"Mag-aral kang mabuti hangga't kaya kitang pag-aralin. 'Yan lang ang yamang maipapamana ko sa'yo." Yan ang mga salitang nagmula pa sa yumao kong ama; nakatimo sa aking puso at nakatanim sa aking isipan.
Sa aking opinyon, malaki ang epekto ng turo ng magulang sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Ang kahalagahan ng edukasyon ay dapat malaman ng mga bata hangga't silay's nasa murang edad.
Edukasyon - ang wastong edukasyon -- ay mahalagang susi sa paglupig ng kahirapan ng ating bansa. Ngunit ang edukasyon rin ang isa sa malaking problema na kinakaharap ng ating bansa. Dahil sa kahirapan ng ating bayan, ang edukasyon ay hindi na gaanong binibigyan ng halaga lalo kung marami tayong nakikitang kabataang nakapagtapos na wala namang trabaho.
Kung isusulong at isasakatuparan ng bawat mamamayang Pinoy ang mga proyekto para sa libreng paaral sa mga mahihirap, makakatulong ito ng lubos sa nakararami at maging sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Isipin natin, kung pinahahalagahan ng isang tao ang edukasyon:
- Magkakaroon ito ng alituntunin, pangarap at ambisyon para sa sarili, at pagsusumikapan niyang makamit ito anumang balakid ang nakaharang sa kanyang daraanan;
- Hindi niya sisirain ang kanyang buhay sa walang kapararakang bagay;
- Pagyayamanin niya ang bawat dugo at pawis na pinaghirapan ng kanyang magulang;
- Maipapamana niya ang alituntuning pagsusumikap at pagpapahalaga sa edukasyon sa kanyang magiging anak;
- Paglago ng respeto sa sarili at sa ibang tao;
- Hindi basta-basta maalipusta ng mga dayuhan (o kahit pa ng sariling kababayan) dahil sa angking kakayahan, intelektwal at abilidad.
Ang kinabukasan ng ating bayan ay nasa kamay ng mga anak natin, pero ang kinabukasan ng ating mga anak ay nasa kamay nating mga magulang.
Hindi ba't ang edukasyon ay isa sa kanilang karapatan? Pananagutan natin bilang mga magulang ang ipagkaloob ito sa kanila ng maayos. Hangga't maaari ay huwag nating ipatong sa ating mga anak ang responsibilidad nating mga magulang.
Hindi nagkamali ang aking ama sapagkat higit pa sa mga materyal na pamana ang edukasyong ibinigay n'ya sa akin. Ang tagumpay na aking tinatamasa ay mula sa pamana nilang edukasyon sa akin.
Ngayong tayo'y mga magulang na rin, ating ipunla ang yamang ito sa ating mga anak. Bigyan natin ng kulay at bigyan natin ng hugis ang pangarap ng ating mga anak -- ng ating mga kabataan. Sikapin nating mabigyan sila ng tamang edukasyon.
► Si Noel ay OFW na nakabase sa Jeddah. Ang kanyang blog na Ang Baul ni Noel ay naglalaman ng iba't-ibang kwento tungkol sa kanyang pagiging OFW. Kasama niyang naninirahan sa Jeddah ang kanyang mag-ina).
1 Reactions:
Thanks for posting this. Di ko na i-post sa blog ko para exclusive at dito na lang nila basahin or saka ko na lang i-post.
Thanks again.
Post a Comment