Pula ang kulay ng ating dugo. Ito rin ang siyang sumasagisag ng pag-ibig, katapangan, kabayanihan ng mga taong dumanak ang dugo para sa kalayaan ng Pilipinas sa kamay ng kanyang mananakop. Pagpapala naman ang dulot ng kulay na ito para sa mga Intsik. Pero ano naman kaya sinisimbolo nito para sa atin?
Gaya ng iba, para sa akin, ang pula ay sumisimbolo ng dugo ngunit itong dugong ito ay siyang dugong dumanak sa krus ng kalbaryo na kung saan si Hesus ay napako at namatay para sa aking mga sala. Sabihin n'yo nang relihiyoso itong aking kontribusyon. Isa lamang ang masasabi ko: naging bahagi si Kristo ng aking buhay; responsibilidad kong ibahagi ang balitang ito sa iba.
Samakatuwid, ang mga sumusunod na mababasa ay pawang espiritwal na inspirasyon para sa mga taong uhaw sa Kanyang pangaral. Kahit sandali sana ay mabigyan natin ito ng panahon.
Walang makapapantay pa sa pag-ibig na kaloob ni Hesus sa atin. Sapagka’t Siya ang naunang umibig sa atin. Isang pag-ibig na hindi naghihintay ng kapalit kundi ang atin lamang tanggapin ang kaloob Niyang gantimpala. Isang gantimpalang walang bayad. Isang gantimpalang patuloy na inilalaan para sa atin.
Katapangang maituturing ang pagharap ni Hesus sa Kanyang mga mamumusong sa kabila ng panganib na nakaambang sa Kanyang buhay. Namuhay Siya bilang isang tao upang makaranas ng uhaw, gutom, sakit at hapdi. Bakit? Upang tayo ay abutin sapagkat hindi natin kayang abutin ang Kanyang kaluwalhatian, at upang tayo ay walang maipagmalaki sa Kanya.
Kabayanihan sapagkat ang sinumang tumanggap sa Kanya ay binigyan ng karapatang maging anak o bahagi ng Kanyang pamilya – ng Kanyang lipi. Pinagtagumpayan ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli upang tayo ay tubusin sa ating mga pagkakasala.
Pagpapala naman ang kaloob ni Hesus sa aking buhay. Ako ay nakaranas ng mga paghihirap ngunit ito ay may kaakibat namang kasagutan. Alam ng Diyos ang ating hangganan o limitasyon. Alam Niya ang kakayahan nating pagtagumpayan ang bawat pagsubok na ating kinakaharap. Ang aking lakas na nagmula rin sa Kanya ang tanging sagot sa mga pagsubok na aking nakaharap sa buhay.
Ito ang simbolo ng pulang kulay sa akin: ang pag-asang hatid ni Kristo Hesus. Pag-asang nakapaloob ang pag-ibig, katapangan, kabayanihan at pagpapala.
► Tunghayan ang marami pang akda ni Noel, isang OFW sa Jeddah, Saudi Arabia, sa Baul ni Noel. Maari ring matunghayan ang iba pang akda ni Noel sa journal na ito.
2 Reactions:
[LIKE (thumbs up)...]
Maiksi ngunit maganda. Ayos! U
Wow! Na-post din pala hehe! Thanks Kablogs Journal!
@RJ - thanks, oo nga I tried to make it short para easy reading hehe!
Post a Comment