Neck Tie


May pera ka pa ba? Eh ang ate mo, may pera pa?
Tanong mo sa akin isang madaling araw.
Sumagot ako,
Meron pa naman po, si ate hindi ko alam. Tatanong ko mamaya.

Gulat na gulat kaya ako noon, pakiramdam ko sinapian ka ng alien. Hindi ka naman kasi ganun eh. Mas kuripot ka pa sa pinakakuripot na intsik. Never ka pang nanguna sa pagbibigay ng pera sa amin. Ilang balde ng dugo ang dapat namin iiyak para lang bigyan mo kami(ok fine, exaggerated na). Ang point ko, hindi pangkaraniwan na nagkukusa kang bigyan kami ng pera. Madalas na sangkaterbang sermon at inaabot ng ilang oras bago ka namin makumbinse na kailangan mong dagdagan ang binibigay mo sa amin dahil tumataas ang presyo ng gasolina, ng bigas, ng kung anu-ano pa. In short, 100% kuripot ka talaga.

Alam mo bang yang pagtatanong mo na yan ang tumatak sa akin? Hanggang sa ngayon naiisip ko pa rin yan. Sampung taon ang matuling lumipas mula nung itanong mo sa akin yan pero hanggang ngayon malinaw na malinaw pa rin sa alaala ko ang pag-uusap nating yun... ang huli nating pag-uusap.Galit kaya ako sayo noon. Kahit noong mga panahong wala ka na... alam ko at dama ko pa rin ang galit ko sayo. Hindi mo kasi ako binigyan ng magagandang alaala na kasama ka na pwede kong balik-balikan tulad ng isang normal na bata. Hindi mo ako binigyan ng memorable childhood. Wala na nga si mama, wala ka pa rin. Naalala mo pa ba kung paanong sa tuwing papasok ka sa trabaho eh isasama mo ko at iiwanan sa kung sino mang food attendant o kahera ang nakaduty sa araw na yon? Hinahayaan mo akong magpagala-gala sa buong hotel sa buong maghapon, at sa pagsapit ng gabi, ipapahanap mo ako at ipauuwi kina kuya. Naalala mo ba yun? Inis na inis ako sayo noon kasi bihira na nga lang tayong magkasama tapos yung kapirasong oras na magkasama tayo, lagi ka pang galit, lagi kang nakasinghal. Hmmm... wala akong matandaan na pangyayari na hinawakan mo ang kamay ko at sabay tayong naglakad, malimit na nakabuntot lang ako sayo. Naisip mo din bang wala tayong litrato na magkasama ni isa? Kahit isa wala.. (pero may nakita akong picture nyo ni Iyah na karga-karga mo sya nung 4 years old pa lang sya nung naghalungkat ako ng photo albums last month)

Wala akong masasabing mga magagandang bagay na nangyari sa akin na kasama ka. Wala akong masasabing magagandang bagay tungkol sayo kasi hindi naman nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon tayo ng totoong “father and daughter” relationship eh. Ni hindi nga kita naipakilala sa mga kaklase ko dati, wala akong naging boyfriend na naipakilala sayo at ni isa sa mga apo mo sa akin hindi mo na rin nakilala pa. Wala ka ng inabot sa kanila. Hindi ko alam kung aware ka na sa 17 years ng buhay ko eh, nabuhay akong puno ng takot sayo, nabuhay akong laging nangingilag sayo. Kasi lagi kang galit sa mundo, lagi kang nakasigaw sa amin. At isa pa palagi ka ring wala. Naiinggit ako sa mga kaklase kong kasama ang mga nanay at tatay nila kapag graduation or family day sa school. Nung minsanang kumanta ako ng solo sa graduation mass namin noong highschool, sa totoo lang, kaya nila ako napapayag magsolo kasi sinabi nyo ni mama na pupunta kayo. Pero hindi kayo pumunta. Nagmartsa ako ng wala ka. Yun ang una at huling beses na kumanta ako sa harap ng maraming tao. Sinabi ko sa sarili ko na kung ikaw nga wlang bilib sa kaya ko, ibang tao pa kaya. Nabuhay akong nasa background lang ang pagiging tatay mo.Palagian kang busy sa trabaho, sa babae... oo akala mo ba hindi ko/namin alam na may mga babae ka? Nalaman din kaya namin na may sumunod ka pang anak bukod sa amin. Nagkaron kaya kami ng grand reunion nung nawala ka. Nagkakila-kilala kami noon sa simbahan nung sinabi ni father na “Mangyari pong tumayo ang immediate family ng mga yumao”, akalain mong ang dami naming tumayo. Eh di comedy ang eksena. Mantakin mong nakuha pang matawa ng lahat nung araw na un, nung mga oras na un.

Nung oras na kailangan ng magpaalam sayo, umiyak ako... Nung mga panahong yun hindi pa malinaw sa akin kung bakit ako umiyak, hindi... hindi pala ako umiyak, humagulgol pala ako. Hindi ko pa mawari kung kaya ako umiyak eh dahil sa nasaktan ako sa biglaang pag-alis mo at dahil expected ng lahat na iiyak ako. Kasi syempre, tatay kita, kailangan kong ipakita sa lahat na sobra akong nalulungkot na nawala ka. It took me a long time to realize why I cried when u left... Umiyak ako nun dahil nasaktan ako... Nasaktan ako dahil hindi na ako nabigyan ng pagkakataon... hindi mo ako binigyan ng chance na maramdaman na mahal mo din ako bilang anak mo. Hindi mo ako binigyan ng chance na mahalin ka bilang tatay ko. Palagiang may isang malaking wall na nakapagitan sa ating dalawa. Umiyak ako dahil ni minsan hindi man lang kita nayakap. Umiyak ako dahil ni isang picture na kasama ka, wala man lang akong maitago. Umiyak ako kasi nawala ka bigla at alam kong never ng mangyayari ung mga gusto kong mangyari. Umiyak ako dahil wala ka na...

Ngayon, alam ko masaya ka na kung asan ka man... Alam ko masaya kayo dyan nila lola at ate. Itong si ate, masyado ka yatang namiss at saglit ka pa lang nakaaalis eh sumunod na agad. Pambihira kayo, ke-aaga nyong umalis... bakit ba kayo naatat? May appointment ba kayo? Anyway, sabi nila Father's day daw kaya gumawa ako nitong sulat na kahit kailan eh hindi ko maipapadala sayo. Pero siguro naman by now, alam mo na to. Saka babati din pala ako... every year na father's day regalong neck tie lang ang naibibigay ko sayo hindi pa personal, iniiwan lang namin sa opisina mo.. kaya Happy Father's day sayo Papa! Dont worry hindi na ko galit.. napakawalan ko na lahat ng galit at sama ng loob ko sayo... history na yun... mag look forward na lang ako sa future... sa future na kapag dumating ung time na kailangan ko na ring umalis dito eh, magkita tayo at ikaw ang mag-welcome sa akin diyan with your arms wide open.... :-)


► About the Author:
Ms. Yanah Bautista a blogger, a mother and a former OFW from Dubai. She loves to write everything about life in her own blog Life's a Twitch. She is the 2011 PEBA chairwoman.

► Read Yanah's previous articles here.


0 Reactions:

Post a Comment