Sa May Bintana




Malakas ang ulan ng gabing iyon. Tila nakikipaglaban ang ulan sa kung ano mang presensya ng ibang elemento sa paligid. Hindi papipigil sa pagbuhos, wari ko ba’y wala ring balak huminto. Kagaya mo lamang din na walang balak magpapigil sa iyong nais.

Ipagpabukas mo na, pag-usapan natin ito ng mahinahon. Masama din ang panahon, baka kung ano pang mangyari sayo pag tumuloy ka, pagpipigil ko.

Hindi ko ikamamatay ang ulan. Wala na rin tayong dapat pag-usapan, ang nagmamatigas mong sagot sa akin.

At tuluyan nang humulagpos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan sa pagpatak. Tuluyan ng naparam ang lahat ng pagpipigil upang hindi mo masaksihan ang aking pagkalugmok sa iyong nakaambang paglisan. Nanghihinang napaupo ako sa malapit na upuan habang tahimik na lumuluha at nakamasid sayo habang inaayos mo ang iyong mga gamit.

It's Over. Sa dalawang salitang yan mo lamang tinapos ang halos 5 taon nating pagsasama. Sa dalawang simpleng salitang yan mo tinuldukan ang aking mga pangarap. Dalawang salita na kung tutuusin ay napakadaling intindihin pero kung bakit kay hirap tanggapin. Nabuway ang kaunting pag-asang pinanghahawakan ko. Tila nawalan ng kulay ang mundo nang bitawan mo sa akin ang dalawang salitang yan.

Hindi ako magkandatuto sa pag-iisip kung ano ang nangyari, san ako nagkamali, ano ang mga nagiging pagkukulang ko. Tuluyan ng nilamon ng pagkalito ang buong pagkatao ko. Hindi ko kaya. Hindi ko kaya na iwanan mo ako. Ikamamatay ko! Yan ang tanging nasa isip ko nuon. Alam kong alam mo kung gano naghihirap ang kalooban ko nang mga panahong yun. Nakita mo kung panong halos mabaliw ako sa pagsusumamo sayong mag-usap tayo, ayusin natin ang lahat, magsimula ulit. Batid mong labis akong nasaktan. Ngunit kahit na ni isang dahilan ay hindi mo ako binigyan. Hindi mo binigyang liwanag kung san ako nagkamali, kung ano ang naging mga pagkukulang ko. Tuluyan mo ng tinalikuran ang mga pangarap na sabay nating binuo. Pinatay mo ng lubusan.

Aalis na ko. Salamat, ani mo. Sabay marahang tumalikod at walang lingon-likod na lumabas ng pintuan. Naiwan akong nakatulala sa kawalan. Naiwan akong nag-iisa sa lakas ng ulan. Naiwan akong mag-isang tatayo sa gitna ng kadiliman. Naiwan akong luhaan at sugatan.

Ilang taon ang lumipas na sa tuwing bubuhos ang ulan ay mananariwa sa aking isipan ang sakit na idinulot ng iyong pag-alis. Ilang panahon ding sa tuwing mararamdaman ko ang patak ng ulan ay siyang biglang balik din ng pait ng kahapon. Ngunit napagtanto ko na kasabay ng pagtila nito, ay pagbibigay pag-asa na hihilom ang mga sugat dulot ng nakaraan. Na sa pagtila nito ay sisikat muli ang araw, magbibigay ng panibagong pag-asa, magbibigay ng panibagong ligaya.

Mama, mama halika na daw po, matulog na daw po tayo sabi ni papa, boses ng aking anak na nagpagising sa aking naglalakbay na diwa habang tahimik na nakamasid sa mararahang pagpatak ng ulan sa labas ng bintana.

Dahan-dahan kong hinawakan ang kamay ng maliit na anghel at inakay papasok sa silid, bago tuluyang pumasok, muling lumingon sa bintana sabay ngumiti. Tapos na. Tapos na ang kadiliman. Tapos na ang pait at pighati. Tuluyan ng hinilom ng panahon ang sugat ng nakaraan. Naparam ng ulan ang lahat ng sakit. Tapos na.




► About the author:
About the Author : Midnight In Athens

click here to comment… for bloggers

1 Reactions:

Anonymous said...

Tunay nga bang time heals all wounds?

R

Post a Comment