Violy






Dati akala ko, ang mga bayani ay nabubuhay lamang sa libro. Bayani kapag namatay ka para sa kapakanan ng nakakarami. Bayani kapag nakipaglaban sa mga mananakop, kapag may bagay kang nagawa para sa bayan. Yun kase ang nakalakihan kong pangaral sa eskuwelahan e. Ganoon ang alam kong bayani. Pero nagbago ang lahat ng iyon ng makilala ko si Violy.

Pokpok, salot sa lipunan, babaeng mababa ang lipad… yan ang tawag nila sa mga babaeng katulad ni Violy. Puta kung itinuturing ng ibang mamamayan. Hindi nirerespeto, pinandidirihan. Bata pa lamang si Violy ng nagsimula itong magbenta ng laman. Disi-syete anyos. Menor de edad. Isang taon lamang matapos ang hayskul. Palibahasa maganda si Violy, makinis, kaakit akit at maamo ang mukha, malakas ang benta nya sa mga mayayaman.

Di tulad ng ibang mga babaeng bayaran, naranasan ni Violy ang buhay na marangya. Sa isang pribadong paaralan sya nagtapos ng sekondarya. Nakatira sila noon sa malaking bahay at sunod sa luho ang nagiisang anak na ito nila Mang Rudy at Aling Tess. Subalit parang kandilang dahan dahang naupos ang yaman ng mga ito simula ng atakihin sa pangatlong pagkakataon sa puso si Aling Tess. Naubos sa pagpapagamot ang naipundar ni Mang Rudy hanggang sa isang araw, bigla nalang itong sumuko at naglaho. Tuluyan ng naiwan si Violy at si Aling Tess sa pangangalaga ng isa’t isa. Yun nga lang, mas kailangan ni Aling Tess si Violy dahil paralisado na ang kalahating katawan nito.

Dahil hayskul lamang ang natapos ni Violy at kailangan nya ng sapat na halaga para sa gamot at pangangailangan nilang mag-ina, pikit mata niyang ibinalandra ang katawan niya sa kung kani-kaninong tao. Tangan lamang ang pagmamahal sa ina, gabi gabi niyang iginigiling ang maliit niyang bewang kapalit ng tig-iisang libo ng mga lalaking hayok sa laman. Tikom ang labi nya sa bawat pangungutya sa kanya ng mga tao sa paligid. Isa lamang ang gusto ni Violy, ang magandang bukas para sa kanya at ang manatili sa mundo ang kanyang ina hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Ipinangako niya sa sarili niya na hangga’t kaya niyang kumayod, mabubuhay silang magkasama ni Aling Tess.

Dalawampu’t walong taong gulang na si Violy ngayon. Wala na si Aling Tess. Subalit alam niyang ipinagmamalaki siya ng kanyang ina kung nasan man siya naroroon. Accountant na si Violy ngayon at nagbunga lahat ng paghihirap, pagod at dasal niya noon. Hindi na sya kinukutya ngayon. Hindi na rin sya salot sa lipunan kundi ginagalang, nirerespeto at hinahangaan.

Saludo ako kay Violy.

Hindi siya nagpatalo sa hirap at sa kawalang pag-asa. Sinuong niya ang hirap ng pagpasan sa kanyang ina ng mag-isa. Pinilit niyang iahon ang sarili niya sa putik ng kahihiyan. Ganoon ang bayani. Matatag, maaasahan, may paninindigan. Ang tunay na bayani ay nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit at nagtitiis ng walang hinihintay na papuri. Hindi iindahin ng bayani ang pagod maging masaya lang ang paglalaanan niya nito. Yun si Violy. Isang tunay at makabagong bayani. - TKJ




► About the Author:
Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.
► Read Rose's previous articles here.
click here to comment… for bloggers

3 Reactions:

LordCM said...

Ganda nito Rose...Isang tunay at buhay na Bayani...

an_indecent_mind said...

ang galing mo... di ako bumitaw sa pagbabasa, magaling ang pagkakagawa! keep it up!

Francis Morilao said...

Salamat indecent mind, inaanyayahan ka namin na mag contribute sa September issue ng The Kablogs Journal - RAIN | ULAN. Send Email: TheKablogsJournal@gmail.com

Post a Comment