Home

1995
Anak, iiwanan mo kami? Ate, mahal na mahal ka namin, Tita, ‘wag ka na pong umalis

Hawak sa dalawang kamay ang maleta. Manhid ang pagkatao, aalis sa lugar na ito para makalimot sa pangungutya ng ibang tao. Ibabaon sa limot na minsan umapak sa kaldasang ito. Gagawa ng sariling buhay, mag-uumpisa sa bagong kapaligiran, malayo sa mapanghusgang kapitbahay, malayo sa bulong-bulungan at hindi na maririnig ang pasaring ng mga nagmamagaling na kababaryo.

Ang landi mo, kung di ka nagpakita ng motibo di sana nangyari sa iyo. Inakit lang niya kami, at pagkatapos humingi ng pera Lalaki sila natural lamang na tumuka kung ang palay nasa kanilang paanan

Mugto ang mata, bakit pati hustisya baluktot na. Bakit iyong dapat na ipinagtatanggol dahil biktima ay naging katatawaan sa harap ng paglilitis. Anong ilalaban, makapangyarihan ang mga nasa harapan. Di ba sapat ang katotohanan para itayo ang dangal? May piring nga ba ang katarungan? At ang kaso ay tinapos sa pamamagitan ng isa pang kahihiyan. Ang ipinaglaban naging katuwaan para sa iilan, naging kwentuhan ng buong barangay. Ganun ba talaga kasama ang sanlibutan? Pera na ba ang labanan?

2008 Makalipas ang 13-taon…
Anak, kukunin ka daw na guest speaker ng inyong paaralan. Umuwi ka ha, umuwi ka na dito sa probinsya. Madaming ng nagbago dito, wala na ang dating naghahari-harian sa bayan natin. Mama, ayaw kung bumalik diyan at maranasan muli ang kahihiyan. Tama na pong nasa malayo ako at nahanap ang buhay na gusto ko. Anak, ipinagmamalaki ka nga ng iyong mga naging guro. Huwaran daw ang pagpupursige mo sa buhay.

Dumaloy ang luha sa pisngi. Ito na ba ang pagkakataon na inaantay upang muling maitayo ang nadurog na pagkatao? Ano pang halaga ng lahat ng kanilang sinasabi kung mismong sarili ang nakasaksi kung paano naging malupit ang mundong kinabibilangan. Handa na ba siya para harapin ang lahat?

Ikinalulugod ko pong ipakilala ang ating panauhin pandangal sa araw na ito. Siya ay hinubog ng paaralan na ito, dito niya natutunan ang magandang asal at ang paaralan na ito ang unang naging saksi sa kanyang angking talino at kakayahan. Siya ay nagtapos bilang valedictorian at naging honor student hanggang high school. Naging scholar ng bayan at madaming karangalan ang dinala sa ating paaralan.

…wala na siyang ibang narinig kundi ang pagtawag ng kanyang pangalan. Nakakabinging palakpakan, mainit na pagsalubong sa kanyang pinagmulan.

Life Realization: There’s no place like home. Sa kabila ng kalbaryo laging may magandang bukas na nag-aantay. Lahat ng pangarap matutupad depende sa pagharap sa bawat hamon sa buhay. Ang nakaraan ay isang pangyayaring magpapatibay sa ating kakayahan para humarap sa dagok ng kapalaran. Pagpapatawad sa mga taong nakagawa ng masama at pagyakap sa biyayang ipinagkakaloob Niya.


► About the Author: Bhing is an OFW, as Caregiver based in Taiwan. A Top 7 Blog Winner of PEBA 2010 on her official entry entitled "Pagsasalamin sa Salitang Pamilya". She writes poems and poetries via her blog Gumamela sa Paraiso. She is now the new Editor-in-Chief and regular columnist for TKJ. ► Read Bhing's previous articles here.



0 Reactions:

Post a Comment