RINGGGG RINGG KIRRRINGGGGGGGGGGGGG
Isang malakas na ingay na umaalingawngaw sa aking silid sabay hampas sa alarm clock na nakapatong sa maliit na lamesa ng aking kama. Pilit kong ginigising ang sarili mula sa isang mahimbing na pagkakatulog.
"Teka anong oras na ba?," bulong ko, sabay tingin sa relo na katabi ng aking kamang hinihigaan.
"Alas sais trenta na pala ng umaga!" gulat kong sabi sa aking sarili.
Dagli akong bumangon at pinatay ang aircon. Binuksan naman ang ilaw na nagbigay liwanag sa napakadilim at walang buhay kong silid. Inayos ang aking higaan at kaagad kong kinuha ang aking tuwalya.
Pagkatapos, lumabas ako sa aking kwarto at agad kong tiningnan ang rice cooker sa kusina.
" Ahh, buti naman at maganda ang pagkakaluto," sabi ko sa aking sarili.
Agad kong binuksan ang apoy sa kalan habang nakasalang ang isang kasirola ng adobo na kagabi pa nakasalang para muli itong mainitan mula sa isang napakalamig na gabing nagdaan. Agad kong kinuha ang pinggan, sabay sandok sa mainit na kanin at pagdakay kinuha ang adobo sa aming kalan.
Matapos makuha ang tamang pagkain ko sa umaga, binuksan ko ang aming telebisyon. Isang pang-umagang programa mula sa atin sa Pilipinas, kasabay na yata ng bawat subo ng pagkain ay ang ingay na nanggagaling sa aming telebisyon. Tila itoy kasama na sa aming pagkain araw-araw. Habang isinusubo ko ang huling kanin, bigla akong natigilan sa nakitang balita sa telebisyon : Isang OFW binitay sa Saudi.
Tinigil ko sumandali ang pagkain at matiyagang pinakinggan ang balita sa telebisyon. Pinilit kong alamin kung ano ang naging dahilan kung bakit bibitayin ang isang Pinoy dito sa lupang aking pinagtatrabahuhan.
Kalaunay, napag-alaman ko na bibitayin sya sapagkat nakapatay sya ng isang Pakistani na nagtangkang halayin sya taxi. At sa patuloy na pagbabalita napag-alaman ko din na hindi tinanggap ng pamilya ng biktima ang blood money (pera katumbas ng paglaya ng bilanggo) na inaalok para maisalba ang kanyang buhay. Wala ng nagawa ang pamilya ng OFW kundi tanggapin ang kanyang mapait na kapalaran.
Makalipas kong marinig ang balita sabay kong nilunok ang huling kanin sa aking pinggan. Kasabay ng paglunok ng aking kanin ay paglunok na rin sa maaring aking magiging kapalaran dito sa dayuhang bansang aking kinabibilangan, sa ngayon. Kasabay ng aking paglunok ay paglunok sa mga batas na tinakda ng gobyerno ng Saudi. Batas na may katumbas na mabigat na kaparusahan sa sinumang lalabag nito. Paglunok sa batas na hindi ko naman nakamulatan. Ang paglunok ko sa katotohanan at pagtanggap sa maaring maging buhay ko dito sa Saudi.
Pagkatapos kong hugasan ang aking pinagkainan agad kong inayos ang aking babaunin, inalagay ang pagkain sa bawat lalagyan sa aking baunan. At muli habang ginagawa ko ito pumasok sa aking isapan na noong ako pa ay nasa Pilipinas, naalala ko ang nanay na sya ang nag-aasikaso ng lahat. Sya ang nagluluto ng aming pagkain at naghahanda ng aming babaunin sa trabaho. Palagi syang nakaalalay sa amin kahit kami'y malalaki at nagtatrabaho na.
Noon, hindi na ako nag-aalala na may babaunin at kakainin ako kinabukasan sapagkat nandyan si nanay. Ngayun wala na akong aasahan kundi ang aking sarili. Lahat ng bagay ay kailangan kong kayaning mag-isa . Mag-isa mabuhay sa bansang iba ang kultura at paniniwala. Mag-isang suungin ang lahat ng hamon buhay. Walang magulang na aalalay sa iyo, walang pamilya susuporta sa iyo. Walang kang aasahan kundi ang... sarili mo.
Ngunit sa kabilang banda nagpapasalamat ako sa aking pamilya dahil binabaunan nila ako ng mga pinakaimportanteng bagay na mayroon ako ngayon. Ito ang tatag ng loob, pagsisikap at edukasyon. Ito ang aking mabisang sandata para malabanang mag-isa ang lahat ng problema at paghihirap na maari kong kaharapin.
Pagkatapos kong ihanda ang babaunin ko sa araw na yun, pumasok ako sa banyo naligo at muli pumasok na sa aking kwarto para nagbihis. Kasabay ng aking pagbibihis ay ang bagong simula ng araw, simula ng panibagong buhay, simula ng bagong pag-asa at simula ng isang araw na pagtatrabaho sa dayuhang lupang aking kinaroroonan.
“Sabah hakier,” pagbati ko aking kasamahang Arabo pagdating ko sa opisina.
Agad ko ring binuksan ang ilaw at pati na rin ang aircong panlaban sa sobrang init na nasa labas. Panandaliang paglimot na ako pala ay nasa bansang may nakakapasong init at matindi ang sikat ng araw. Paglimot muna sa mga pangungulila at problema sa buhay. Kailangan kong maging propesyonal at gumawa ayon sa mga responsibilidad ko bilang empleyado ng kanilang kumpanya. Ito’y simula na ng isang araw na pagtatrabaho at pagbabanat ng buto sa lupa na nagbibigay sa akin na isang napakalaking oportunidad at pag-asa.
Makalipas ang isang buong araw ng trabaho, pagod ngunit kahit papaano’y naging makabuluhan ang buong araw, sa wakas makapagpapahinga na muli ako sa aking silid. Hindi ko alam kung ako ba ay matutuwa o malulungkot dahil ako’y babalik na muli sa aking madilim, tahimik at walang buhay kong silid . Isang pagbabalik sa isang malungkot na buhay dala ng pagkakalayo at pangungulila sa aking mga mahal sa buhay. Sa pagbubukas ko ng aking ilaw, alam kong magbibigay liwanag ito sa madilim kong silid katulad ng liwanag na naibibigay ko sa aking pamilya. Isang manigas na liwanag din na binibigay sa akin ng aking pamilya upang patuloy na lumaban sa buhay at magpunyagi para sa ikagiginhawa namin.
Bukas, alam ko ganun muli ang aking buhay, tutunog ang aking alarm clock at gagawin ang araw-araw na gawaing nakasanayan. Nakakapagod minsan, at nakakasawa din. Mahirap mag-isa. Mahirap mangulilala. Mahirap tumawa mag-isa sa kwarto. Mahirap pigilan ang luha dahil sa labis na kalungkutan. Pero wala akong magagawa, kailangan ako ng aking pamilya. At kailangan kong makasanayan ang lahat ng ito.
Kasabay ng pagmulat ng aking mata sa umagang darating ay pag-asa na sana sa muling pagbabalik ko mula sa buong araw na pagtatatrabaho ay madadatnan ko na ang aking silid na maliwanag, puno ng buhay at masaya. Umaasa na sana isang hapon, sasalubungin ako ng yakap, halik at halakhak ng mga mahal ko sa buhay. Umaasa na sana hindi na namin kailangan magkahiwa-hiwalay pa. Umaasang magkakasama sama din kami. At umaasa na ang paghihirap ko dito ay maging makabuluhan at magdulot sa amin ng kahit konting kagihawahan sa buhay.
Sana dumating na iyon, sana sa isang buwan, sa isang linggo, sa makalawa, sana bukas na. Sana... ngayon na! Marahil, siguro kung dumating ang araw na hindi ko na kailangan pang iwan silang muli. At ang tangi kong maipapangako sa aking sarili na kahit KAILANMAN hindi na ako muling babalik sa tahimik, malungkot, madilim at walang buhay kong... SILID.
3 Reactions:
from head to foot, i can honestly say, nakakarelate ako, Drake. This time, parang hindi naughty, parang napakaserious, and I was actaully giving this link to my friends and workmates. hehe
Hehhe, hindi ko lang yan kwento kuya. Kwento yan ng kapwa ko OFW, kung anong buhay meron tayo. Pinakita ko sa mambabasa kung ano ang mga ginagawa natin sa loob ng isang araw at ang buhay ng isang OFW.
Kwento ito ng buhay natin, kwento ito ng bawat araw natin sa lupang banyaga, kwento ito ng pagsasakripisyo, kwento ito ng pagmamahal sa pamilya, kwento ito ng mga mapapait na karanasan ng kapwa natin Pinoy sa ibang bansa.
Ang alarm clock ay simbolo ng paggising sa katotohanan. Ang magandang luto kanin na mainit ay simbolo ng magandang buhay subalit may kaakibat na sakripisyo , ang malamig na adobo ay kalungkutan. At ang silid ay simbulo ng buhay ng bawat OFW na nagtatrabaho para sa kanyang pamilya.
Salamat kuya Kenjie.Ingat
Ang lungkot naman na binitay ang siang pinoy. Ang co steward ko sa yate, nag kwneto sa dubai nag lalakad daw siya sa mall, he is english, aba ang isang Paki, hinahabol siya and nong nasa corner ng mall na sila, pinakita ang ilalim ng damit, ngek, nude.namutla lalo si british.
Kakatakot na, ang lungkot pa. Kelangan talaga yearly bakasyon sa pinas, haha!
Post a Comment