"To be rich is not about money; it is more about your worth as an individual to the extent that you help others succeed, grow and become more than they were previously." - Byron Pulsifer
Batid ko na ang kalalagayan ng buhay namin noon. Alam ko sa aking sarili na hindi kami mayaman, hindi kami kabilang sa mga pamilyang may maginhawang buhay. Nagsimula akong magkaroon ng “insecurities” tungkol sa pagiging mahirap namin noong nag-aaral ako sa elementarya. Karamihan sa mga kaklase ko ay may bitbit na mga lunchbox, samantala sa akin ay supot lamang ng pandesal. Kumpleto ang mga gamit nila sa eskwelahan -- mga naggagandahang mga bag, pencil case, lapis, ballpen at notebook. Samantalang sa akin ay mga pinaglumaan lang din ng mga nakatatandang kong kapatid. Kaya naman ganun na lang ako kainggit sa mga kaklase ko noon.
Lalong lumakas ang aking mga “insecurities” noong nag-high school na ako. Bibihira lang akong bilhan ng nanay ng sapatos. Sa loob ng apat na taon ko sa high school, isang beses lang akong nabilhan at madalas ang suot-suot ko ay sapatos ng tatay o kaya ni Lolo. Basta papalitan lang ni nanay ‘yun kapag nakita n'yang upod na upod na ang swelas, biyak na biyak, at nakakanganga na. Palibhasa binili lang 'yun ni nanay sa tyangge, kaya ganun na lang kadaling masira. Kaya naman inggit na inggit ako sa mga kaklase kong bago ang mga sapatos lalo na ‘yung may tatak pa.
Hindi ako sumasakay sa dyip, kasi nilalakad ko lang ang eskwelahan at bahay namin kahit tirik na tirik ang araw. Naglalakad ako dahil noong minsang sumakay ako ng dyip, nakasabay ko ang mga estudyanteng nasa pribadong paaralan (na kung saan mga mayayaman lang ang nag-aaral). Pagsakay ko sa dyip, akala mong nakakita ng pulubi dahil diring-diri at nagtatawanan pa. May nagsasabi pa na “Ano ba 'yan...amoy araw!!”. Kaya halos manliit ako ng sobra sa kanila. Tawanan sila ng tawanan sa loob. Sino ba ang nakakatawa? Ako ba?
Noong nagkolehiyo naman ako, inggit na inggit pa rin ako sa mga kaklase kong magaganda ang mga bag at sapatos. Sa akin biyak pa rin ang sapatos ko, at ang bag ko ay napaglumaan naman ng kuya ko. Kaya para makaiwas sa panunukso ng mga kaklase tungkol sa aking sapatos, bumili na lang ako ng mumurahing sandals at nagsasandals na lang ako na may medyas. Kaya noong minsang nakita ako propesor na nagsusuot ng sandals agad nya akong sinita.
Wala kaming computer noon, at nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo noong nakahawak ako ng computer. At nanginginig pa akong gamitin ang computer dahil baka masira ko lang. At madalas kapag may term paper ay sa makinilya (o typewriter) ko ito ginagawa. Ang baon ko noon ay 50 pesos lang at 40 pesos ang pamasahe. Kaya ang sampung piso ay pilit kong pinagkakasya sa loob ng isang araw. Minsan fishball at kwek-kwek lang ang kinakain ko makatawid lang sa gutom. Kaya sobrang awang-awa ako sa sarili ko noon. Dahil kahit minsan hindi ko naranasang maging mayaman, kahit minsan hindi ako nakaramdam ng ginhawa sa pag-aaral.
Subalit sa awa ng Dyos, nakatapos ako sa pag-aaral at dagliang nabigyan ng oportunidad dito sa Saudi Arabia. Kaya heto ngayon ako, nagsisikap at pilit na binibigyan ng kaginhawahan ang aking mga magulang sa abot ng aking makakaya. Aaminin ko na kung sarili ko lang ang iisipin ko, marahil mayaman na ako. Pero dahil ayaw kong maranasan ng aking mga kapatid ang hirap na naranasan ko noon. pinipilit kong suportahan ang kanilang pag-aaral at kalimutan panandalian ang mga kagustuhan ko sa buhay.
Sinagot ko ang lahat ang gastusin ng apat kong kapatid sa kolehiyo. Mahirap pero pilit kong kinaya. Sinisikap kong hindi sila nakaramdam ng kagipitan sa araw ng enrollment, at ayaw ko ring naranasan nilang magbaon na halos pamasahe lang . Pinupursige ko na ipatikim sa kanila ang mga hindi ko naranasan noong ako’y nag-aaral pa. Lahat ng gastusin nila sa kanilang pag-aaral ay pilit kong pinupunan.Bago lagi ang kanilang mga sapatos at bag kada taon. Binilhan ko rin sila ng LAPTOP para magamit nila sa kanilang pag-aaral. Ayokong maranasan nila ang hirap ko noon para magpasa lang ng mga research at term paper Ayokong problemahin nila ang gastos sa pag-aaral maging ang kanilang mga gamit . Ang tanging gusto ko ay mag-aral lang sila para maabot nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Nakaka-proud lang na nakakatatlo na akong napagtapos sa pag-aaral. Ang isa ay nakatapos ng “arkitekto” at nagtatrabaho sa malaking kumpanya sa Maynila. Yung isa naman ay “inhinyero” at kasalukuyang nagtatrabaho na rin sa isang sikat na kumpanya sa Quezon City. At ang kapatid kong “nurse” ay nagkapasa sa board exam at kasalukuyang ding nagvo-volunteer sa isang pampublikong ospital. Kahit paano ay nakakatulong na rin sila sa aking mga magulang. At ang huli ay kumukuha din ng “Nursing” at makakatapos na sa darating na Marso.
Sa tuwing sinasabi nilang “KUYA MARAMING-MARAMING SALAMAT”, gusto kong mapaiyak sa sobrang sarap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahan. Alam ko sa ‘king sarili na kahit paaano naging bahagi ako ng tagumpay nila sa buhay. Pakiwari ko’y naging parte din ako ng kanilang kinabukasan.
Hindi man ako mayaman, hindi man ako nagkaroon ng maraming pera ngayon. Masaya na ako na makatanggap ng simpleng pasasalamat mula sa aking mga kapatid na labis kong pinagmamalaki. Sapat na sa akin yun! Parang lahat ng pagod, sakripisyo, paghihirap at kalungkutan ko ay talagang sulit na sulit! Kaya masasabing kong……..MAYAMAN AKO.
Sana’y ito’y pagkunan din ng inspirasyon at pag-asa ng kapwa ko OFW. Pag-asa na huwag sumuko sa buhay at pilitin abutin ang kanilang mga pangarap. Tulungan din kapwa mahal sa buhay patungo sa magandang kinabukasan. Tayong mga OFW ay isang buhay na patotoo ng pag-asa ng ating pamilya. Hindi man tayo maging mayaman sa pinansyal na aspeto, naging mayaman naman tayo sa dangal at pagmamalaki ng mga mahal natin sa buhay. Gamitin ang bawat lungkot at pangungulila bilang mga sandata tungo sa ikatatagumpay, hindi lamang ng ating mga sarili ngunit maging ng ating pamilya at mahal sa buhay. Totoo nga na tayong mga OFW ay isang KAYAMANAN . Kayamanan tayo ng ating pamilya at mayaman din tayo sa pag-asa, pagmamahal at dangal.
MABUHAY PO TAYONG MGA OFW!
Ingat po.
Drake
► Read Drake's previous articles here.
7 Reactions:
sumasaludo sa tapang at pagppursige para maabot ang iyong pangarap.
"Sana’y ito’y pagkunan din ng inspirasyon at pag-asa ng kapwa ko OFW. Pag-asa na huwag sumuko sa buhay at pilitin abutin ang kanilang mga pangarap. Tulungan din kapwa mahal sa buhay patungo sa magandang kinabukasan. Tayong mga OFW ay isang buhay na patotoo ng pag-asa ng ating pamilya"
Astig parekoy! pinaiyak mo na naman ako sa makabagbag damdamin mong istorya :D
Walang halong biro pre, Saludo ako sayo!
saludo ako sa pagmamahal mo sa pamilya mo. your heroic deeds will never be forgotten. God bless you+
Very inspiring. Marami ka na ngang accomplishments, Drake. Congratulations!
Mayaman ka.
Sa panuntunan ng langit, sa mata ng Diyos at sa lahat ng makakabasa ng akda mo, mayaman aka.
Saludo ako sayo Drake!
Maraming salamat po sa inyong mga kumento! Lubos po ang aking kasiyahan.
Sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na naitulong ko sa aking pamilya, labis akong nagpapasalamat sa Dyos dahil ginamit nya akong daluyan ng biyaya para sa aking pamilya.
Hindi ko maaaring angkinin ang mga bagay na ito dahil Sya ang dahilan kung bakit ko nagawa ang mga ito!
Maraming salamat po sa lahat ng nagkumento, batid ko na tayo totoong dangal ng bayan at kayamanan ng ating mahal sa buhay!
Ingat po
Post a Comment