Showing posts with label Naughty Corner. Show all posts
Showing posts with label Naughty Corner. Show all posts

Kayamanan ng buhay

7 Reactions


"To be rich is not about money; it is more about your worth as an individual to the extent that you help others succeed, grow and become more than they were previously." - Byron Pulsifer

Batid ko na ang kalalagayan ng buhay namin noon. Alam ko sa aking sarili na hindi kami mayaman, hindi kami kabilang sa mga pamilyang may maginhawang buhay. Nagsimula akong magkaroon ng “insecurities” tungkol sa pagiging mahirap namin noong nag-aaral ako sa elementarya. Karamihan sa mga kaklase ko ay may bitbit na mga lunchbox, samantala sa akin ay supot lamang ng pandesal. Kumpleto ang mga gamit nila sa eskwelahan -- mga naggagandahang mga bag, pencil case, lapis, ballpen at notebook. Samantalang sa akin ay mga pinaglumaan lang din ng mga nakatatandang kong kapatid. Kaya naman ganun na lang ako kainggit sa mga kaklase ko noon.

Lalong lumakas ang aking mga “insecurities” noong nag-high school na ako. Bibihira lang akong bilhan ng nanay ng sapatos. Sa loob ng apat na taon ko sa high school, isang beses lang akong nabilhan at madalas ang suot-suot ko ay sapatos ng tatay o kaya ni Lolo. Basta papalitan lang ni nanay ‘yun kapag nakita n'yang upod na upod na ang swelas, biyak na biyak, at nakakanganga na. Palibhasa binili lang 'yun ni nanay sa tyangge, kaya ganun na lang kadaling masira. Kaya naman inggit na inggit ako sa mga kaklase kong bago ang mga sapatos lalo na ‘yung may tatak pa.

Hindi ako sumasakay sa dyip, kasi nilalakad ko lang ang eskwelahan at bahay namin kahit tirik na tirik ang araw. Naglalakad ako dahil noong minsang sumakay ako ng dyip, nakasabay ko ang mga estudyanteng nasa pribadong paaralan (na kung saan mga mayayaman lang ang nag-aaral). Pagsakay ko sa dyip, akala mong nakakita ng pulubi dahil diring-diri at nagtatawanan pa. May nagsasabi pa na “Ano ba 'yan...amoy araw!!”. Kaya halos manliit ako ng sobra sa kanila. Tawanan sila ng tawanan sa loob. Sino ba ang nakakatawa? Ako ba?

Noong nagkolehiyo naman ako, inggit na inggit pa rin ako sa mga kaklase kong magaganda ang mga bag at sapatos. Sa akin biyak pa rin ang sapatos ko, at ang bag ko ay napaglumaan naman ng kuya ko. Kaya para makaiwas sa panunukso ng mga kaklase tungkol sa aking sapatos, bumili na lang ako ng mumurahing sandals at nagsasandals na lang ako na may medyas. Kaya noong minsang nakita ako propesor na nagsusuot ng sandals agad nya akong sinita.

Wala kaming computer noon, at nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo noong nakahawak ako ng computer. At nanginginig pa akong gamitin ang computer dahil baka masira ko lang. At madalas kapag may term paper ay sa makinilya (o typewriter) ko ito ginagawa. Ang baon ko noon ay 50 pesos lang at 40 pesos ang pamasahe. Kaya ang sampung piso ay pilit kong pinagkakasya sa loob ng isang araw. Minsan fishball at kwek-kwek lang ang kinakain ko makatawid lang sa gutom. Kaya sobrang awang-awa ako sa sarili ko noon. Dahil kahit minsan hindi ko naranasang maging mayaman, kahit minsan hindi ako nakaramdam ng ginhawa sa pag-aaral.

Subalit sa awa ng Dyos, nakatapos ako sa pag-aaral at dagliang nabigyan ng oportunidad dito sa Saudi Arabia. Kaya heto ngayon ako, nagsisikap at pilit na binibigyan ng kaginhawahan ang aking mga magulang sa abot ng aking makakaya. Aaminin ko na kung sarili ko lang ang iisipin ko, marahil mayaman na ako. Pero dahil ayaw kong maranasan ng aking mga kapatid ang hirap na naranasan ko noon. pinipilit kong suportahan ang kanilang pag-aaral at kalimutan panandalian ang mga kagustuhan ko sa buhay.

Sinagot ko ang lahat ang gastusin ng apat kong kapatid sa kolehiyo. Mahirap pero pilit kong kinaya. Sinisikap kong hindi sila nakaramdam ng kagipitan sa araw ng enrollment, at ayaw ko ring naranasan nilang magbaon na halos pamasahe lang . Pinupursige ko na ipatikim sa kanila ang mga hindi ko naranasan noong ako’y nag-aaral pa. Lahat ng gastusin nila sa kanilang pag-aaral ay pilit kong pinupunan.Bago lagi ang kanilang mga sapatos at bag kada taon. Binilhan ko rin sila ng LAPTOP para magamit nila sa kanilang pag-aaral. Ayokong maranasan nila ang hirap ko noon para magpasa lang ng mga research at term paper Ayokong problemahin nila ang gastos sa pag-aaral maging ang kanilang mga gamit . Ang tanging gusto ko ay mag-aral lang sila para maabot nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Nakaka-proud lang na nakakatatlo na akong napagtapos sa pag-aaral. Ang isa ay nakatapos ng “arkitekto” at nagtatrabaho sa malaking kumpanya sa Maynila. Yung isa naman ay “inhinyero” at kasalukuyang nagtatrabaho na rin sa isang sikat na kumpanya sa Quezon City. At ang kapatid kong “nurse” ay nagkapasa sa board exam at kasalukuyang ding nagvo-volunteer sa isang pampublikong ospital. Kahit paano ay nakakatulong na rin sila sa aking mga magulang. At ang huli ay kumukuha din ng “Nursing” at makakatapos na sa darating na Marso.

Sa tuwing sinasabi nilang “KUYA MARAMING-MARAMING SALAMAT”, gusto kong mapaiyak sa sobrang sarap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahan. Alam ko sa ‘king sarili na kahit paaano naging bahagi ako ng tagumpay nila sa buhay. Pakiwari ko’y naging parte din ako ng kanilang kinabukasan.

Hindi man ako mayaman, hindi man ako nagkaroon ng maraming pera ngayon. Masaya na ako na makatanggap ng simpleng pasasalamat mula sa aking mga kapatid na labis kong pinagmamalaki. Sapat na sa akin yun! Parang lahat ng pagod, sakripisyo, paghihirap at kalungkutan ko ay talagang sulit na sulit! Kaya masasabing kong……..MAYAMAN AKO.

Sana’y ito’y pagkunan din ng inspirasyon at pag-asa ng kapwa ko OFW. Pag-asa na huwag sumuko sa buhay at pilitin abutin ang kanilang mga pangarap. Tulungan din kapwa mahal sa buhay patungo sa magandang kinabukasan. Tayong mga OFW ay isang buhay na patotoo ng pag-asa ng ating pamilya. Hindi man tayo maging mayaman sa pinansyal na aspeto, naging mayaman naman tayo sa dangal at pagmamalaki ng mga mahal natin sa buhay. Gamitin ang bawat lungkot at pangungulila bilang mga sandata tungo sa ikatatagumpay, hindi lamang ng ating mga sarili ngunit maging ng ating pamilya at mahal sa buhay. Totoo nga na tayong mga OFW ay isang KAYAMANAN . Kayamanan tayo ng ating pamilya at mayaman din tayo sa pag-asa, pagmamahal at dangal.

MABUHAY PO TAYONG MGA OFW!

Ingat po.

Drake

► Read Drake's previous articles here.

Ang regalo...bow!

0 Reactions


Usapang regalo ito kaya ang mga sumusunod ay ang mga regalong karaniwan kong natatanggap tuwing Pasko.

1. MUG
Minsan niisip ko: mukha ba akong adik sa kape? Dahil tuwing Pasko na lang ay halos isang dosenang MUG ang natatangap ko. Aba nagamit ko na sa iba't-ibang bagay ang mahiwagang MUG na yan. Ginawa ko ng tabo, lalagyan ng Medicol ng nanay, pantakal ng bigas at pandikdik ng paminta.

2. PIKTYUR PREYM
Napaka-makaysaysayan sa akin ng regalong yan...alam n'yo ba kung bakit? Okay, ganito kasi ang eksena.

Grey siks, ako n'un tapos may paek-ek ang mga titser ko noon na magkakaroon kami ng EKSCHENS GEPT sa Krismas Parti namin . Dapat daw ang regalo ay nagkakahalaga ng bente pesos. Dahil mabibo akong bata, bumili ako ng lampas bente pesos na regalo, sa pag-aakalang makakatanggap din ako ng mahal na regalo.

Heto na kamo, araw ng Krismas Parti, bunutan na ng regalo.

“Okay namber piptin” sabi ng titser

“DATS ME!! DATS ME” (wow english) , sabay abot ng namber kahit halos magkandapa-dapa ako sa sobrang eksaytment. Sobrang ekspek na ekspek ako n'un kasi mahal 'yung binili kong limang bimpo na iba't-ibang kolor (aba betsingko kaya yun).

Pagbukas ko ba naman ng regalo, halos mahimatay ako sa natuklasan ko. Isang makapanindig balahibong……tenen…"PIKTYUR PREYM” -- na may piktur pa ni Manilyn Reynes (di man lang si Sheryl Cruz).

Galit na galit ako n'un, kasi pakiramdam ko nautakan ako ng kaklase ko. Kasi tig-kikinse lang kaya 'yun, samantalang 'yung sa akin e bente-singko pesos. N'ung malaman ko kung sino'ng nagbigay, hinamon ko ng suntukan, sabay tapon sa basurahan ng piktyur preym habang nakangiti si Manilyn Reynes sa akin.

3. PIGURIN AT KANDILA
Medyo pinag-iisa ko na yang dalawang regalo na yan, kasi halos pareho lang naman yan. Pakiramdam ko sa tuwing nakakatanggap ako ng pigurin kailangang pahirapan pa akong pagdikit dikitin na parang puzzle ang mga basag na pigurin.Katulad ng mga piguring anghel na putok ang bungo, lasug-lasog ang pakpak at barag ang pagmumukha. Kaya madalas ginagawa ko na lang itong TSOK pangguhit sa laro naming PIKO.

'Yung kandila naman, okay naman sana kung medyo pangmayaman 'yung kandila. Pero buwal ako sa iba, kasi akala yata nila lahat ng kandila pwedeng pangregalo. .Minsan pinagloloko ka pa “Uyyy may amoy yan, mabango yan”, pero n'ung inamoy ko naman putcha……….amoy GAAS . O di kaya “ Uyy, ang ganda ng design n'yan oh”, pero nung makita ko naman….langya…..kandilang pampatay kaya yun. (Mukha ba akong bangkay ha??!)

4. PANYO O BIMPO
Medyo iyan din naman ang madalas kong panregalo kapag wala na talaga akong maisip. Paepek ko pang sasabihin, “tagal kong hinanap 'yan” o di kaya “ ikaw talaga naisip ko nung binili ko 'yan”. Sus! Pinaganda ko lang dahil ayaw kong sabihin “Kasi uhugin ka at nagmamantika ang katawan mo sa pawis kaya panyo bigay ko sa iyo”.

Pero ako rin naman isandamakmak na panyo ang natatanggap ko ('yun rin kaya iniisip nila sa akin??).

5. SUBENIR
Naalala ko 'yung ate ko noong bata pa s'ya at hindi pa nagpapanty. Krismas Parti namin sa Choir noon at syempre may EKCHENS GIPT uli kami. Dis taym tig tetrenta pesos na ang presyo, medyo tinaas na ang level. Ang ate ko eksayted din at namili na ng Curly Top at Pretzel , kaya naman ganun din s'ya ka-ekspek na maganda ang makukuha rin n'ya (magkapatid nga kami).

Heto dumating na ang araw ng Krismas Parti, at bigayan na ng regalo,

“Okay namber SEBEN” sabi ng maestro namin

“Ako po yun, ako po yun!!” nagkukumarat ang ate kong may hangin din ang utak

Pagkaabot ng regalo sa ate ko, hayun binuksan n'ya agad, eksyated na eksayted eh.

Pagbukas n'ya ng regalo halos lumuwa ang mata n'ya. (Hulaan n'yo ang regalong nakuha n'ya??? Uhhmmm……….. mali ka , hindi piktyur preym) .

Pagbukas n'ya ng regalo…… isang wallet na kulay puti na medyo pamilyar ang hitsura at may nakalagay pa sa gitna na……… “Aling Miling's Store” . Kaya pala pamilyar eh "GIVE AWAY"pala 'yun ng suking tindahan ng nanay.

Umatungal ng pagkalakas lakas ang ate, sabay sabing “PURUROT ANG NAKUHA KO, PURUROT”. (Umeksena pa sa Krismas Parti, nakakahiya!!)

Hindi ko naman masisisi ang ate dahil sandamakmak na wallet na may “Aling Miling's Store” ang meron sa amin. Pag-uwi ng bahay, nasa gate pa lang ang ate ko, umaatungal na, na parang baka.

NANAY, NANAY!! Pururot ang nakuha ko, pururot!!! na halos lumubo ang sipon at kumakatay ang laway.

Takang-taka naman ang nanay kung bakit ganun na lang ang atungal ng kapatid ko.

“Eh ano ba ang nakuha mo?” tanong ng nanay.

“Ito po!!” sabay ipinakita ng ate ko yung regalong natanggap nya at singhot ng uhog

“AY LINTEK NA!! PURUROT NGA!!!” sigaw ng nanay ko.

Nung i-trace namin kung sino ang nagbigay ng pururot na 'yun, napag-alaman naming 'yung pinsan ko pala ang nagbigay. Tapos s'ya rin ang nakatanggap ng regalo ng ate ko. Kaya naman halos dalawang taon silang hindi nagpansinan noon.

6. KUNG ANO ITINANIM SYANG AANIHIN

'Yung kuya ko may pagka-lahing intsik dahil sa kakuriputan. Akalain mo bang ginagawang SM o tyangge ang “displeyan / tokador” namin. Akala mong nagsha-shopping kasi titingin-tingin sa may tokador ng mga pigurin, kandila, at kung anu-ano pa. Ipapabalot at gagawing regalo sa kanyang gerlpren. Kahit na mukhang-mukhang demonyo 'yung angel na pigurin dahil sa dungis at mukhang lumangoy sa basura si “Winnie the Pooh” dahil nanggigitata sa alikabok, wala s'yang pakialam, may mairegalo lang. Kaya madalas wala na rin akong mapangregalo dahil inunahan na n'ya ako'ng kumuha sa may tokador namin (ako rin pala).

'Yang mga nabanggit sa itaas ang kalimitang natatangap ko tuwing Pasko. Pero alam n'yo sa totoo lang, hindi naman talaga mahalaga kung ano ang regalo ng isang tao. Ang mahalaga ay kung bukas ba sa loob n'ya ang pagbibigay. Sabi nga nila “it's better to give than to receive”. Hindi man tayo makatanggap ng kapalit sa ating naibigay, sapat na ang makaramdam tayo ng kasiyahan dahil may napasaya tayong tao. At nagawa nating ibahagi ang ating biyaya sa iba.

Maraming mga bagay na hindi maaring bilhin ng pera. Kaya kapag magreregalo tayo, isama natin ang bahagi ng sarili natin sa regalo na ito. Masarap makatanggap ng regalo pero mas lalong masarap sa pakiramdam kung 'yung taong pinagbigyan mo ay masayang-masaya dahil sa ibinahagi mo sa kanya. Hindi nasusukat ang halaga ng regalo sa presyo nito; nasusukat ito kung gaano karaming pagmamahal ang inilagay mo kasama ng mga regalo mo.

Ngayong Pasko gawin natin maging makabuluhan ang bawat regalo natin. Ito ang araw ng pagbibigayan, at magandang ibahagi mo rin ang iyong sarili sa ibang tao. Tulad ng ating Panginoon, dahil nagawa n'yang ibinigay ang Kanyang sarili ng buong buo para sa ating lahat kaya tayo may Pasko ngayon.

Iyan lamang po at maraming salamat!

Merry Christmas at Happy New Year sa inyong lahat.

► Read Drake's previous articles here. At kung bitin ka pa, basahin mo rin ang iba pa naming mga artikulo dito.

Tradisyong a-uno ng Nobyembre

1 Reactions


Araw ng mga Patay, Do Los Lo Santos, All Saints Day, Kapistahan ng mga Patay at Undas.

Iyan ay ilan sa mga tawag natin tuwing papatak ang a-UNO ng Nobyembre. Sa ating mga Pilipino, tradisyon na ang dumagsa sa mga sementaryo para ipadasal, ipagtirik ng kandila at alayan ng bulaklak ang mga kaanak na yumao. Kaya namang usapang “PATAY” ang pag-uusapan natin ngayon.

URI NG MGA NITSO:

1. Apartment – ito yung mga nitsong magkakapatong
2. Condo – ito ang ma nitsong magkakapatong din subalit nakamarmol naman.
3. Bungalow – Ito naman ang nitsong mag-isa lang
4. Duplex- Nitsong magkatabi (kalimitang mag-asawa ang nandito)
5. Mansion – Nitsong may museleo pa
6. Six Feet Under- nitsong nasa ilalim ng lupa na nilalagyan ng Bermuda grass sa ibabaw at sosyal na lapida
7. Anim na Paa sa Ilalim (tinagalog lang) – nitsong binaon lang sa lupa na may krus na kahoy at pinapalibutan ng bato para matandaan naman (kalimitang binabaon lang sa likod bahay dahil mahal na ang lupa sa sementeryo)

KLASE NG KABAONG

1. Lower Economy Class– kabaong na gawa lang sa plywood o lawanit (kung wala talaga banig na lang)
2. Economy Class – kabaong na gawa sa plywood pero may pintura at design na
3. Business Class - kabaong na may design na maganda, may kutson (para di raw sumakit ang likod ng patay), at may manikang ANGEL sa ibabaw na gumagalaw galaw pa.
4. First Class – Kabaong na gawa sa narra, yakal o apitong na may salamin na nakahulma. Kalimitan ding cupcake ang handa sa lamayan at hindi biskwit. Wala ding makikitang saklaan at madjong dito.

*Kung minsan may “PROMO” ang mga punernarya, ito ay ang “BUY ONE TAKE ONE PROMO”. Pag bumili ka ng kabaong, may “free” pang isa. Kaya magmadali at i-avail ang promo dahil “Limited Stocks Only”.

KARANIWANG TAGPO SA SEMENTERYO TUWING A-UNO NG NOBYEMBRE

1. Reunion

Mistula itong Family Reunion, high school reunion, elementary reunon, at kung ano ano pang reunion. Kaya makikita mong grupo grupo ang mga kabataan, samantala ang mga matatanda naman ay kanya kanya ng kwentuhan at bidahan. Dito rin nagtatapo ang dating magkasintahan, pati na rin ang dating magka-away.At dahil reunion asahan mo rin na ang iba ay nagpapayabangan sa laki at bango ng bitbit na kandila, at pagarbuhan sa ganda ng bulaklak.

2. Picnic / Park/Piyesta

At dahil na rin kailangan bantayan ang mga nitso ( baka umalis daw eh), naging picnic area o park na rin ito. Sa dami ng pagkaing bitbit, at may kasama pang makukutkot tulad ng butong pakwan at kornik, talagang namang nagmumukha “park” na rin ito ng mga Pilipino. At dahil sandamakmak na pagkain ang kanilang dala, para ka na rin namimiyesta (kulang na lang ay perya) . Asahan ding isang malaking “trash can” ang sementeryo pagkatapos nito.

3. Party / Casino

Karaniwang mapapansin nagmumukha Party o Club na rin ang sementeryo sa lakas ng mga stereo, component, at videoke. Sabog ang mga tenga sa lakas ng patutog at kung minsan naman ay todo ang biritan ng ilan sa videoke (sige, subukan kaya nilang kantahin ang “MY WAY). Habang ang iba naman ay naglalaro ng pusoy dos, tong-its, madjong at kung ano ano pang laro sa baraha, Kulang nalang ay casino chips at mga babaeng nakapanty lang. Kaya pag may nagkapikunan sa sugal at nagkakaaway sa score sa videoke, asahan mo may isusunod na sa bakanteng nitso doon.

4. Mga batang nangangandila

Sila naman yung tirador ng upos ng kandila, karaniwang nagngangapit-nitso sila para lang makarami ng kandilang ibebenta. Kalimitang binibilot nila ito hanggang sa magmukhang bola ng kandila, mapapansin din na kahit hindi pa tunaw ang kandila, kinukuha na rin nila. Kung minsan naman “trip” lang nilang manguha ng tulo ng kandila………. USO eh.

5. Tyanggi-an / Tindahan

At dahil maraming tao, asahan mo marami din nagbebenta ng kung ano ano sa sementeryo. One-stop shop kumbaga, may lugawan, fishball-an, mamihan, nagbebenta ng mani, nagbebenta ng chitchirya, kandila, bulaklak, may nagbebenta ng ukay-ukay, laruan, sisiw kulay pink, violet ar rainbow, laruang manok na tumutuka pag pinapaikot ang itlog nito, at kung ano ano pang pwedeng ibenta. Nagmumukha na ring palengke ang sementeryo sa dami ng nagtitinda. At minsan mas marami pa ata ang mga “stalls” na nagtitinda kaysa sa dami ng nitso doon.

Ang mga nabanggit sa itaas ay kalimitang napapansin natin sa mga sementeryo tuwing a-uno ng Nobyembre. Sari-saring trip, gimik, pakulo, tradisyon at kung ano-ano pa. Subalit tandaan natin na mas mahalaga ang panalangin kaysa sa ano pa man. Wala yan sa bango, laki, mahal ng kandila mo at hindi rin yan nakukuha sa ganda at dami ng bulaklak na iaalay mo sa mga namayapang kamag-anak. Ito’y nasa mataimtim na panalangin para sa kanilang kaluluwa. Sana’y mas paglaanan natin ng panahon ang pananalangin higit pa sa mga bagay na ito.

Iyon lang po at maraming salamat.

► Read Drake's previous articles here.

Advantages (and disadvantages) ng pagiging OFW

2 Reactions



Tayong mga Pilipino, mayroon tayong sariling identidad at pagkakakilanlan mula sa ibang lahi at bansa. Subalit kami ring mga OFW ay mayroon ding identidad at pagkakalinlan na talagang kapansin-pansin at natatangi lamang sa amin.

Isa ka daw OFW/Balikbayan kapag...

1. May uwi-uwi kang balikbayan box na maghapon mong binalutan ng “packaging tape” na kulay brown at may naghuhumiyaw na pangalan at address na nakasulat dito.
2. May bitbit ka ring kumot, medyas, maliit na pabango, at head phones na nanenok mo sa eroplano
3. Kapag galing ka daw ng Saudi, kailangang nag he-HEPA ka sa ginto, may suot kang maong na jacket, at ang susundo sa iyo ay “jeep” na may nakalagay na KATAS NG SAUDI
4. Kapag isa ka daw babaeng OFW na galing Taiwan o Japan kalimitang may yakap yakap kang “TEDDY BEAR”
5. Kapag galing ka daw Amerika o Europa, kailangang may suot kang malaking shades, makapal na damit kahit tag-init at medyo hirap ka din dapat MAGTEGALOG (tagalog)
6. May bitbit na payong, bag, tent, at t-shirt na galing DUTY FREE na libre mong nakuha mula sa nabiling chocolate o alak.
7. Mas inuna mong tinanong kung magkano ang palitan ng dolyar, kaysa sa kalagayan ng bansa.
8. Ang “hand carry bag” mo ay halos kasing bigat na din ng isang normal na bagahe.
9. Dalawa ang cellphone at simcard mo, isa pang roaming at isang pang local line.
10. Nag over-baggage dahil sa uwing spam, corned beef, peanut butter, luncheon meat, cornflakes at iba pang “PX Goods” kahit alam naman available din naman ito sa Pilipinas.

Bilang isang OFW, marami akong mga karanasan na masasabi kong naglalarawan din sa karanasan ng isang tipikal na OFW. Mayroon akong mga bagay na magaganda at hindi magagandang nakikita o adbentahe at hindi adbentahe ng isang OFW. Ito ang mga sumusunod.

Mga “advantages” pag ikaw ay isang OFW...

1. Isa ka daw “bagong bayani” ng ating bansa.
2. Sikat ka sa mga kapitbahay, kamag-anak, kaibigan, kaklase at kababaryo mo.
3. Lahat ng tao ay mabait sa iyo.
4. Tingin sa iyo ay marami kang uwing pera at amo’y “mayaman”.
5. Turing sa iyo ay isang hari o reyna na sinusunod ang lahat ng utos ng iyong mga kapamilya’t kamag-anak.
6. Madalas kang kinukuhang “guest speaker” o panauhing pandangal sa mga graduation bukod sa mga pulitiko.
7. Tinuturing ka ring isang matagumpay na anak/mamamayan ng iyong bayan.
8. Ang lahat ay sabik kang makita kung ano ang pinagbago mo.
9. Ikaw na rin ang tinuturing na mabuti at paboritong anak o kapatid ng iyong kapamilya.
10. Pakiramdam mo kay gwapo at kay ganda mo dahil sa mga papuri ng ibang tao sa iyo.

Mga “disadvantages” naman pag ikaw ay isang OFW

1. Tinuturing kang Isang malaking factory o pagawaan ng pera sa ibang tao, kaya sa iyo sila nangungutang. At kapag hindi mo sila pinautang,malamang sinasabihan kang “pinakaganid” na tao sa mundo
2. Kung sa ‘Pinas ay nagmimistula kang hari o reyna pag-uwi, subalit pagbalik mo sa bansang pinagtatrabahuhan, isa ka na muling dayuhang tagasunod nila.
3. Madalas kang gawing ninong/ninang sa binyag, kumpil, kasal at kung ano ano pa,. Kailangan magbigay ng malaking pakimkim kung ayaw mong sabihang “KURIPOT”.
4. Isa ka daw masamang tao, kapag di mo nabigyan ng chocolate, t-shirt,corned beef o sabon ang mga kamag-anak mo.
5. Ang sukatan ng iyong tagumpay ay base sa laki ng “balik-bayan” box na dala mo.
6. Dumadami ang iyong kaibigan, kakilala at kamag-anak kahit ngayon mo pa lang sila nakita at nakilala.
7. Santa Claus ka tuwing Pasko
8. Lagi kang binibilinan ng kung anu anong pasalubong kahit wala naman silang padalang perang pambili o kahit hindi mo naman sila tinatanong.
9. Kailangang painumin ang buong barangay at mag-set lagi ng “outing” at “reunion”.
10. Pensyonado mo ang buong pamilya at maging ang ilan sa iyong kamag-anak.

Ang lahat ng bagay ay may maganda at hindi magandang katangian, nasa atin na lang iyon kung ano ang mas bibigyan natin ng bigat at timbang. Maaring natutuwa tayo, maaari ding mainis, maaring malungkot at maaari din naming mangiti tungkol sa mga nabanggit sa itaas. Subalit hindi natin maitatanggi na ilan sa mga ito ay nararanasan natin o di kaya nakikita sa iba.

Balanse ang mundo, at balanse din ang lahat ng bagay. Tulad din naming mga OFW, hindi lahat puro saya, may lungkot din. Hindi lahat tagumpay, marami pagkabigo din. Hindi lahat ginhawa , may sakripisyo at paghihirap din.

Mahirap at masarap maging OFW. Mahirap, dahil kailangan mong tiisin ang lungkot at pangulila mo sa iyong pamilya. Subalit masarap din dahil malaki ang naitutulong mo sa ikagaganda ng kanilang buhay at maging ng ating bansa. Hindi madaling kumita ng pera sa ibang bansa pero ang lahat ng pagod at sakripisyo ay mawawalang bigla basta alam mong masaya ang mahal mo sa buhay.

Balanse ang buhay at balanse din ang buhay naming bilang isang OFW.

Yun lamang po

PAUNAWA: Ang mga nabanggit sa itaas ay pawang galing lamang sa aking pansariling opinion o kuro kuro. Kung sakaling may mga bagay na nakasakit ng damdamin ng iba, hindi kop o iyon sinasadya.


► Read Drake's previous articles here.

Paglalakbay sa Batha

0 Reactions


Ang Batha ay isang lugar sa Riyadh, Saudi Arabia na kung saan tagpuan ito ng mga Pilipino. Mistula itong maliit na Quaipo dahil sa dami ng mga paninda, kainan at palengke. Paboritong tambayan ng mga Pilipino sa Saudi para maibsan kahit kaunti ang kanilang pangungulila sa kanilang pamilya na nasa Pilipinas.

Madalas din akong pumunta sa Batha, dahil dito ako namimili at namamalengke. Madalas din akong makipagkwentuhan sa mga kapwa ko Pilipinong nandito rin sa Saudi. Kahit pa hindi ko sila personal na kakilala, ngunit batid kong pareho kami ng damdamin at adhikain para sa aming pamilya.

Dito ko nakausap at nakapanatagan ng loob si Mang Agustin.Nasa edad 60 na sya at makikita mo na rin sa kanyang mukha ang kanyang edad. Isa s'yang mekaniko sa isang maliit na talyer at nandito s'ya sa Saudi ng halos dalampung limang taon . Payat, humpak ang mukha, manipis na rin ang kanyang buhok at mababanaagan sa kanya ang kapaguran dahil sa kabigatan ng kanyang trabaho.

“Tay, di ba dapat retired na kayo sa atin sa ‘Pinas? Medyo matagal na rin po kayo dito. Dapat ang mga anak nyo na ang bahala sa inyo ngayon” ani ko sa kanya

“Naku, wala na akong aasahan sa lima kong anak. Lahat puro nagsipag-asawahan ng maaga, ni hindi man lang nakatapos sa pag-aaral. At hanggang ngayon sa akin pa rin sila umaasa” . Kasunod ang isang malalim na buntong hininga.

Muli akong nagtanong “Ganun po ba 'tay? Pero di na po kayo bumabata? Kaya nyo po ba?

“Oo naman iho, malakas pa ako sa kalabaw!Saka kailangan, eh! Ganun nga siguro ang buhay, kailangan mong magsakripisyo para sa pamilya mo.”

Nasilayan ko ang pamumula ng kanyang mata. Pakiramdam ko nais na rin nyang makapagpahinga at makasama ang kanyang pamilya sa Pilipinas. Subalit dahil sa kanyang sitwasyon, kinakailangan n'yang magtiis at magsakripisyo para sa kanyang pamilya hangga’t kaya pa ng kanyang katawan.

Nagpaalam na ako sa kanya, dahil bibili pa ako ng gulay sa Al Swalim (mini-market sa Batha), at dito nakasabay ko sa pamimili si Caloy. Dati ko s'yang nakasama sa trabaho, subalit dahil siya ay isang takas o walang kaukulang legal na papel, palipat-lipat s'ya trabaho.

“Pare kamusta ka na? S'an ka ngayon pre?“ tanong ko sa kanya

“P're nakalipat ako d'yan malapit sa kumpanya natin. Medyo binarat nga ako sa sahod pero okay na 'yun. Nakakapart-time din naman ako sa pagkikristo sa sabungan tuwing Byernes, kaya okay na rin,” tugon nya sa akin.

“Hahahaha! P're ilegal na nga papel mo, tapos ilegal pa ang part-time mo,” pabiro kong sabi kay Caloy.

“Ganun talaga p're, kailangang kumita ng pera, eh! Lumalaki ang gastos sa Pinas, nagka-dengue pa yung bunso kaya walang ilegal sa taong naghihirap,” pabiro din n'yang sagot sa akin.

Nagpaalaman na rin kami sa isa’t isa dahil kailangan na naming madaliin ang pamimili dahil magSA-SALLAH na o oras ng pagdadarasal ng mga Muslim na kung saan sinasarado nila ang lahat ng establisyemento para magdasal.

Lumabas ako ng Swalim limang minuto bago mag-SALLAH. At sa labas makikita mo ang mga nagkumpol-kumpol o grupo grupo ng mga Pilipino. Ang iba sa kanila mga nakasuot pormal, ang iba naman ay mga nakasuot ng T-shirt ng kanilang kumpanya. Ang iba sa kanila may dala ng supot ng kanilang pinamili, ang iba naman ay may bitbit na mga bagong biling computer, cellphone at kung ano ano pang gadget. Ang iba seryosong tumitipa ng kanilang telepono at ang iba ay mga nakikipagkwentuhan ng kapwa Pilipino tungkol sa kanilang karanasan sa Saudi Arabia.Ang iba ay nakatanaw sa malayo at ang iba naman ay abala sa paghahanap ng mga pasalubong sa Pilipinas.

Iba't-ibang kwento ng mga Pilipino, iba't-ibang mukha ng OFW sa Kaharian ng Disyerto. May mga kwento ng tagumpay, may kwento ng kalungkutan. May nakakatawa at may nakakatakot. May nakakaawa at mayroon din nakakapagbigay inspirasyon. Ibat-ibang Pilipino ang nagtatagpo sa Batha, subalit may iisang puso ang nagbibigkis sa kanila. Pusong nagnanais lamang na tumulong para sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Magsakrpisyo man, mangulila at maghirap sa ibayong dagat.

Tumawag ako ng taksi para makauwi na at makapagpahinga. Matapos ang matagal na tawaran sa isang Bangladeshi napapayag ko rin sya na ihatid ako sa aking bahay. Habang unti unting dumidilim ang kalangitan at nagsimula na ring magbukas ang mga ilaw ang tindahan sa buong BATHA.

Habang lumalakbay papalayo ang taksi na aking sinasakayan, hindi pa rin maaalis sa aking isipan ang pagkahabag ko kay Mang Gustin . Naaawa ako dahil tila kahit nasa dulo na sya ng byahe ng kanyang buhay subalit kailangan pa ring nyang magsakripisyo para sa kanyang pamilya.

Humanga din ako kay Caloy kahit na alam kong ilegal ang kanyang ginagawa at batid din nya ang pararusahang kaakibat ng kanyang pagiging takas, ngunit nakakikipagsapalaran sya at tinatagan ang kalooban para sa mag-iina nyang umaasa sa kanya.

Binagbagtas ko ang daan palayo ng BATHA.. Ang BATHA ang naging kanlungan ng aming pangungulila, ang BATHA ang naging tagpuan ng kapwa Pilipinong nakakaintindi ng hirap at sarap ng buhay abroad. Subalit gaano man ako kakumportable sa lugar na ito, hindi pa rin ito ang aking tahanan. Pansamantala lamang ang kasiyahang maidudulot sa akin ng lugar na ito. Kailangan ko pa ring umuwi sa aking bahay at gawin ang dapat kong gawin. Kailangan ko pa ring maglakbay pauwi at harapin ang realidad ng buhay.

Mahaba pa ang byahe ko pauwi. Hindi ko rin alam kung magiging dirediretso ba ang daan o baka baku-bako? Maraming kayang pasikot-sikot, mabilis kaya ang byahe o baka magtagal ako at mainip? Hindi ko kabisado ang magiging daan, pero sigurado ako sa aking pupuntahan.

Subalit anumang daan ang tahakin ng TAXI Driver palayo ng Batha panatag din ako na ako’y makakauwi rin. Handa akong magtyagang maghintay. Matagal man ang byahe o maraming pasikot-sikot , basta umaasa akong mararating ko rin ang dapat kong kapuntahan. Papasaan ba’t makakauwi rin ako para makapagpahinga na sa aking bahay.

Marahil nga nagsisimula pa lang ako, pero gaano man kahaba ang lalakbayin ko pa, alam kong kakayanin ko rin ito kahit mag-isa. BASTA ANG ALAM KO KAILANGAN KONG KAYANIN ITO.

► Read Drake's previous articles here.

Ang Aking Silid

3 Reactions



RINGGGG RINGG KIRRRINGGGGGGGGGGGGG

Isang malakas na ingay na umaalingawngaw sa aking silid sabay hampas sa alarm clock na nakapatong sa maliit na lamesa ng aking kama. Pilit kong ginigising ang sarili mula sa isang mahimbing na pagkakatulog.

"Teka anong oras na ba?," bulong ko, sabay tingin sa relo na katabi ng aking kamang hinihigaan.

"Alas sais trenta na pala ng umaga!" gulat kong sabi sa aking sarili.

Dagli akong bumangon at pinatay ang aircon. Binuksan naman ang ilaw na nagbigay liwanag sa napakadilim at walang buhay kong silid. Inayos ang aking higaan at kaagad kong kinuha ang aking tuwalya.

Pagkatapos, lumabas ako sa aking kwarto at agad kong tiningnan ang rice cooker sa kusina.

" Ahh, buti naman at maganda ang pagkakaluto," sabi ko sa aking sarili.

Agad kong binuksan ang apoy sa kalan habang nakasalang ang isang kasirola ng adobo na kagabi pa nakasalang para muli itong mainitan mula sa isang napakalamig na gabing nagdaan. Agad kong kinuha ang pinggan, sabay sandok sa mainit na kanin at pagdakay kinuha ang adobo sa aming kalan.

Matapos makuha ang tamang pagkain ko sa umaga, binuksan ko ang aming telebisyon. Isang pang-umagang programa mula sa atin sa Pilipinas, kasabay na yata ng bawat subo ng pagkain ay ang ingay na nanggagaling sa aming telebisyon. Tila itoy kasama na sa aming pagkain araw-araw. Habang isinusubo ko ang huling kanin, bigla akong natigilan sa nakitang balita sa telebisyon : Isang OFW binitay sa Saudi.

Tinigil ko sumandali ang pagkain at matiyagang pinakinggan ang balita sa telebisyon. Pinilit kong alamin kung ano ang naging dahilan kung bakit bibitayin ang isang Pinoy dito sa lupang aking pinagtatrabahuhan.

Kalaunay, napag-alaman ko na bibitayin sya sapagkat nakapatay sya ng isang Pakistani na nagtangkang halayin sya taxi. At sa patuloy na pagbabalita napag-alaman ko din na hindi tinanggap ng pamilya ng biktima ang blood money (pera katumbas ng paglaya ng bilanggo) na inaalok para maisalba ang kanyang buhay. Wala ng nagawa ang pamilya ng OFW kundi tanggapin ang kanyang mapait na kapalaran.

Makalipas kong marinig ang balita sabay kong nilunok ang huling kanin sa aking pinggan. Kasabay ng paglunok ng aking kanin ay paglunok na rin sa maaring aking magiging kapalaran dito sa dayuhang bansang aking kinabibilangan, sa ngayon. Kasabay ng aking paglunok ay paglunok sa mga batas na tinakda ng gobyerno ng Saudi. Batas na may katumbas na mabigat na kaparusahan sa sinumang lalabag nito. Paglunok sa batas na hindi ko naman nakamulatan. Ang paglunok ko sa katotohanan at pagtanggap sa maaring maging buhay ko dito sa Saudi.

Pagkatapos kong hugasan ang aking pinagkainan agad kong inayos ang aking babaunin, inalagay ang pagkain sa bawat lalagyan sa aking baunan. At muli habang ginagawa ko ito pumasok sa aking isapan na noong ako pa ay nasa Pilipinas, naalala ko ang nanay na sya ang nag-aasikaso ng lahat. Sya ang nagluluto ng aming pagkain at naghahanda ng aming babaunin sa trabaho. Palagi syang nakaalalay sa amin kahit kami'y malalaki at nagtatrabaho na.

Noon, hindi na ako nag-aalala na may babaunin at kakainin ako kinabukasan sapagkat nandyan si nanay. Ngayun wala na akong aasahan kundi ang aking sarili. Lahat ng bagay ay kailangan kong kayaning mag-isa . Mag-isa mabuhay sa bansang iba ang kultura at paniniwala. Mag-isang suungin ang lahat ng hamon buhay. Walang magulang na aalalay sa iyo, walang pamilya susuporta sa iyo. Walang kang aasahan kundi ang... sarili mo.

Ngunit sa kabilang banda nagpapasalamat ako sa aking pamilya dahil binabaunan nila ako ng mga pinakaimportanteng bagay na mayroon ako ngayon. Ito ang tatag ng loob, pagsisikap at edukasyon. Ito ang aking mabisang sandata para malabanang mag-isa ang lahat ng problema at paghihirap na maari kong kaharapin.

Pagkatapos kong ihanda ang babaunin ko sa araw na yun, pumasok ako sa banyo naligo at muli pumasok na sa aking kwarto para nagbihis. Kasabay ng aking pagbibihis ay ang bagong simula ng araw, simula ng panibagong buhay, simula ng bagong pag-asa at simula ng isang araw na pagtatrabaho sa dayuhang lupang aking kinaroroonan.

Sabah hakier,” pagbati ko aking kasamahang Arabo pagdating ko sa opisina.

Agad ko ring binuksan ang ilaw at pati na rin ang aircong panlaban sa sobrang init na nasa labas. Panandaliang paglimot na ako pala ay nasa bansang may nakakapasong init at matindi ang sikat ng araw. Paglimot muna sa mga pangungulila at problema sa buhay. Kailangan kong maging propesyonal at gumawa ayon sa mga responsibilidad ko bilang empleyado ng kanilang kumpanya. Ito’y simula na ng isang araw na pagtatrabaho at pagbabanat ng buto sa lupa na nagbibigay sa akin na isang napakalaking oportunidad at pag-asa.

Makalipas ang isang buong araw ng trabaho, pagod ngunit kahit papaano’y naging makabuluhan ang buong araw, sa wakas makapagpapahinga na muli ako sa aking silid. Hindi ko alam kung ako ba ay matutuwa o malulungkot dahil ako’y babalik na muli sa aking madilim, tahimik at walang buhay kong silid . Isang pagbabalik sa isang malungkot na buhay dala ng pagkakalayo at pangungulila sa aking mga mahal sa buhay. Sa pagbubukas ko ng aking ilaw, alam kong magbibigay liwanag ito sa madilim kong silid katulad ng liwanag na naibibigay ko sa aking pamilya. Isang manigas na liwanag din na binibigay sa akin ng aking pamilya upang patuloy na lumaban sa buhay at magpunyagi para sa ikagiginhawa namin.

Bukas, alam ko ganun muli ang aking buhay, tutunog ang aking alarm clock at gagawin ang araw-araw na gawaing nakasanayan. Nakakapagod minsan, at nakakasawa din. Mahirap mag-isa. Mahirap mangulilala. Mahirap tumawa mag-isa sa kwarto. Mahirap pigilan ang luha dahil sa labis na kalungkutan. Pero wala akong magagawa, kailangan ako ng aking pamilya. At kailangan kong makasanayan ang lahat ng ito.

Kasabay ng pagmulat ng aking mata sa umagang darating ay pag-asa na sana sa muling pagbabalik ko mula sa buong araw na pagtatatrabaho ay madadatnan ko na ang aking silid na maliwanag, puno ng buhay at masaya. Umaasa na sana isang hapon, sasalubungin ako ng yakap, halik at halakhak ng mga mahal ko sa buhay. Umaasa na sana hindi na namin kailangan magkahiwa-hiwalay pa. Umaasang magkakasama sama din kami. At umaasa na ang paghihirap ko dito ay maging makabuluhan at magdulot sa amin ng kahit konting kagihawahan sa buhay.

Sana dumating na iyon, sana sa isang buwan, sa isang linggo, sa makalawa, sana bukas na. Sana... ngayon na! Marahil, siguro kung dumating ang araw na hindi ko na kailangan pang iwan silang muli. At ang tangi kong maipapangako sa aking sarili na kahit KAILANMAN hindi na ako muling babalik sa tahimik, malungkot, madilim at walang buhay kong... SILID.