Usapang regalo ito kaya ang mga sumusunod ay ang mga regalong karaniwan kong natatanggap tuwing Pasko.
1. MUG
Minsan niisip ko: mukha ba akong adik sa kape? Dahil tuwing Pasko na lang ay halos isang dosenang MUG ang natatangap ko. Aba nagamit ko na sa iba't-ibang bagay ang mahiwagang MUG na yan. Ginawa ko ng tabo, lalagyan ng Medicol ng nanay, pantakal ng bigas at pandikdik ng paminta.
2. PIKTYUR PREYM
Napaka-makaysaysayan sa akin ng regalong yan...alam n'yo ba kung bakit? Okay, ganito kasi ang eksena.
Grey siks, ako n'un tapos may paek-ek ang mga titser ko noon na magkakaroon kami ng EKSCHENS GEPT sa Krismas Parti namin . Dapat daw ang regalo ay nagkakahalaga ng bente pesos. Dahil mabibo akong bata, bumili ako ng lampas bente pesos na regalo, sa pag-aakalang makakatanggap din ako ng mahal na regalo.
Heto na kamo, araw ng Krismas Parti, bunutan na ng regalo.
“Okay namber piptin” sabi ng titser
“DATS ME!! DATS ME” (wow english) , sabay abot ng namber kahit halos magkandapa-dapa ako sa sobrang eksaytment. Sobrang ekspek na ekspek ako n'un kasi mahal 'yung binili kong limang bimpo na iba't-ibang kolor (aba betsingko kaya yun).
Pagbukas ko ba naman ng regalo, halos mahimatay ako sa natuklasan ko. Isang makapanindig balahibong……tenen…"PIKTYUR PREYM” -- na may piktur pa ni Manilyn Reynes (di man lang si Sheryl Cruz).
Galit na galit ako n'un, kasi pakiramdam ko nautakan ako ng kaklase ko. Kasi tig-kikinse lang kaya 'yun, samantalang 'yung sa akin e bente-singko pesos. N'ung malaman ko kung sino'ng nagbigay, hinamon ko ng suntukan, sabay tapon sa basurahan ng piktyur preym habang nakangiti si Manilyn Reynes sa akin.
3. PIGURIN AT KANDILA
Medyo pinag-iisa ko na yang dalawang regalo na yan, kasi halos pareho lang naman yan. Pakiramdam ko sa tuwing nakakatanggap ako ng pigurin kailangang pahirapan pa akong pagdikit dikitin na parang puzzle ang mga basag na pigurin.Katulad ng mga piguring anghel na putok ang bungo, lasug-lasog ang pakpak at barag ang pagmumukha. Kaya madalas ginagawa ko na lang itong TSOK pangguhit sa laro naming PIKO.
'Yung kandila naman, okay naman sana kung medyo pangmayaman 'yung kandila. Pero buwal ako sa iba, kasi akala yata nila lahat ng kandila pwedeng pangregalo. .Minsan pinagloloko ka pa “Uyyy may amoy yan, mabango yan”, pero n'ung inamoy ko naman putcha……….amoy GAAS . O di kaya “ Uyy, ang ganda ng design n'yan oh”, pero nung makita ko naman….langya…..kandilang pampatay kaya yun. (Mukha ba akong bangkay ha??!)
4. PANYO O BIMPO
Medyo iyan din naman ang madalas kong panregalo kapag wala na talaga akong maisip. Paepek ko pang sasabihin, “tagal kong hinanap 'yan” o di kaya “ ikaw talaga naisip ko nung binili ko 'yan”. Sus! Pinaganda ko lang dahil ayaw kong sabihin “Kasi uhugin ka at nagmamantika ang katawan mo sa pawis kaya panyo bigay ko sa iyo”.
Pero ako rin naman isandamakmak na panyo ang natatanggap ko ('yun rin kaya iniisip nila sa akin??).
5. SUBENIR
Naalala ko 'yung ate ko noong bata pa s'ya at hindi pa nagpapanty. Krismas Parti namin sa Choir noon at syempre may EKCHENS GIPT uli kami. Dis taym tig tetrenta pesos na ang presyo, medyo tinaas na ang level. Ang ate ko eksayted din at namili na ng Curly Top at Pretzel , kaya naman ganun din s'ya ka-ekspek na maganda ang makukuha rin n'ya (magkapatid nga kami).
Heto dumating na ang araw ng Krismas Parti, at bigayan na ng regalo,
“Okay namber SEBEN” sabi ng maestro namin
“Ako po yun, ako po yun!!” nagkukumarat ang ate kong may hangin din ang utak
Pagkaabot ng regalo sa ate ko, hayun binuksan n'ya agad, eksyated na eksayted eh.
Pagbukas n'ya ng regalo halos lumuwa ang mata n'ya. (Hulaan n'yo ang regalong nakuha n'ya??? Uhhmmm……….. mali ka , hindi piktyur preym) .
Pagbukas n'ya ng regalo…… isang wallet na kulay puti na medyo pamilyar ang hitsura at may nakalagay pa sa gitna na……… “Aling Miling's Store” . Kaya pala pamilyar eh "GIVE AWAY"pala 'yun ng suking tindahan ng nanay.
Umatungal ng pagkalakas lakas ang ate, sabay sabing “PURUROT ANG NAKUHA KO, PURUROT”. (Umeksena pa sa Krismas Parti, nakakahiya!!)
Hindi ko naman masisisi ang ate dahil sandamakmak na wallet na may “Aling Miling's Store” ang meron sa amin. Pag-uwi ng bahay, nasa gate pa lang ang ate ko, umaatungal na, na parang baka.
NANAY, NANAY!! Pururot ang nakuha ko, pururot!!! na halos lumubo ang sipon at kumakatay ang laway.
Takang-taka naman ang nanay kung bakit ganun na lang ang atungal ng kapatid ko.
“Eh ano ba ang nakuha mo?” tanong ng nanay.
“Ito po!!” sabay ipinakita ng ate ko yung regalong natanggap nya at singhot ng uhog
“AY LINTEK NA!! PURUROT NGA!!!” sigaw ng nanay ko.
Nung i-trace namin kung sino ang nagbigay ng pururot na 'yun, napag-alaman naming 'yung pinsan ko pala ang nagbigay. Tapos s'ya rin ang nakatanggap ng regalo ng ate ko. Kaya naman halos dalawang taon silang hindi nagpansinan noon.
6. KUNG ANO ITINANIM SYANG AANIHIN
'Yung kuya ko may pagka-lahing intsik dahil sa kakuriputan. Akalain mo bang ginagawang SM o tyangge ang “displeyan / tokador” namin. Akala mong nagsha-shopping kasi titingin-tingin sa may tokador ng mga pigurin, kandila, at kung anu-ano pa. Ipapabalot at gagawing regalo sa kanyang gerlpren. Kahit na mukhang-mukhang demonyo 'yung angel na pigurin dahil sa dungis at mukhang lumangoy sa basura si “Winnie the Pooh” dahil nanggigitata sa alikabok, wala s'yang pakialam, may mairegalo lang. Kaya madalas wala na rin akong mapangregalo dahil inunahan na n'ya ako'ng kumuha sa may tokador namin (ako rin pala).
'Yang mga nabanggit sa itaas ang kalimitang natatangap ko tuwing Pasko. Pero alam n'yo sa totoo lang, hindi naman talaga mahalaga kung ano ang regalo ng isang tao. Ang mahalaga ay kung bukas ba sa loob n'ya ang pagbibigay. Sabi nga nila “it's better to give than to receive”. Hindi man tayo makatanggap ng kapalit sa ating naibigay, sapat na ang makaramdam tayo ng kasiyahan dahil may napasaya tayong tao. At nagawa nating ibahagi ang ating biyaya sa iba.
Maraming mga bagay na hindi maaring bilhin ng pera. Kaya kapag magreregalo tayo, isama natin ang bahagi ng sarili natin sa regalo na ito. Masarap makatanggap ng regalo pero mas lalong masarap sa pakiramdam kung 'yung taong pinagbigyan mo ay masayang-masaya dahil sa ibinahagi mo sa kanya. Hindi nasusukat ang halaga ng regalo sa presyo nito; nasusukat ito kung gaano karaming pagmamahal ang inilagay mo kasama ng mga regalo mo.
Ngayong Pasko gawin natin maging makabuluhan ang bawat regalo natin. Ito ang araw ng pagbibigayan, at magandang ibahagi mo rin ang iyong sarili sa ibang tao. Tulad ng ating Panginoon, dahil nagawa n'yang ibinigay ang Kanyang sarili ng buong buo para sa ating lahat kaya tayo may Pasko ngayon.
Iyan lamang po at maraming salamat!
Merry Christmas at Happy New Year sa inyong lahat.
► Read Drake's previous articles here. At kung bitin ka pa, basahin mo rin ang iba pa naming mga artikulo dito.
0 Reactions:
Post a Comment