Kabataan sa Panahon ng Tag-araw


Mag-aanim na taon pa lamang ako noong lumipat kami sa probinsya ng aking ina. Mula sa maingay na siyudad kung saan naroon ang bahay ng mga magulang ng aking tatay, napagkasunduan na iuwi kami sa bayan ng Bulacan, sa aking mga Lolo at Lola.
Madalas hikain ang kuya ko noon, at magiging maganda para sa kanya ang preskong panahon ng probinsya.

Masaya ako sa lugar na iyon sa Meycauayan, Bulacan.

Gustong gusto ko ang paggising sa akin ng mga tandang sa umaga, ang tilaok nila ay tila musika sa aking mga tainga. Parang halik ng isang nagmamahal ang malamyos na sikat ng araw na tumatanglaw sa aking batang mukha at ang banayad na hanging dumadampi sa aking mga balat ang siya kong duyan na naghele sa akin sa magdamag.

Una kong gagawin sa paggising ay ang buksan ang malalaking bintanang gawa sa capiz, tuwang tuwa ako sa pagsalubong ng mga kumikinang na bunga ng punong kaimito na halos dumungaw sa aming tahanan.

Madalas kong pagpahingahan ang mayayabong na puno ng aratilis malapit sa ilog kung saan nakasuga ang mga baka. Binubusog ako ng mga bayabas na gaano man kaliit ay ganun naman katamis.

Masugid kong hinihintay ang oras ng pananghalian, pagkat buong pagmamahal na inihanda ito ng Lola. Madalas nya kaming paglutuan ng tinolang manok na sasahugan niya ng papaya na pinitas sa kanyang puno sa likod bahay.

Lagi nya akong pinapayuhan na “mataba ang lupa anak, huwag mong itapon ang mga buto ng kamatis sa basurahan bagkus ihagis mo sa likod bahay, bumilang ka ng ilang araw at ilang ulan, makikita mong sa susunod na mga buwan, may aanihin ka ng bunga”.

Totoo ang sinabi ng Lola. Madalas na galing sa kanyang mga tanim ang aming sawsawan at sahog sa lutuing ulam.

Sa likod bahay ay may malawak na kapatagan. Nadaramtan ng luntian at rosas dahil sa mayabong ang gumagapang na bulaklak ng makahiya. At sa panahon ng tag-araw kung saan malakas ang ihip ng hangin, madalas kong buyuhin ang mga dahon nito at walang sawa ko silang hahagurin.

May mga araw na tila walang katapusan ang oras. Nakahiga ako sa malamig na damuhan habang pinapanood ang mga ulap na naglalaro sa bughaw na kalangitan, nagpapalit-hugis ang mga ito at nakatutuwang tignan.

Kapag araw ng sabado, dumarating ang aking mga pinsan. Uutusan kami ng lola na mamulot ng mga kuhol sa tabi ng bahay malapit sa taniman ng mga gabi. Doon kasi ito nagkukumpulan sa basang lupa. Pupunuin namin ang mga timba para doon ibabad ang malilit na kuhol. Magpapatuyo rin kami ng mga dahon ng gabi at uutusan ng lola ang ilan sa aking mga tiyuhin na mamitas ng niyog. Ito ang handa para sa araw ng kinabukasan, isang masaya at masaganang salo-salo ng ginataang kuhol at laing para sa kanyang sampung minamahal na anak at hindi mabilang na mga apo.

Matapos ang pananghalian, ihahanda ng aking mga tiyuhin ang malalaking guryon. Ganun din kaming mga kabataan, dala ng may pagmamalaki ang pinagandang saranggola.

Sama-sama kaming pupunta sa gitna ng patag para kulayan ang asul na langit ng nagliliparang saranggola.

Matatapos ang maghapon sa isa pang masaganang hapunan bago magpaalam ang aking mga tyahin, tiyuhin at mga pininsan. At muli pa bago matulog, paulit-ulit kong papangarapin ang susunod naming pagkikita. May kasabikan akong hihintayin ang bagong umaga.

Ito ang ala-ala ng aking kabataan sa panahon ng tag-araw. Ito ang mga kayamanan ng aking isipan na hindi ko makakalimutan kailan man.

Noon, hindi gaanong mahalaga ang telebisyon. Walang PSP, walang internet, walang computer. Pero sa maniwala ka man o sa hindi, napakasaya ng mga panahon ng aking kabataan lalo na sa panahon ng tag-araw kung saan tila ang lahat ng bagay ay kulay berde, dilaw at bughaw.

Hindi ko ipagpapalit ang mga panahon ng patintero, taguan pung, tumbang preso at piko sa Star Craft o Black Ops o DOTA.

Pinakamasarap na putahe ang tinolang manok ng aking Lola at hindi ito maikukumpara sa McDo o KFC.

At masarap pa rin ang bunga ng bayabas, aratilis, makopa o duhat kaysa sa Boy Bawang…diba?

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

1 Reactions:

Nortehanon said...

Ah, mga masasayang araw ng summer! Karamihan sa mga nakasulat dito ay kabilang din sa mga alaala ko. Madalas kong naiisip na sana maranasan din ng mga kabataan ngayon ang kakaibang sayang dulot ng simpleng mga gawaing nakagawian tuwing summer noon.

Post a Comment