Napakarami ng bayani ng Pilipinas. Kilala mo ba silang lahat? Alam mo ba kung panong itinuring silang bayani ng ating bayan? Alam mo ba kung anong klaseng pakikipaglaban ang ginawa nila para sa ating bansa?
Maaring nalaman mo ang ilan sa tulong ng ating kasaysayan. Isinabuhay ang kanilang mga karanasan sa mga librong ating pinag-aralan nuong tayo’y nasa paaralan pa. Pero alam mo ba ang tunay na ibig sabihin ng “kabayanihan”? Ikaw, para sayo, sa sarili mo, ano ang sarili mong depinisyon ng pagiging isang bayani? Kailan ba maituturing na isang bayani ang isang tao?
Si Lola Pining, ay may dalawang anak. Isang babae at isang lalaki. Namatay ang panganay na anak na lalaki nuong kabataan nito. Habang ang anak na babae naman ay siyang naging kasa-kasama niya. Bata pa lamang ang kanyang mga anak ng bawian ng buhay ang asawa ni Lola Pining. Solong itinaguyod ang mga anak, ngunit walang nakatapos ng kolehiyo, parehas na hayskul lamang ang kanilang narating. Ang anak na lalaki, naging delingkwente. Kung ano-anong illegal na bagay ang pinasok, hanggang sa masukol ng mga pulis at mapatay. Ang anak na babae, kung sa kani-kaninong lalaki pumapatol, hanggang sa mabuntis, magkaron ng dalwang anak na magkaiba ang ama at bigla na lang naglaho.
Sa ngayon naiwan sa pangangalaga ni Lola Pining ang dalawang apo na may edad 6 at 8. Kapwa pumapasok sa elementary. Si Lola Pining, sa edad na anim napu't walo ay may taglay pa ring kalakasan at kasiglahan. Gumigising siya ng napakaaga upang magluto ng maari niyang itinda na almusal sa mga kapitbahay, sabay nito ang pag-aasikaso sa dalawang apo na papasok sa paaralan. Kapag nakaubos ng paninda at maihatid ang mga apo ay tutulak naman siya papunta sa palengke upang ilako ang kakanin na kanyang ginawa nang nagdaang gabi. Pagdating ng hapon ay susundo sa mga apo at uuwi. Aasikasuhin ang hapunan ng mga bata, makatapos nito ay bibilinan silang huwag lumabas ng bahay habang sya naman ay lalabas para magtinda ng sigarilyo at kendi hanggang alas nueve ng gabi.
Pagdating sa bahay ay hindi pa natatapos ang gawain ni Lola Pining, magaasikaso pa siya ng para sa paninda nyang kakanin kinabukasan, kasabay na rin ang paghahanda ng mga lulutuin nya kinabukasan. Malamang ay inaabot ng alas dose si Lola Pining sa kanyang mga gawaing ito. Sa ganyan umiikot ang araw-araw na buhay ni Lola Pining. Umaga, hapon, gabi.. kayod ng kayod.. Kayod para sa kakainin nila para sa bukas, kayod para sa pag-aaral ng mga apo, kayod para sa darating na bukas, kayod ng kayod para mabuhay. Lahat ginagawa ni Lola Pining para mairaos ang kanyang mga apo.
Isang simpleng halimbawa ng kabayanihan. Pagsasakripisyo ng sobra-sobra pa sa kakayanan natin upang mabuhay ang mga mahal sa buhay,. Hindi natin kailangan ang mga libro upang makakilala at magkaron ng isang bayani. Hindi natin kailangan ng kung anu-anong parangal o “rekognisyon” sa ating mga ginagawa upang masabing isa tayong bayani. Sa bawat tahanan/pamilya, mayron kang maituturing na bayani. Ang pagiging bayani ay hindi rin nasusukat sa kung ilang tao ang natulungan mo sa adhikaing napili mo. Ang pagiging bayani ay nasa puso ng bawat isa atin… sa ating mga nabubuhay, sa ating mga nagmamahal.. at sa ating mga nasisikap.- TKJ
► About the Author:
Anonymous Sender
click here to comment… for bloggers
0 Reactions:
Post a Comment