Dakilang Bayani Anghel Ng Buhay Ko



Gusto kong ialay ang ginawa kong tula para sa aking kapatid, ang aking bayani, ang aking anghel.


Hindi ko kailanman malilimutan ng isang araw, bigla na lamang natapos ang masasaya naming araw, dahil kailangan nyang umalis papuntang Japan. Hindi ako nagtanong kung bakit, pero ang sabi nila, kailangan daw nyang umalis para maiahon kami sa kahirapan. Ang tanging nasa isip ko, paano na ang pag aaral niya, paano siya 'pag nalulungkot doon, sinong makakasama niya? Napakabata pa niya. Anong trabaho ang kaya niyang gawin? Mura pa ang katawan niya at isip. Noong una, ang edad na 15 ay sobrang bata pa, walang muwang sa mundo, bago pa lang nag uumpisang mangarap sa buhay, tambay, pasaway, ni hindi nga mautusan na bumili ng suka eh… tapos, ang ate ko, pupunta sa Japan?? Paano 'yun?

Maraming taon bago pa mauso ang mga cellphones at ipads, computers at iphone, ang komunikasyon lamang ay sa pamamagitan ng sulat, dalawang linggo bago ito matanggap, at dalawang linggo uli bago makarating sa pupuntahan. Noon, bihira pa ang may landline, at ang mahal ng charge ng tawag overseas. Naiisip ko, paano kaya ang ate ko 'pag nalulungkot? Kapag hinahanap niya ang kanyang mga mahal sa buhay? Paano kapag umiiyak siya? Sino ang yayakap at hahawak sa kamay nya?

Pero nakita ko kung gaano siya katatag, kung gaano niya nilabanan at nilalabanan pa ang mga pagsubok sa buhay niya. Hanggang ngayon, isa siyang pader na sinasandalan ko, isa siyang isang halimbawa ng isang magiting na bayani na hindi sumusuko sa ano mang laban. Halos 25 taon nang buhay niya, inialay niya sa kanyang buong pamilya. Bawat sandali ng buhay namin, andun siya, naka alalay, at ni minsan hindi nagpakita ng pagkapagod sa tagal ng panahon ng aming pagkakasandal. Isa siyang tunay na bayani, hindi lang para sa pamilya niya, kundi sa iba pang taong naging bahagi ng buhay namin. Isa siyang anghel na binigay ng Diyos, dahil wala kaming magulang na maaari naming sandalan. Mabuhay ka ate! Pagpalain ka ng Diyos! Wala kang katulad! Dahil ikaw ay…

Dakilang bayani, ikaw'y anghel ng buhay ko,
Nilimot ang sarili, ibang bansa ay iyong dinayo;
Hindi inaalintana, ang malulupit na bagyo,
Maipagkaloob lamang, ginhawang pangako mo.

Ikaw ay lumisan, nakipagsapalaran sa murang gulang,
Labing limang taong edad, salat pa nga sa karanasan;
Ang tanging baon mo'y iyong lakas lang at tapang,
Hindi sumuko kailanman kahit na nga nasusugatan.

Hindi ko lubos at ganap na maunawaan,
Bakit nga ba ang buhay, di parehas kung minsan;
Minsan ang Diyos ba, ay may kinikilingan,
Bakit hindi makita, ang iyong mga kahirapan.

Sa lakas at tapang mo, sarili mo ay inialay,
Para sa buhay na matatag, pamilya mong minamahal;
Nilimot mo ang sarili, kinitil ang kaligayan,
Katumbas ay ngiti sa labi ng mahal mo sa buhay.

Mula noon hanggang ngayon, ikaw ay umaalalay,
Nagsisilbing tanglaw, lahat sa amin ay gumagabay;
Ikaw ay isang bayaning, lihim lamang kung magningning,
Papuri ay 'di sapat, kahit handugan pa ng awitin.


Ikaw ay ang bayani, anghel ng buhay ko,
Kailanman ay nakatago, nakadambana sa aking puso;
Higit pa sa aking buhay, pangako ko sa iyo,
Aalagaan at mamahalin, kailanman ay di magbabago.

Minamahal kita, ikaw ang aking idolo,
Hinihiling sa Diyos, sana'y maging katulad mo;
Maging sapat ang tatag, ang lakas ko at talino,
At pagdating ng araw, maging bayani rin, at anghel nyo. - TKJ





► About the Author:
Mariz, a blogger and the owner of ReInA EmOtErA's AdVeNtUrEs In HoLy LaNd. She came from Quezon Province and currently based in Israel as Caregiver. She is an avid supporter/ volunteer of PEBA.
click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment