in cooperation with

and

 

PEBA 2012 INTERNATIONAL BLOG and PHOTO AWARDS is brought to you by:

SSS PHILIPPINES, Smart IDD by Smart Communications, The Manny and Cynthia Villar Foundation


 

18 Pesos


Disi-otso pesos lang ang laman ng bulsa ko noon. Agarang interview ko noon sa isang kumpanyang inaplyan ko, ang interview ay sa Admin. Office ng isang sikat na mall sa Davao. Baon ang matinding pag-aasam na matanggap sa trabaho, kasama si Julyanah at si BBW, pinuntahan namin ang interview ko na ang tanging dala ay eksaktong pamasahe papunta at pauwi. 'Di akalain na aabutin ng hanggang sa tanghalian. 'Yung lugar ng admin office ay matatagpuan sa 2nd floor malapit sa food court ng mall. Tumuloy na ako sa interview ko habang ang mag-ama ay naupo sa may foodcourt habang naghihintay sa akin. Swerteng natanggap naman ako, 'yun nga lang, kinakailangan kong mag undergo ng training for two weeks na noong araw na yun magsisimula sa Tesda Accredited Center sa Davao, may kalayuan sa city kaya’t dapat doon magstay. Libre na ang tutuluyan, pagkain na lang ang problema...

Isang malaking problema, 18pesos na lang ang nasa bulsa ko. Pamasahe naming pauwi sa bahay. Paglabas ko ng Admin office, sinabi ko kay BBW ang problema ko, parehas kaming natulala sa kawalan, naramdaman ko na lang na kinakalabit ako ni Julyanah…

“Mama, gutom na ko, kain tayo. Doon oh! Katulad 'dun sa bata, chicken.” Sabay turo sa isang batang kumakain ng manok.

Hindi ko malaman kung pano ko sasabihin sa kanyang wala kaming pera ni pambili ng kendi nya. Talagang eksaktong pamasahe lang ang dala namin. Hindi ko lang inakala na aabutin ng tanghalian ang interview.

Tumingin ako kay BBW sabay sabing, “Pahiram muna ng cellphone mo isasanla ko. Kailangan natin ng pera para panggastos nyo at panggastos ko sa training.” Binigay naman nya at nagmamadali akong nagpunta sa sanlaan. Nang makabalik, nakita ko si Julyanah nakalugmok sa upuan, naiiyak. Naiiyak na marahil sa sobrang gutom. Alas dos na ng hapon noon na ang tanging laman ng tiyan niya ay isang pirasong pandesal at kalahating tasa ng milo. Pinilit ko pasayahin ang hitsura ko sabay sabi sa kanyang, “halika na, turo mo sa akin kung saan mo gusto kumain, dali!” Gusto kong maiyak nang mga oras na 'yun. Hindi dahil sa naawa ako sa'min. Naawa ako sa anak ko, hindi siya dapat nakakadanas ng ganoong klase ng hirap. Hindi sya dapat nagsasala sa pagkain. Mula noong mga oras na 'yun, sinabi ko sa sarili kong, “Hinding-hind na. Hinding-hindi na muli magugutom si Julyanah.”

One of my darkest days… tipong hindi ko na alam kung kanino pa ako lalapit. Isa sa mga nakaraan kong pinaglabanan at tinakasan.. Pinagsumikapan na hindi na maulit. Nang dahil sa insidenteng yun, napagtanto ko ang lahat ng kamalian na nagawa ko, mga maling desisyon na nagawa sa buhay ko. Nang dahil sa pangyayaring yun, natuto akong mas maging matatag, at lumaban sa buhay. Natuto akong humarap sa kahit anong hamon. Nang sabihin kong, hindi na muli magugutom ang anak ko, pinangatawanan ko, kesehodang mamalimos ako sa kalsada willing akong gawin, 'wag lang siyang magutom.

Lahat gagawin ng isang ina para sa anak. Kapag pala naging ina ka na, nakakalimutan mo ang sarili mo. Pinakauna sa lahat ay ang iyong mga anak muna. Saka ka na. 'Di bale nang hindi ka masaya sa ngayon, ang importante ay masaya ang mga anak mo. That’s all that matters. Sa listahan ng prayoridad mo sa buhay, nagiging number two or three na lang ang mga needs mo, dahil ang numero uno sa listahan mo ay ang mga anak mo. Kung ano ang magpapasaya sa kanila, their well being and welfare.

“Mama, ang sarap ng chicken! Lagi tayo kain dito ha”, masayang sabi ni Julyanah habang kumakain.

May limang taon na ang nakalipas mula nang nangyari ito.. sa ngayon, masasabi kong naging mabuti pa rin kahit papaano ang buhay sa amin, sa akin. Despite whatever, twitches and glitches na pinagdaanan at kasalukuyan kong pinagdadaanan ngayon, alam ko, alam kong hindi ako bibitaw, Nangako ako eh! Nangako akong hindi na siya muling magugutom. Hinding-hindi na.


► About the Author:
Ms. Yanah Bautista a blogger, a mother and a former OFW from Dubai. She loves to write everything about life in her own blog Life's a Twitch. She is the 2011 PEBA chairwoman.


1 Reactions:

uno said...

ang galing at tapang mo... huwaran ka
pagpalain ka ng Maykapal at patuloy ka at iyong pamilya biyayaan...
isa kang tunay na ILAW ng TAHANAN...

anuman ang mangyari ipagdadasal kita...

Post a Comment