in cooperation with

and

 

PEBA 2012 INTERNATIONAL BLOG and PHOTO AWARDS is brought to you by:

SSS PHILIPPINES, Smart IDD by Smart Communications, The Manny and Cynthia Villar Foundation


 

Paglisan


“Kumikinang kang parang bagong hugas na baso…”

Wow. Sa dami naman ng mapaghahambingan, bagong hugas na baso pa ang pwedeng gamitin.

“Ganun”, sagot ko. “Hindi nga. Bagay pala sayo ang kulay kahel. Iba ang dating ng aura mo tuloy”, nakangiti mong tugon sa sagot ko kasabay ng pagkumpas ng iyong mga kamay sa hangin. Tinatakpan mo ang sinag ng araw na tumatanglaw sa aking mukha.

“Bakit iba na ang itsura mo kapag palubog na ang araw?” muli mong tugon.

Dito sa ibabaw ng burol kung saan madalas tayong umakyat kapag dapithapon, sa ilalim ng puno ng talisay kung saan nakikita natin ang buong kapatagan, dito natin hinihintay ang paglubog ng araw. Dala mo ang lumang bisikletang minana mo pa sa iyong tatay na paborito nating itakbo pababa ng burol para paulit ulit na maranasan ang “paglipad”.

“Parang hindi nagdaan ang hayskul no?” tanong mo sa akin. “Whooooo!!!!! Malapit na akong maging piloto!!” Isinisigaw mo ito palagi, nakataas ang mga kamay sa hangin tila handa ng lumipad. Buong paghanga kitang minamasdan habang nakaupo ako sa malamyos na damuhan.

“Bespren, sigurado kang ayaw mong mag-aral sa Maynila?” tanong mo uli.

Umiling lang ako. Hindi ko masabi sayo ang totong nararamdaman ko. Hindi ko ikinalulungkot na hindi ako makakapag-aral sa maynila tulad mo. Hindi ako nalulungkot na may posibilidad na hindi na ako magpapatuloy ng pag-aaral. Ang totoong ikinalulungkot ko ay ang paglayo mo. Ang pag alis mo patungo sa Maynila kung kailan pa tag-araw. Mawawala na ang panahon ng pamimitas ng mangga. Hindi na kita uli makakasama sa darating na piyesta. Wala na ang mga araw na nakakatulog tayo sa ilalim ng punong ito. Lalayo na ang nag-iisang pag-ibig ko.

“Bes, bukas na ang alis ko. Ganyan ka pa, kanina ka pa walang kibo”, at tila nanumbalik ako mula sa malayong paglalayag.

Hindi lang ilang araw sa barko ang layo ng Maynila sa burol na ito. Hindi lang ilang oras sa eroplano. At alam kong ang paglayo mo bukas ay nangangahulugan ng maraming tag-araw na hindi kita makikita. Dadaan ang maraming dapithapon na hindi kita makakasama. Aaminin ko na ba? Sasabihin ko na ba? At kung ipagtatapat ko sa’yo ang totoong ikinalulungkot ko, tutugunin mo ba?

“Bespren, iba na talaga ang nagagawa ng sinag ng araw sayo. Gumaganda ka sa paningin ko”, sabay ngiti mo sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata upang iwasan ang mga luhang nagnanais na bumalong, ayokong makita mo ang itinatago kong emosyon.

Paano ko ba aamin na mahal kita? Paano ko ba sasabihin ang lihim kong ito bago pa lumubog ang araw, bago matapos ang tag-araw, bago ka mawala ng tuluyan? “Kapag natapos na ako ng kolehiyo, sa pagpipiloto, isasakay kita sa unang eroplanong paliliparin ko”, sabi mo ng nakangiti. Ngumiti ako para tugunin ang sinabi mo.

“At kapag piloto na ako, kapag handa na ang isip ko, kapag matatag na yung bagwis ko…” Sa muling pagtingin ko sa mga mata mo… hindi na sinag ng araw ang nakasisilaw kong nakita. Muli kong ipinikit ang aking mga mata para tanggapin ang unang halik na mararanasan ko sa aking buhay.

“Sa unang sibol ng tag-araw, pakakasalan kita.”

At saka ko naramdaman ang muling pagdampi ng iyong mga labi kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Hindi man ako umaasa na matutupad ang pangako mo at hindi ko man muli pang masilayan ang lalaking minahal ko sa mahabang panahon, ang lahat ng ala-alang ito na iiwan mo ay sapat na para mabuhay ang pag-ibig ko.

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

0 Reactions:

Post a Comment