Kasal, kasalan, kasalanan

Kasal

Will you, ang tanong mo sa kanya habang
nakatungo at lihim na nagdarasal na
sa wakas ay 'oo' na ang sagot n'ya dahil
matagal ka na ring naghintay, marry me?

Parang ilang oras ang lumipas dahil tahimik syang
nakamasid sa iyo na waring walang narinig.
Hanggang basagin ng isang matamis na ngiti
ang kanyang mukha, sabay sabi'ng: Yes.

Ilang taon din kayong naghintay.
Ilang taon ding ligawan ang naganap.
Ilang pagkakataon din ang pinalagpas,
Upang ang dalawang dibdib ay maging isa.

Ilang paulit-ulit na beses ding binago ang petsa;
Ilang ninong ang paulit-ulit na inilista;
Ilang bisitang pinagkasya sa maliit na budget;
Hanggang sa magsawa kayo at sabihing...let's take the plunge!

And plunge you both did!



Kasalan

Do you, sabi ng pari habang nakatingin sa 'yo,
take her as your lawfully-wedded wife?
Medyo umehem ka pa ng kaunti upang
hindi ka mapiyok sa pagsagot: Opo.

At medyo may kaba ka sa dibdib nang
ang esposo mo ang tinanong.
Sa likod ng isipan mo'y bigla sya'ng uurong.
Napangiti ka ng sabihin n'yang: Opo.

Heto na nga ang pinakahihintay mo,
ang marinig ang Wedding March ni Mendelssohn;
ang tumayo sa may altar at pagmasdang
naglalakad ang sintang minamahal.

Hayaan mo nang malaki ang gastos sa reception,
dahil minsan lang naman ito sa buhay.
Hayaan mo na ring sa inyo muna kayo pipisan,
dahil mahal umupa ng bahay.

Mahal n'yo naman ang isa't-isa, 'di ba?
Sapat na 'yun. Labis-labis pa nga.
Madadaan naman ang lahat sa pagmamahal,
At sa pangakong hindi mo s'ya iiwan.

Kasalanan

Sa paglipas ng panahon, waring
lumipas na rin ang pakiramdam.
Wala na'ng excitement sa tuwing s'ya'y
pinagmamasdan mo. Naiinis ka na nga minsan.

Wala na rin ang kanyang lambing,
at matatalim na ang kanyang titig. May pangungutya.
Maingay na rin ang dati mong mundo,
dahil sa nagsisigawang mga paslit. Gutom.

Kapwa pigil ang ngitngit sa inyong ulo.
Sumasabay pa rin ang sikmurang kumakalam.
Nasaan na nga ba ang sinumpaang pag-ibig?
Bakit kay bilis lumipas ng init?

Kaninong kasalanan kung hindi kayo masaya?
Ikaw na nakikiuso sa salitang promiscuous?
O s'ya na piniling maging losyang sa
pag-aalaga ng iyong mga anak? Ikaw ba yan Bona?

Hindi pa huli ang lahat, maliit pa sila.
Hindi ka pa nila kayang kamuhian.
Kaya magpakalalaki ka, Kuya.
Harapin mo ang pinili mong buhay.

Mula sa kasal ang salitang kasalanan.
Pero mula rin sa kasal ang salitang kasalo.

► Basahin mo rin ang iba pang mga akda sa dating sipi ng Kablogs Journal.

0 Reactions:

Post a Comment