Magkakaibigang Estranghero

A friend of mine said, “Don’t you dare follow me because I am lost.” And I whispered in return, “I am also lost… so I won’t follow you. I will walk beside you instead.” – Animus

Ilang beses ka na rin namang natisod, nadapa at bumulagta sa daan. Sa iyong paglalakbay marami ang nakitawa, naki-iyak at dumamay sa iyong pasan sa balikat. Nariyan sila, mga taong hindi mo kakilala. Nakasalubong sa pasilyo ng paaralan o kaya sa lansangan na iyong madalas tambayan. Iba’t ibang mukha, halos hindi mo na matandaan kung sino sila. Ngunit sa paglipas ng panahon ang mga estranghero na ito’y tumatak na sa iyong puso. Naging bahagi ng iyong pagkatao.

Mga nilalang sa mundo na hindi mo akalaing magiging kasama mo sa hirap at ginhawa. Mga taong nakaalitan mo at nakaaway ng mahabang panahon. Saan ba nagsisimula ang lahat? Hindi ba’t nuong una ay hindi naman talaga kayo magkakakilala. Magkakaiba ang ideyolohiya sa buhay, pananaw at paniniwala maging sa relihiyon, pulitika at kultura. Sa mga hindi pinagkakasunduan naruong ayaw ninyong magpatalo sa isa’t isa. Ipinaglalaban ang alam ninyong nararapat at wasto. Sa bandang huli hindi pa rin magkasundo ngunit may respeto na ipinagkakaluob sa bawat isa.

Marami ang nagsasabing kaibigan ka nila, marami sa kanila may kanya-kanya rin namang dahilan bakit ka nila itinuring na isa sa kanila. Marahil para sa sariling interes. Sa paglipas ng taon, iilan rin lang ang matitira. Akalain mong kung sino pa ang madalas mong maka-away at hindi makasundo ay siya pa palang magiging gabay mo sa pagtahak sa landas na iyong binabaybay. Iilan lang din ang nakatagal sa pagkatao mong hindi maarok ng karamihan. Ikaw na may sariling mundo, hinanakit na ikinubli at kinimkim… ikaw na ayaw magpakilala sa mundo, sila ay nakauunawa sa iyo. Nakatutuwang isipin na ang mga pagtatalo, mga away na naganap at mga iyakan ay naging daan upang makilala ninyo ang isa’t isa ng lubusan.

Hindi na rin mabilang kung ilang beses ninyong itinakwil ang pagkakaibigan ngunit hanggang sa ngayon kayo pa rin ang magkaka-akbay na nag-aantay sa pagsikat ng araw at sa muli nitong paghimlay. Hinubog kayo ng mga pasakit at alinlangan, mga dusa at pighati na nagpatatag sa tinatawag ninyong matalik na pagkakaibigan. Kayo na may kanya-kanyang dinaramdam, iisa lang ang tugon sa bawat hinaing ng puso at isipan… ang pagdamay ng walang pag-iimbot at kusang luob na talikuran ang hidwaan. Sa kabila ng lahat ng ito, anumang gulo at salimuot ng relasyon… sa bandang huli patuloy kayong nagkakaunawaan at nagmamahalan.

Sa pag-usad ng mga taon, isang simpleng ngiti at sulyap ay madali na ninyong napapaamo ang nagmamaktol na kaibigan. Ang dating sumbatan at iyakan ay masarap balikan upang alalahanin at gawing katatawanan. May katuturan ang lahat, sa pananahimik ng isa alam mo na ang dapat gawin at hindi na kailangang pang alamin… dahil ang matalik na magkaibigan ay nariyan upang ikaw ay damayan.




► About the Author:
Dahn Jacob – (Animus) is the author of Animus (Anonymous Sanctuary) and PEBA 2010 Grand Prize Winner with his entry Ang Bakal na Ibon sa Himpapawid.






click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment