Payong




Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan,
tulad ng pag-agos mo di mapipigil ang puso ko…

Ilang araw ka nang hindi tumatawag o nagpapakita. Wala ka.

Gusto kong magalit pero wala akong karapatan. Hindi naman tayo.

Gusto kong magtampo pero iniisip ko para saan?, wala namang kapupuntahan.

Sa loob ng halos walong buwan na araw-araw kang nandiyan, biglang parang hindi ka nangyari sa buhay ko. Unti-unti kang naglalaho na parang may nagawa akong hindi tama.

Hindi ko maintindihan.

Galit na galit ang langit at kanina pang alas-sais ng gabi nagsimulang umulan. Nakikita ko ang mga tindahan na isa-isang nagsasara. Gustuhin ko man, hindi ko magawang pagdesisyunan na isarado na lamang basta ang tindahang pinapasukan ko. May mga ilang rolyo pa ng film na kailangang i-develop.

Dito, sa tindahang ito madalas tayong magkita. Halos araw-araw kang nakabantay pagkatapos ng iyong eskwela. Dumating na sa puntong napagalitan ako ng supervisor, pero matiyaga kang dadaan para kahit saglit makausap ako, mahatnan ng miryenda.

Pero ngayon, may isang linggo na yata noong huli kitang makita. Ayoko man aminin sa sarili ko pero hinahanap ko ang iyong presensya. Parang may kulang sa araw ko. Parang may hindi tama. Minsan naeengganyo na akong pumunta sa inyo, tanungin kung nasa probinsya ka ba, o nagkasakit o tinamaan ng kidlat at namatay na.

Minsan naiisip ko, ang hirap maging babae. Kailangan mong hintayin ang susunod ng hakbang ng lalaki kung pwede mo lang silang itulak, kung pwede mo lang sabihing Oo na, kahit wala pang panliligaw na nagaganap.

Ilang minuto pa, kailangan ko nang magsara ng establisyementong ito. Wala akong payong. Malakas pa rin ang ulan. Nagsisimula ng bumaha sa labas.

Susuungin ko ba ang ulan? Lulusungin ang baha sa labas?

Nawalan na ng kuryente.

Babagtasin ko ba ang daan mag-isa?

O tatawagan kita?

Ringggg. Ringgggg. Ringggg.

Hello.

Hello. Alam ko na. 'Wag kang umalis. Dadating ako. Wala kang payong diba? Dadating ako. D'yan ka lang.

Sampung minuto lang sakay ng traysikel ang layo ng tindahang ito sa bahay ninyo.

Aaminin ko. Kumakabog ang dibdib ko sa ginawa kong hakbang. Hindi ko alam na ikaw ang sasagot ng
telepono na parang inaasahan mo ang pagtawag ko.

Kinakabahan ako. Kinikilig. Eksayted.

Bumili pa ako ng chiklet masigurado ko lang na mabango ang hininga ko.

Inaasahan ko bang magsusukob tayo sa iisang payong?

Tila masyado na akong nagiging mapangarapin.

Papatayin mo ‘ko alam mo ba yon?, nakangiti mong sabi.

'Yun ang mga ngiting isang linggo ko nang inaasam. Suot ang basketball shorts at puting t-shirt, dala ang nag-iisang itim na payong.

Makakasukob kita.


Ngumiti ako kasabay ng isang tanong. Pakunwari, Mapangimbabaw.

Iisa lang ang payong?

Hiniram ko lang kay Junior to. 'Wag ka ng mareklamo.

Ihatid mo na lang ako sa sakayan ng jeep, hindi ko lang magawang tumawid sa kabilang daan e.
Natatakot akong mahagip…

Ihahatid kita sa inyo.

Iyon ang huling mga salita na binitiwan natin pagkatapos noon, isang mahabang katahimikan.
Katahimikan mula sa oras na buksan mo ang payong hanggang sa marating natin ang sakayan.

Katahimikan hanggang sa maswertehan na makasakay pa ng jeep.

Katahimikan hanggang sa lakarin natin ang daan mula sa kanto hanggang sa baryo namin.

Mahabang oras ang lumipas. Wala akong naririnig maliban sa patak ng ulan at kabog ng sarili kong
dibdib.

Ano ang iniisip nya?

Anong sasabihin ko mamaya?

Hawak mo ang payong, hawak ko ang payong.

Dalawang kamay na nanginginig sa lamig ng gabi. Sa wakas unti-unting tumitila ang ulan. Magkahawak
ba tayo ng kamay o magkadikit lang ang mga palad natin?

Binagtas natin ang madilim na daan, bahang abot hanggang tuhod, basa ang magkabilang balikat,
pinipilit na huwag magkadiit ang mga katawan.

Gusto kong tanungin. Ano ba tayo?

Ano ba kita?

Ano ba ang ibig sabihin ng mga pagdalaw mo? Ng pagbabantay? Ng mga ngiti mo? Ng tulad nito?

Pero hindi ko nagawa. Hindi ko magawa. Babae ako. Masagwa na ako pa ang mauna.

Dumating na tayo sa gate ng bahay namin. Sa wakas.

Bago pa man ako makapagpasalamat, bago ko pa man matignan uli ang mga mata mo, wala ka na.

Binabagtas mo na muli ang madilim na daan, sa pagkakataong ito, mag-isa.

Hindi kita maintindihan! sigaw ko. Wala akong maintindihan!

Pumapatak ang mga luha kong ikinukubli ng hamog at dilim ng gabi.

Huwag mo akong tanungin. sabi mo na nakatalikod sa akin. baka hindi ko masagot ang tanong mo sa
paraang inaasahan mong marinig. Huwag mong isiping… hindi lang ngayon ang panahon natin.

Sa gitna ng madilim na gabi, hawak ng palad mong kasing init ng apoy ang mga pisngi kong nanlalamig,
nararamdaman kong pinapahid mo ang luha at ulan na bumabasa sa atin, hanggang sa maramdaman ko
ang mahinang kabig.

Wala na akong nasabi. Wala na akong nahibik. Sapat na muna na alam kong nag-aalala ka sa akin.

Maghihintay na lang ako, hanggang sa sumikat na muli ang araw at magliwanag ang lahat sa atin.



► About the Author:
Si Annalyn Salangsawa ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment