in cooperation with

and

 

PEBA 2012 INTERNATIONAL BLOG and PHOTO AWARDS is brought to you by:

SSS PHILIPPINES, Smart IDD by Smart Communications, The Manny and Cynthia Villar Foundation


 

Sa Bagong Umaga

Ilang araw na akong tahimik at pilit na iniisip kung ano ba ang isusulat ko para sa aking monthly contribution sa TKJ. Nandoong naupo ako sa terasa mag-isa, nakatingin sa iba’t ibang kulay ng sasakyang maingay na nagdaraan. Naroong magbasa ng sangkatutak na blog ng iba’t ibang blogista sa buong mundo. Tumitig sa napakaraming larawan naming mag anak na makailang ulit ko ng nakita.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin ganap na mapagdesisyunan kung alin sa mga pangyayari sa buhay ko ang nais kong ibahagi sa inyo.

Ibabahagi ko ba sa kanila na hindi ako baguhan sa hirap ng buhay? Na sa murang edad na siyam ay marunong na akong maghanapbuhay? Na kapag walang eskwela ay kailangan kong gumising ng maaga para pumunta sa palengke at magtinda?

Na may mga araw na naluluha ang aking ina hindi dahil naaawa sa anak na nadatnan niyang ginupo ng antok kundi dahil sa nakatulugan ko ang lugaw at halos sunog na sa kalderong kumukulo (sayang ang tubong-lugaw).

Ikukwento ko ba na ako ang reyna ng bananaque sa kanto ng Bancal na umaabot sa mahigit isang libong piraso ng saging na saba ang naititinda ko sa oras ng miryenda? Salamat sa mga mababait na drayber at Toda lider na nakakaunawa na ang kita rito ang pantustos sa aking pag-aaral noon sa hayskul.

Isasalaysay ko ba kung ilang hospital, doktor at albularyo ang aking nakadaupang-palad noong ako ay nasa edad disi-sais madugtungan lamang ang buhay kong aandap-andap dahil sa sakit na kanser sa bato?

Ikukwento ko rin ba ang mala-fairy tale na pag-ibig ng isang lalaking halos sampung taon ang agwat ng edad sa akin na nagnanais akong pakasalan kahit pa sa mura kong edad, kahit pa alam nyang hindi na aabot ng ilang taon pa ang aking buhay?

Iniisip ko ngayon kung paano ko sasabihin sa inyo na minsan akong nangako sa Diyos na mabubuhay ako ng may kabuluhan para sa Kanya, huwag lang Niyang bawiin ng maaga ang buhay na ipinahiram upang matupad ang iilang pangarap na hindi ko pa man natutupad.

Gusto ko rin sanang ilahad ang nakakatuwa at nakakatawang rigodon ng pag-ibig namin ng aking
kabiyak. Na sa murang edad na bente uno sumabak ako sa pag-aasawa upang iwanan lamang sya pitong araw pagkatapos ng aming kasal para mangibang bayan at sumabak sa buhay-OFW.

Hindi pa rito nagtatapos ang maraming kwento.

Naroon ang napakahirap ng panahon na matapos ako magkaroon ng pag-asa sa mahabang buhay at
saka naman na-diagnose ang nanay ng kanser sa dibdib. Hindi ko makakalimutan ang panahon ng mga pagluha naming pamilyang umaasa sa isa pang himala.

Ang pagluluwal ko sa nag-iisa kong anak, ang mga karanasan ko bilang manggagawa sa ibang bansa at marami pang iba’t ibang kwento na nagbigay kulay at aral sa aking buhay.

Sa bawat yugto, sa bawat taon, sa bawat edad—may iba’t ibang sitwasyon at kaganapan na patuloy na nagbibigay sa akin ng maraming leksyon at realisasyon, dala ko lahat sa aking baul ng karunungan, bagay na aking maibabahagi sa aking anak at magiging apo sa hinaharap. Mga kwentong nais kong ibahagi sa inyo sa marami pang pagkakataon kung mapagbibigyan.

Walang problema na hindi kayang masolusyonan at walang pighati na hindi kayang pawiin ng Amang
Makapangyarihan. Dahil ano mang gipit, pait, lungkot at dalamhati ang dala ng mga pangyayari sa ating buhay---patuloy ang pag-asa sa Ama na ang lahat ng ito ay may kaloob na ngiti, biyaya at ligaya.

Ang bawat araw ay may dalang leksyon na hindi natin malilimutan. Patuloy tayong natututo sa bawat araw na ipinahihiram Niya, at ang ngayon para sa akin ang pinakamasaya at pinakamahalaga.

Bukas, pagsikat ng araw, isipin mong isa na naman itong pagkakataon para sa maraming ekspiryensa at isa na naman itong araw para sa isang malaking realisasyon.

Maging eksayted ka sa bawat araw ng bukangliwayway dahil buhay ka, tuldukan mo ang bawat araw ng may ngiti, iyon ang magsasabing, sa araw na ito---natuto ka.



► About the Author:
Annalyn Salangsawa ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.


0 Reactions:

Post a Comment