Showing posts with label Noel Ablon. Show all posts
Showing posts with label Noel Ablon. Show all posts

Broken Family in a Child’s View

0 Reactions


Is separation really the best way for couples who are undergoing an unhappy marriage? Couples undergoing separation, when asked who they think will most likely to be affected, mostly answered “children”. They all knew that children were the ones affected but they still went on with their decisions. Some of them knew how it feels like to be in that situation but others don’t know how it feels like to be in it. Read on and you’ll find out one probable possibility your child may experience when a family breaks-up. Here is my story.

Yaman Ng Puso

4 Reactions





"Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan, naroroon din ang inyong mga puso.
" (Luke 12: 34/ Matt 6:21)

Sa tuwing darating ang buwan ng Pebrero (February), ang mga bulaklak na kahit halos doble o triple ang presyo ay bentang-benta sa mga tao. Ang mga pasyalan ay hindi mo na halos mahulugan ng karayom sa dami ng mga pares ng mga taong nais na ipagdiwang ang araw ng mga puso. Di rin pahuhuli at napupuno naman ang mga motel ng mga baliw sa pag-ibig. Bumabaha ng mga pusong-pula na tila parol ng Pebrero.

Saan ka man naroroon, mapa-Pilipinas o ibang bansa marami ang nagdiriwang ng araw ng mga puso. Maging dito sa bansa ng mga Arabo ay naging talamak ang pagbili ng mga bulaklak o alinmang bagay na kulay pula. Nitong nakaraang tatlong taon lamang, sila ay nagmasid at ipinagbawal ang alinmang patungkol dito sa tuwing darating ang ika-14 ng Pebrero.

Pero ito ang tanong sa ating sarili - "Ano nga ba ang tinuturing na yaman ng ating puso?" Sino o ano nga ba ang higit nating pinahahalagahan? Kahit hindi ako naniniwala sa araw ng mga puso ay nalalaman ko kung ano at sino ang nararapat kong pahalagahan o pag-ukulan ng pagmamahal.
Dati rin naman akong nakipagdiwang ng araw ng mga puso. At minsan ko na ring pinag-bigyan ang puso ko sa mga ganitong pagkakataon. Binuksan ko na ang puso ko ng maka-ilang ulit para sa mga babaing aking napusuan -pero di naman iyon sabay-sabay (di naman ako salawahan o satluhan).

Ang paalala ko lang sa mga magdiriwang nito ay, hindi porke araw ng mga puso ay di mo na papansinin ang iyong utak. Walang pinipiling panahon ang pag-ibig, araw man ito ng puso o hindi kaya kung mahal ka ng isang tao, hindi dapat sa panahong ito lamang.

Hindi nga ba't totoo naman? Kung nasaan ang ating yaman ay nandoon din ang ating puso? Kung ano ang lubos nating pinahahalagahan ay siya rin nating itinuturing na yaman. Bakit mo nga naman uubusin ang oras mo kung ito naman pala ay walang halaga sa'yo?

Kung ikaw man ay iibig, di ba’t magandang maging katangian ng ating mamahalin o natin ang pagpapahalaga sa mga sumusunod:

Diyos / Panginoon

Wag nating kalilimutan ang takot natin sa Diyos. Alalahanin natin na tayo ay hubad sa harap ng Diyos, wala tayong tagong buhay sa Kanya. Nalalaman Niya ang lahat. Di naman Niya ipinagbawal na ipagdiwang ito pero dapat wag tayong makalimot na ang Diyos ang siyang nag-imbento ng pag-ibig at siya ang pag-ibig ("Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig." 1 John 4:8).


Pamilya

Wag kalilimutan ang bilin ng Lola, Lolo, Nanay o Tatay at kung sino-sino pang nagmamalasakit sa iyo. Ang pinakamagandang payo ay laging nagmumula sa ating pamilya. At kung ikaw ay pamilyado, ang asawa natin dapat ang ating kasama o ang buong pamilya at wag kung sino-sino (sige ka! baka iba din kasama ng asawa mo).

Sarili

Respeto sa sarili ay dapat din. Kung di mo nire-respeto ang sarili mo ay hindi ka rin rerespetuhin ng iba. Ang pagpaparaya mo sa sarili ay nagpapakitang wala kang respeto sa iyong sarili at marami ang naghihintay ng ganitong pagkakataon. At kung mapagparaya man ang iyong mamahalin, panatag ba ang loob mong mahalin siya?

Kung ang taong mamahalin mo ay may angking katangiang nagpapahalaga sa Diyos, pamilya at sa kanyang sarili ay nasisiguro kong mamahalin ka ng tunay at pahahalagahan ka nito sa oras na ikaw ay maging bahagi ng kanyang puso.

God bless po sa inyong lahat.

Pula

2 Reactions
Akda ni Noel Ablon



Pula ang kulay ng ating dugo. Ito rin ang siyang sumasagisag ng pag-ibig, katapangan, kabayanihan ng mga taong dumanak ang dugo para sa kalayaan ng Pilipinas sa kamay ng kanyang mananakop. Pagpapala naman ang dulot ng kulay na ito para sa mga Intsik. Pero ano naman kaya sinisimbolo nito para sa atin?

Gaya ng iba, para sa akin, ang pula ay sumisimbolo ng dugo ngunit itong dugong ito ay siyang dugong dumanak sa krus ng kalbaryo na kung saan si Hesus ay napako at namatay para sa aking mga sala. Sabihin n'yo nang relihiyoso itong aking kontribusyon. Isa lamang ang masasabi ko: naging bahagi si Kristo ng aking buhay; responsibilidad kong ibahagi ang balitang ito sa iba.

Samakatuwid, ang mga sumusunod na mababasa ay pawang espiritwal na inspirasyon para sa mga taong uhaw sa Kanyang pangaral. Kahit sandali sana ay mabigyan natin ito ng panahon.

Walang makapapantay pa sa pag-ibig na kaloob ni Hesus sa atin. Sapagka’t Siya ang naunang umibig sa atin. Isang pag-ibig na hindi naghihintay ng kapalit kundi ang atin lamang tanggapin ang kaloob Niyang gantimpala. Isang gantimpalang walang bayad. Isang gantimpalang patuloy na inilalaan para sa atin.

Katapangang maituturing ang pagharap ni Hesus sa Kanyang mga mamumusong sa kabila ng panganib na nakaambang sa Kanyang buhay. Namuhay Siya bilang isang tao upang makaranas ng uhaw, gutom, sakit at hapdi. Bakit? Upang tayo ay abutin sapagkat hindi natin kayang abutin ang Kanyang kaluwalhatian, at upang tayo ay walang maipagmalaki sa Kanya.

Kabayanihan sapagkat ang sinumang tumanggap sa Kanya ay binigyan ng karapatang maging anak o bahagi ng Kanyang pamilya – ng Kanyang lipi. Pinagtagumpayan ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli upang tayo ay tubusin sa ating mga pagkakasala.

Pagpapala naman ang kaloob ni Hesus sa aking buhay. Ako ay nakaranas ng mga paghihirap ngunit ito ay may kaakibat namang kasagutan. Alam ng Diyos ang ating hangganan o limitasyon. Alam Niya ang kakayahan nating pagtagumpayan ang bawat pagsubok na ating kinakaharap. Ang aking lakas na nagmula rin sa Kanya ang tanging sagot sa mga pagsubok na aking nakaharap sa buhay.

Ito ang simbolo ng pulang kulay sa akin: ang pag-asang hatid ni Kristo Hesus. Pag-asang nakapaloob ang pag-ibig, katapangan, kabayanihan at pagpapala.

► Tunghayan ang marami pang akda ni Noel, isang OFW sa Jeddah, Saudi Arabia, sa Baul ni Noel. Maari ring matunghayan ang iba pang akda ni Noel sa journal na ito.

Edukasyon: Yamang Pamana ng Magulang

1 Reactions
Akda ni Noel Ablon

"Mag-aral kang mabuti hangga't kaya kitang pag-aralin. 'Yan lang ang yamang maipapamana ko sa'yo." Yan ang mga salitang nagmula pa sa yumao kong ama; nakatimo sa aking puso at nakatanim sa aking isipan.

Sa aking opinyon, malaki ang epekto ng turo ng magulang sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Ang kahalagahan ng edukasyon ay dapat malaman ng mga bata hangga't silay's nasa murang edad.

Edukasyon - ang wastong edukasyon -- ay mahalagang susi sa paglupig ng kahirapan ng ating bansa. Ngunit ang edukasyon rin ang isa sa malaking problema na kinakaharap ng ating bansa. Dahil sa kahirapan ng ating bayan, ang edukasyon ay hindi na gaanong binibigyan ng halaga lalo kung marami tayong nakikitang kabataang nakapagtapos na wala namang trabaho.

Kung isusulong at isasakatuparan ng bawat mamamayang Pinoy ang mga proyekto para sa libreng paaral sa mga mahihirap, makakatulong ito ng lubos sa nakararami at maging sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Isipin natin, kung pinahahalagahan ng isang tao ang edukasyon:
  • Magkakaroon ito ng alituntunin, pangarap at ambisyon para sa sarili, at pagsusumikapan niyang makamit ito anumang balakid ang nakaharang sa kanyang daraanan;
  • Hindi niya sisirain ang kanyang buhay sa walang kapararakang bagay;
  • Pagyayamanin niya ang bawat dugo at pawis na pinaghirapan ng kanyang magulang;
  • Maipapamana niya ang alituntuning pagsusumikap at pagpapahalaga sa edukasyon sa kanyang magiging anak;
  • Paglago ng respeto sa sarili at sa ibang tao;
  • Hindi basta-basta maalipusta ng mga dayuhan (o kahit pa ng sariling kababayan) dahil sa angking kakayahan, intelektwal at abilidad.
Saan ba nagmula ang lahat ng ating nakamit? Hindi ba't sa isang pangarap? Sana bilang magulang, suportahan natin ang ating mga anak sa kanilang mga pangarap. Kung walang pera ay pipilitin nating arukin iyon hangga't makakaya dahil sa oras na sumuko tayo sa pangarap nila, mawawalan na rin sila ng pag-asa.

Ang kinabukasan ng ating bayan ay nasa kamay ng mga anak natin, pero ang kinabukasan ng ating mga anak ay nasa kamay nating mga magulang.

Hindi ba't ang edukasyon ay isa sa kanilang karapatan? Pananagutan natin bilang mga magulang ang ipagkaloob ito sa kanila ng maayos. Hangga't maaari ay huwag nating ipatong sa ating mga anak ang responsibilidad nating mga magulang.

Hindi nagkamali ang aking ama sapagkat higit pa sa mga materyal na pamana ang edukasyong ibinigay n'ya sa akin. Ang tagumpay na aking tinatamasa ay mula sa pamana nilang edukasyon sa akin.

Ngayong tayo'y mga magulang na rin, ating ipunla ang yamang ito sa ating mga anak. Bigyan natin ng kulay at bigyan natin ng hugis ang pangarap ng ating mga anak -- ng ating mga kabataan. Sikapin nating mabigyan sila ng tamang edukasyon.

► Si Noel ay OFW na nakabase sa Jeddah. Ang kanyang blog na Ang Baul ni Noel ay naglalaman ng iba't-ibang kwento tungkol sa kanyang pagiging OFW. Kasama niyang naninirahan sa Jeddah ang kanyang mag-ina).