Advantages (and disadvantages) ng pagiging OFW




Tayong mga Pilipino, mayroon tayong sariling identidad at pagkakakilanlan mula sa ibang lahi at bansa. Subalit kami ring mga OFW ay mayroon ding identidad at pagkakalinlan na talagang kapansin-pansin at natatangi lamang sa amin.

Isa ka daw OFW/Balikbayan kapag...

1. May uwi-uwi kang balikbayan box na maghapon mong binalutan ng “packaging tape” na kulay brown at may naghuhumiyaw na pangalan at address na nakasulat dito.
2. May bitbit ka ring kumot, medyas, maliit na pabango, at head phones na nanenok mo sa eroplano
3. Kapag galing ka daw ng Saudi, kailangang nag he-HEPA ka sa ginto, may suot kang maong na jacket, at ang susundo sa iyo ay “jeep” na may nakalagay na KATAS NG SAUDI
4. Kapag isa ka daw babaeng OFW na galing Taiwan o Japan kalimitang may yakap yakap kang “TEDDY BEAR”
5. Kapag galing ka daw Amerika o Europa, kailangang may suot kang malaking shades, makapal na damit kahit tag-init at medyo hirap ka din dapat MAGTEGALOG (tagalog)
6. May bitbit na payong, bag, tent, at t-shirt na galing DUTY FREE na libre mong nakuha mula sa nabiling chocolate o alak.
7. Mas inuna mong tinanong kung magkano ang palitan ng dolyar, kaysa sa kalagayan ng bansa.
8. Ang “hand carry bag” mo ay halos kasing bigat na din ng isang normal na bagahe.
9. Dalawa ang cellphone at simcard mo, isa pang roaming at isang pang local line.
10. Nag over-baggage dahil sa uwing spam, corned beef, peanut butter, luncheon meat, cornflakes at iba pang “PX Goods” kahit alam naman available din naman ito sa Pilipinas.

Bilang isang OFW, marami akong mga karanasan na masasabi kong naglalarawan din sa karanasan ng isang tipikal na OFW. Mayroon akong mga bagay na magaganda at hindi magagandang nakikita o adbentahe at hindi adbentahe ng isang OFW. Ito ang mga sumusunod.

Mga “advantages” pag ikaw ay isang OFW...

1. Isa ka daw “bagong bayani” ng ating bansa.
2. Sikat ka sa mga kapitbahay, kamag-anak, kaibigan, kaklase at kababaryo mo.
3. Lahat ng tao ay mabait sa iyo.
4. Tingin sa iyo ay marami kang uwing pera at amo’y “mayaman”.
5. Turing sa iyo ay isang hari o reyna na sinusunod ang lahat ng utos ng iyong mga kapamilya’t kamag-anak.
6. Madalas kang kinukuhang “guest speaker” o panauhing pandangal sa mga graduation bukod sa mga pulitiko.
7. Tinuturing ka ring isang matagumpay na anak/mamamayan ng iyong bayan.
8. Ang lahat ay sabik kang makita kung ano ang pinagbago mo.
9. Ikaw na rin ang tinuturing na mabuti at paboritong anak o kapatid ng iyong kapamilya.
10. Pakiramdam mo kay gwapo at kay ganda mo dahil sa mga papuri ng ibang tao sa iyo.

Mga “disadvantages” naman pag ikaw ay isang OFW

1. Tinuturing kang Isang malaking factory o pagawaan ng pera sa ibang tao, kaya sa iyo sila nangungutang. At kapag hindi mo sila pinautang,malamang sinasabihan kang “pinakaganid” na tao sa mundo
2. Kung sa ‘Pinas ay nagmimistula kang hari o reyna pag-uwi, subalit pagbalik mo sa bansang pinagtatrabahuhan, isa ka na muling dayuhang tagasunod nila.
3. Madalas kang gawing ninong/ninang sa binyag, kumpil, kasal at kung ano ano pa,. Kailangan magbigay ng malaking pakimkim kung ayaw mong sabihang “KURIPOT”.
4. Isa ka daw masamang tao, kapag di mo nabigyan ng chocolate, t-shirt,corned beef o sabon ang mga kamag-anak mo.
5. Ang sukatan ng iyong tagumpay ay base sa laki ng “balik-bayan” box na dala mo.
6. Dumadami ang iyong kaibigan, kakilala at kamag-anak kahit ngayon mo pa lang sila nakita at nakilala.
7. Santa Claus ka tuwing Pasko
8. Lagi kang binibilinan ng kung anu anong pasalubong kahit wala naman silang padalang perang pambili o kahit hindi mo naman sila tinatanong.
9. Kailangang painumin ang buong barangay at mag-set lagi ng “outing” at “reunion”.
10. Pensyonado mo ang buong pamilya at maging ang ilan sa iyong kamag-anak.

Ang lahat ng bagay ay may maganda at hindi magandang katangian, nasa atin na lang iyon kung ano ang mas bibigyan natin ng bigat at timbang. Maaring natutuwa tayo, maaari ding mainis, maaring malungkot at maaari din naming mangiti tungkol sa mga nabanggit sa itaas. Subalit hindi natin maitatanggi na ilan sa mga ito ay nararanasan natin o di kaya nakikita sa iba.

Balanse ang mundo, at balanse din ang lahat ng bagay. Tulad din naming mga OFW, hindi lahat puro saya, may lungkot din. Hindi lahat tagumpay, marami pagkabigo din. Hindi lahat ginhawa , may sakripisyo at paghihirap din.

Mahirap at masarap maging OFW. Mahirap, dahil kailangan mong tiisin ang lungkot at pangulila mo sa iyong pamilya. Subalit masarap din dahil malaki ang naitutulong mo sa ikagaganda ng kanilang buhay at maging ng ating bansa. Hindi madaling kumita ng pera sa ibang bansa pero ang lahat ng pagod at sakripisyo ay mawawalang bigla basta alam mong masaya ang mahal mo sa buhay.

Balanse ang buhay at balanse din ang buhay naming bilang isang OFW.

Yun lamang po

PAUNAWA: Ang mga nabanggit sa itaas ay pawang galing lamang sa aking pansariling opinion o kuro kuro. Kung sakaling may mga bagay na nakasakit ng damdamin ng iba, hindi kop o iyon sinasadya.


► Read Drake's previous articles here.

2 Reactions:

Anonymous said...

Grabe nakakarelate...hahaha!

Anonymous said...

hindi naman cguro???

Post a Comment