paano ko ba aamin na mahal kita? Paano ko ba sasabihin ang lihim kong ito bago pa lumubog ang araw, bago matapos ang tag-araw, bago ka mawala ng tuluyan? “Kapag natapos na ako ng kolehiyo, sa pagpipiloto, isasakay kita sa unang eroplanong paliliparin ko”, sabi mo ng nakangiti. Ngumiti ako para tugunin ang sinabi mo.

“At kapag piloto na ako, kapag handa na ang isip ko, kapag matatag na yung bagwis ko…” Sa muling pagtingin ko sa mga mata mo… hindi na sinag ng araw ang nakasisilaw kong nakita. Muli kong ipinikit ang aking mga mata para tanggapin ang unang halik na mararanasan ko sa aking buhay.

“Sa unang sibol ng tag-araw, pakakasalan kita.”

At saka ko naramdaman ang muling pagdampi ng iyong mga labi kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Hindi man ako umaasa na matutupad ang pangako mo at hindi ko man muli pang masilayan ang lalaking minahal ko sa mahabang panahon, ang lahat ng ala-alang ito na iiwan mo ay sapat na para mabuhay ang pag-ibig ko.

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

Kabataan sa Panahon ng Tag-araw

1 Reactions

Mag-aanim na taon pa lamang ako noong lumipat kami sa probinsya ng aking ina. Mula sa maingay na siyudad kung saan naroon ang bahay ng mga magulang ng aking tatay, napagkasunduan na iuwi kami sa bayan ng Bulacan, sa aking mga Lolo at Lola.
Madalas hikain ang kuya ko noon, at magiging maganda para sa kanya ang preskong panahon ng probinsya.

Masaya ako sa lugar na iyon sa Meycauayan, Bulacan.

Gustong gusto ko ang paggising sa akin ng mga tandang sa umaga, ang tilaok nila ay tila musika sa aking mga tainga. Parang halik ng isang nagmamahal ang malamyos na sikat ng araw na tumatanglaw sa aking batang mukha at ang banayad na hanging dumadampi sa aking mga balat ang siya kong duyan na naghele sa akin sa magdamag.

Una kong gagawin sa paggising ay ang buksan ang malalaking bintanang gawa sa capiz, tuwang tuwa ako sa pagsalubong ng mga kumikinang na bunga ng punong kaimito na halos dumungaw sa aming tahanan.

Madalas kong pagpahingahan ang mayayabong na puno ng aratilis malapit sa ilog kung saan nakasuga ang mga baka. Binubusog ako ng mga bayabas na gaano man kaliit ay ganun naman katamis.

Masugid kong hinihintay ang oras ng pananghalian, pagkat buong pagmamahal na inihanda ito ng Lola. Madalas nya kaming paglutuan ng tinolang manok na sasahugan niya ng papaya na pinitas sa kanyang puno sa likod bahay.

Lagi nya akong pinapayuhan na “mataba ang lupa anak, huwag mong itapon ang mga buto ng kamatis sa basurahan bagkus ihagis mo sa likod bahay, bumilang ka ng ilang araw at ilang ulan, makikita mong sa susunod na mga buwan, may aanihin ka ng bunga”.

Totoo ang sinabi ng Lola. Madalas na galing sa kanyang mga tanim ang aming sawsawan at sahog sa lutuing ulam.

Sa likod bahay ay may malawak na kapatagan. Nadaramtan ng luntian at rosas dahil sa mayabong ang gumagapang na bulaklak ng makahiya. At sa panahon ng tag-araw kung saan malakas ang ihip ng hangin, madalas kong buyuhin ang mga dahon nito at walang sawa ko silang hahagurin.

May mga araw na tila walang katapusan ang oras. Nakahiga ako sa malamig na damuhan habang pinapanood ang mga ulap na naglalaro sa bughaw na kalangitan, nagpapalit-hugis ang mga ito at nakatutuwang tignan.

Kapag araw ng sabado, dumarating ang aking mga pinsan. Uutusan kami ng lola na mamulot ng mga kuhol sa tabi ng bahay malapit sa taniman ng mga gabi. Doon kasi ito nagkukumpulan sa basang lupa. Pupunuin namin ang mga timba para doon ibabad ang malilit na kuhol. Magpapatuyo rin kami ng mga dahon ng gabi at uutusan ng lola ang ilan sa aking mga tiyuhin na mamitas ng niyog. Ito ang handa para sa araw ng kinabukasan, isang masaya at masaganang salo-salo ng ginataang kuhol at laing para sa kanyang sampung minamahal na anak at hindi mabilang na mga apo.

Matapos ang pananghalian, ihahanda ng aking mga tiyuhin ang malalaking guryon. Ganun din kaming mga kabataan, dala ng may pagmamalaki ang pinagandang saranggola.

Sama-sama kaming pupunta sa gitna ng patag para kulayan ang asul na langit ng nagliliparang saranggola.

Matatapos ang maghapon sa isa pang masaganang hapunan bago magpaalam ang aking mga tyahin, tiyuhin at mga pininsan. At muli pa bago matulog, paulit-ulit kong papangarapin ang susunod naming pagkikita. May kasabikan akong hihintayin ang bagong umaga.

Ito ang ala-ala ng aking kabataan sa panahon ng tag-araw. Ito ang mga kayamanan ng aking isipan na hindi ko makakalimutan kailan man.

Noon, hindi gaanong mahalaga ang telebisyon. Walang PSP, walang internet, walang computer. Pero sa maniwala ka man o sa hindi, napakasaya ng mga panahon ng aking kabataan lalo na sa panahon ng tag-araw kung saan tila ang lahat ng bagay ay kulay berde, dilaw at bughaw.

Hindi ko ipagpapalit ang mga panahon ng patintero, taguan pung, tumbang preso at piko sa Star Craft o Black Ops o DOTA.

Pinakamasarap na putahe ang tinolang manok ng aking Lola at hindi ito maikukumpara sa McDo o KFC.

At masarap pa rin ang bunga ng bayabas, aratilis, makopa o duhat kaysa sa Boy Bawang…diba?

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

Fun in the Sun

0 Reactions



“A day of fun under the sun with my husband in Abu Dhabi Corniche Beach.
You’ll see him here mimicking the beach lifeguard standing from afar.”


► About the Author:
Annalyn Salangsawa is our International Contributor - Abu Dhabi, UAE Chapter.
► Read Annalyn's previous articles here.

Love Online

8 Reactions
by : Annalyn Salangsawa

Hindi ko gustong maunsyami ang mga magbabasa na naghahanap ng kilig ‘factor’ dahil THIS IS NOT A TYPICAL LOVE STORY. Eto na…

Pawisan ako nang araw na ‘yon at halos hindi ko na maramdaman ang talampakan kong hindi na yata sumasayad sa sementadong daan sa pagmamadali kong lumakad. Lakad‐takbo, ganun ang ginawa ko.

Kalagitnaan ng panahon ng tag‐init dito sa disyerto noon at ang temperatura ng panahon ay sadyang nakakapag‐init ng ulo. Salimbayan ang mga salita sa isip ko, dumadagundong ang dibdib ko sa kaba at antisipasyon.

“Bakit ngayon pa ako nahuli? Baka kanina pa sya nag‐hihintay. “

Ilang kanto pa ang dapat kong tawirin para sapitin ang lugar kung saan kami magkikita. May tatlumpung minuto na akong huli sa oras na pinagusapan. Kanina pa nga ako nakakatanggap ng ‘missed call’.

Halos pugto na ang aking hininga at pulang‐pula na ang balat na nasusunog ng matinding init ng araw nang makarating ako sa paroroonan. Dagli kong pinindot ang buton ng elevator sa palapag na pupuntahan. Habang naghihintay, inayos‐ayos ko ang aking buhok at suot. Pinagpag ang mga kumapit na alikabok, nagpulbos at kaunting pabango. Pagod at pawisan man, pinilit kong ayusin ang sarili para sa kanya.

Hindi nagtagal nakatayo na ako sa harap ng pintuang kulay tsokolate. Kumakabog pa rin ang dibdib at hindi mapalagay. Hindi ko alam kung dahil sa sobrang kaba kaya ako nauuhaw o dahil sa layo ng nilakad ko, o sa pag‐aalalang huli na ako.

Pagbukas ng pinto, bungad niya agad “huli ka na, kanina ka pa nya hinihintay”.

Sabi ko na, pero wala na akong pakialam.

Malumanay akong naglakad sa puting sahig, ayokong gumawa ng ingay. Huminto akong panandali at dahan dahang itinulak ang ikaapat na pintong napipinturahan ng kulay puti. Pikit ang mata, nagmulat ako kasabay ng pinakawalan kong malalim na buntong‐hininga.

At saka umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan ng makita sya.

“Mommy!” sigaw ng nasa computer screen.

Kitang kita ko ang mga sira niyang ngipin na lagi naming ginagamit biro sa kanya ng Daddy nya.

Ang mabibilog na mga mata ay mas naging mabilog pa dahil sa pagkasurpresa.

Hindi maikakaila sa matinis nyang boses ang pagkasabik sa akin.

Tutop ko ang aking dibdib sa pinaghalong lungkot at saya dala ng pagkikita naming ito. Walang katumbas na kaligayahan.

Ayun ang aking anak sa likod ng computer screen.

Ilang buwan din kasi ang nakalipas bago namin naiayos na dalhin siya ng Lola nya sa pinakamalapit na computer shop. Sa takot sa lumalalang insidente ng dengue sa Pilipinas at sa madalas na pagkakasakit ng aking anak kaya iniwasan muna namin siyang lumabas‐labas.

Ito ang unang beses naming magcha-chat.

Madalas man kaming mag‐usap sa telepono, iba pa rin ang epekto ng harapan kayong nagkikita.

Kumakabog ang dibdib ko, pinaghalong kaba, kilig at saya.

Pagkatapos ng masayang kamustahan at tawanan, tila pareho kaming napagod at sabay na napasandal sa upuan. Ayun siya, ang nag‐iisa at pinakamamahal kong anak. Abot ng tanaw ngunit hindi mahaplos, hindi mayakap.

Muli ko sanang bubuksan ang aking bibig para magkuwento ng kung anu‐ano pa pero hindi ko na mapigilan ang ilang butil ng luhang kanina ko pa gustong pakawalan. Nagtanong ang anak ko sa katabing aguela kung bakit ako umiiyak. Sumagot ako…

“Kasi, I miss you. Kasi, I love you. Love na love ka ni Mommy. Dadalasan natin ang ganito ha?”

Hindi umimik ang bata. Agad kong nakita ang malungkot na mga mata.

“Uuwi na kami”, sabi ng aking nanay, ang kanyang Lola.

“Sige po, mag‐ingat kayong lagi ‘Nay. Salamat po sa pag‐aalaga sa anak ko”, pigil ang hikbi at pagluha, pinilit kong iayos ang sarili, ayokong maapektuhan ang bata.

“My love, careful ka lagi ha”, Bilin ko sa aking anak. “Wag matigas ang ulo, behave ka kay Nanay ha?”

Tumango lang ang bata. Nakatingin sa akin at ayaw pang tumayo sa upuan kahit inaaya na sya ng kanyang Lola.

“Sige na anak, bukas uli. Promise—uuwi si Mommy ng maaga”, sabi ko.

Hindi tuminag ang bata. Nakatingin sa akin na parang may sasabihin.

“Mommy…”

“Po?” sabi ko.

“I love you”

Hindi ko na alam kung paano ko tatapusin ang kwento. Ang totoo, ipinikit ko ang aking mga mata para humugot ng kaunti pang lakas, saka ako sumagot ng “I love you rin anak”.

Ang bawat patak ng luha ng isang ina para sa anak na nawalay ay hindi matutumbasan ng ginto o kahit anong kayamanan.

Pero kung may bibili, sige lang, ibibili ko ng educational plan, pampuhunan at ticket pauwi ng Pilipinas.


** This s a true story. Chat moment po namin ni Paolyne, ang nag‐iisa kong anak. This happened June of 2010.

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.