Si Cecil



Malamig ang simoy ng hangin dito sa dalampasigan. Ang marahang paggalaw ng mga dahon ng buko at ang malumanay na paghampas ng tubig sa buhagin ay tila musika sa aking pandinig. Malapit ng magdapit hapon. Naguumpisa na ring maglabasan ang mumunting ilaw sa kalapit na mga bahay. Ang mga batang kanina lamang ay naghahabulan sa di kalayuan ay unti unti na ring nagsi-uwian.

Pinikit ko ang aking mga mata at inisip ko si Cecil… ang munti nyang tinig habang sumisigaw ng Mama. Limang taong gulang si Cecil nung huli siyang nagtampisaw dito sa karagatan. Gustong gusto niya ang pakiramdam ng maliliit at magagaspang na buhangin sa kanyang mga paa. Matitinis na halakhak ang ganti niya sa tuwing tatayo siya at mistulang inaanod siya ng maingay na tunog ng tubig. Matapang na bata. Halos hindi mo siya mapaalis sa ilalim ng sikat ng araw dahil hindi niya maiwanan ang itinatayo niyang kastilyong buhangin. Gamit ang binili ng kanyang Papa na palang plastic at mga malilit na balde, maingat at mabusisi niyang nilalagyan ng disenyo ang kayang kastilyo. Pangarap daw niyang maging prinsesa pag laki niya. At sa ganoong uri daw siya ng tirahan mamamalagi. At katulad ng kanyang kastilyong buhangin, duon daw niya gustong manirahan sa may tabing dagat.

Naaalala ko pa noong unang beses Siyang nakakita ng maliit na kabibe. Ang dami dami niyang tanong. Bakit daw walang laman ang kabibeng nakita nya? Bakit daw ito nasa buhangin at wala sa dagat? Nasan daw ang perlas? Matalinong bata talaga si Cecil. Natatawa na lamang ako sa tuwing naaalala ko kung papaano niya ako tanungin. Ubos hininga siya para lang maihabol ang lahat ng mga bagay na gusto niyang malaman. Magsisimula siya sa isang pangungusap at hindi na mamamalayan na hindi na ito natapos dahil sa paglundag sa isa nanamang pangungusap. Mabilog at makinang ang mga mata niyang nangugusap. Nanliliit ito sa tuwing nagsisimula kong ibuka ang aking bibig upang sumagot, alam kong may follow up question nanaman.

Abot tenga ang kanyang ngiti sa tuwing hinahandaan kami ng kanyang Papa ng bukong pinitas galing sa kalapit na puno. Makikipag-unahan siya sa pag-inom ng katas nito na tila ba mauubusan. Hindi nya alintana ang mga natapong likido sa kanyang damit. Halos maglulundag siya sa tuwing akma kong kakayurin ang laman ng buko. Sa kanya daw ang unang tikim.

Tatlong taon na ang nakalipas ngunit klarong klaro parin sa isipan ko.

Tatlong taon bago ako muling nagkaroon ng lakas ng loob na bumalik sa tabing dagat.

Tatlong taon bago mangyari ang trahedyang hindi ko malilimutan.

Nabulag si Cecil... dahil sa kapabayaan ko... Dito mismo sa dalampasigang ito.

Ngayon ang iskedyul ng kanyang operasyon. Sabi ng doktor, may pag-asa pa daw na muli siyang makakita. Naniniwala ako don. Alam kong mabibigyan siyang muli ng pagkakataon upang muling masilayan ang unti-unting pagkubli ng haring araw sa likod ng malalaking ulap. Makakagawa ulit siya ng kastilyong gawa sa buhangin. Makikita kong muli kung papaano mangusap ang kanyang bilugang mga mata. Magpapatuloy muli ang masasayang tag-init ng may ngiti sa kanyang labi.

*Ang larawang kalakip ng artikulong ito ay galing sa google.

► About the Author:
Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.
► Read Rose's previous articles here.


2 Reactions:

Nortehanon said...

At muling makikita ni Cecil ang ganda ng kapaligiran sa dalampasigan ;)

Unni said...

dear rosemarie kkkk~~
bat ang galing mong gumawa ng poste???
fiction ba itetch?
naniniwala akong makakakita muli c cecil at gagawa cya ulit ng kastilyong buhangin sa dalampasigan~~
viva~

Post a Comment