Pag-uusap sa Hardin

Sa isang lupain, may isang bahay na bukod-tangi
‘Pagkat sa likod nito’y ‘sang harding napakalaki
At sa harding ito’y nakatanim mga bulaklak,
Makukulay, mababango’t magagandang bulaklak.

Minsan ay nagkaroon ng diskusyonan sa hardin
Ang nasabing mga mahahalimuyak na tanim.
Bagama’t ang mga ito’y di pa namumukadkad,
Mga ambisyon at pangarap kan’lang inilahad.


“Pamumukadkad ko ang aking pinakahihintay,”
Pag-aasam ni Lila kanyang isinilaysay.
“Sa oras na ‘yon, nais ko sanang ako’y makita
Ng ‘sang dalagang may natatanging yumi at ganda.

“Sa mahaba n’yang buhok ako’y kanyang ilalagay
‘Pagkat ang ganda ko’y sa tulad lang n’ya nababagay.
Sa aking mga talulot na lila ang s’yang kulay,
Tiyak na maaakit lahat sa karik’tan kong taglay.”

“Ang ‘yong pinapangarap ay walang katiyakan
‘Pagkat lamang sa ‘yo ang aking kahalimuyakan,”
Pagyayabang ni Pula na may dalang pang-iinis.
“Di hamak na ako dito ang pinakamakinis.

“Tiyak na ako’y aasamin ng mga binata
Dahil ang samyo ko’y natatangi at naaiba.
Kapag ako ay ibinigay sa isang dalaga,
Siguradong mapapasagot ito ng binata.”

“Ang bababaw naman ng inyong ninanais,”
Sabi ni Dilaw, ang may balat na walang kawangis.
“Ako? Gusto ko na kapag ako’y namukadkad na,
Ilalagay ako ng may-ari sa kanyang sala.

“Tatayo ako sa isang mamahaling plorera
At ipapamalas ko ang aking naiibang ganda.
Ako’y natatangi ‘pagka’t kulay ko’y maliwanag,
Higit na kaakit-akit sa sinupamang dilag.”

Nagkagulo ang sari-saring kulay ng bulaklak,
Nagpayabangan sila at ayaw pang magpasindak.
Kanya-kanya ang mga ito sa paghahambugan
Ngunit si Puti’y tahimik sa isang kasulokan.

‘Di n’ya inalintana ang kanilang kapalaluan
‘Pagkat ‘di n’ya maintindihan ang kan’lang alitan.
Hindi naglaon ay napansin din nila si Puti
Kaya’t s’ya’y tinanong nila kung anong masasabi.

“Ikaw Puti, ano ba ano ba ang iyong pinapangarap?”
Tanong ni Kahel. “Ano nga ba ang nais mong maganap?
Ibig mo bang ikaw ay kunin ng isang dalaga?
O hindi kaya ng isang matikas na binata?”

Ani naman ni Bughaw, “Marahil ‘di n’ya ‘yan nasa.
Baka mithi n’yang malagay sa paso o plorera
At s’yang magiging sentro ng atensyon at atraksyon
Kung saan lahat ng tingin sa kanya nakatuon.”

“Hindi,” sagot ni Puti. “ ’Di ko iyan inaasam.
Ayoko sanang lisan ang lupa kong kinalagyan.”
Dahil sa sinabi n’ya, sya’y pinagtawanan
Walang tigil ang kan’lang pagkutya at pag-uyam.

Ngunit si Puti ay muli na namang nagsalita
“ ‘Di ko nais na iwan ang kinatirikang lupa.
Sa oras na mamukadkad ang talulot kong puti,
Itataas ko ang aking dahon sa pagbubunyi.

“Itataas ko ito at titignan ang langit,
Mag-aalay ako ng pasasalamat na awit
At sa Poong Maykapal ako ay mananalangin
Dahil sa magandang bukas na binigay sa akin.

“Wala na akong iba pang ninanais, iyon lang
Kung kaya’t ako sana’y inyong mainitindihan
Kung bakit mas nais ko pang dito ay magpaiwan.
‘Yun ay dahil buhay ko’y sa Kanya ko inilaan.”

Bigla-bigla ay nagkaroon ng katahimikan
Nagsitigil na sila sa kanilang halakhakan
At pinagtantuhan ang mga sinabi ni Puti
Kung ito ba ay walang saysay o mayroong silbi.



► About the Author:
Kristian, a blogger and a BS Computer Engineering Student in Silliman University, Dumaguete City, Negros Oriental.

Visit his blog here

click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment