Sampung Di Malilimutang Karanasan Sa Aking Bakasyon sa Pinas

Nagbakasyon ako noong December 2009 sa Pilipinas. Ito na ang aking ika-apat na pagbabakasyon sa Pilipinas magmula ng pumunta ako sa Saudi Arabia. Subalit, ito naman ang aking unang pagkakataong magpapasko ako sa ‘Pinas bilang isang balikbayan. Narito ang " Sampung Di Malilimutang Karanasan sa Aking Bakasyon sa Pinas".

Just sit back and relax, kunin na ang popcorn…………ready………. heto na!

10. Sa wakas, ‘Pinas na!
Lumapag ang eroplano naming Cathay Pacific ng 5:45PM sa NAIA. Syempre, sayang naman 'yung kumot na pasunod sa eroplano kaya pinasok ko ‘yun sa aking bag. Kung puwede nga lang bang iuwi ‘yung headphone baka inuwi ko na rin iyon, kaso masungit si Ateng Stewardess kasi hindi daw inuuwi 'yun (sabay taas ng kilay). 'Yung medyas lang daw at saka 'yung toothpaste ang libre.

Sinubukan kong gamitin ang “charm” ko kay Ateng Stewardness kaso wa epek pa din. Hindi sya nakyutan sa akin, kasi hindi ko pa rin nai-uwi yung headphone. Kaya nakipag-agawan na lang ako sa kanya, pero dahil eroplano nila iyon, nagwagi s’ya sabay takbo malapit sa piloto (Sunget!!! Mukhang nagsumbong pa yata si ate). Pero nakaganti naman ako sa kanya kasi kinuha ko yung sabon saka yung hand sanitizer doon sa loob ng toilet ng eroplano. Utakan lang yan! Akala nya ha!

9. Pagsundo
Dahil masyadong excited na excited ang aking mga kapatid na makita akong muli, hayun…..…..LATE sila! Nag-intay pa ako ng dalawampung minuto bago sila dumating kaya halos tinubuan na ako ng ugat at namunga na ako ng bayabas at kaymito bago sila dumating (pero alam ko namang lab na lab naman nila ako pero hindi nga lang nila pinapahalata sa akin). Kaya naman, pagkakita sa akin, dali-dali silang nagtatakbo at niyakap ang aking…….….dyaran………..… balikbayan box! Halatang-halata ang pag-aalala nila sa balikbayan box ko kaysa sa akin. Pero okay lang dahil pagkatapos makita ang balikbayan box ko, saka naman nila ako niyakap at kinamusta. Ang sweet sweet talaga nila, sarap pagbabatukan sa panga!

8. Ang balikbayan box
Syempre hindi ka OFW kung wala kang uwi-uwing balikbayan box. Pagbukas ng balikbayan box ko mistula silang nakakita ng multo “Kuya. sabon na naman?! Eh taon-taon na lang, puro sabon ang inuuwi mo!” Syempre sinagot ko sila, “Okay na yan kaysa naman sa chocolate, mahal kaya ‘yun ngayon saka mas matagal ang buhay ng sabon. Ayaw n'yo' yun habang nagkukuskos sila ng libag sa katawan, eh ako pa rin ang naalala nila?” (sabay beautiful eyes). Pagkasabi ko n'yan, umalis na 'yung kapatid ko sabay bulong ng “...mabango pa nga ang Safeguard d'yan eh!” Damuhong 'yun pakainin ko kaya s’ya ng sabon!

7. Si Santa Claus
Dahil Pasko noon, ang akala yata ng mga kamag-anak namin ay nag-migrate na si Santa Claus sa Saudi Arabia. Bakit kamo? Eh kasi kahit saan ako mapunta laging “Pengeng aguinaldo!” ang maririnig mo sa aking mga kamag-anak. Yung iba hindi ko naman talaga kamag-anak pero nakikihingi rin (kay titigas ng mukha). Akala yata nila ay umuutot ako ng pera sa Saudi? Pero dahil Pasko naman binigyan ko pa rin sila ng tig-bebente (aba malutong naman yun) pero 'yun nga lang, masamang-masama ang loob nila sabay parinig ng “Parang hindi nag-abroad… kay kuri-kuripot!” (Salamat naman sa papuri n’yo! Gusto n’yong sipain ko kayo sa gilagid?!)

6. Masikip na Mall
Dahil Pasko noon, halos hindi mahulugang kulangot este karayom ang loob ng mga malls sa Pilipinas. Kaya paano ka naman maniniwala sa mga survey na maraming mahihirap sa Pilipinas? Parang hindi naman halata! T’yak din tuwang-tuwa ang mga holdaper, snatcher at Salisi Gang dahil tiba-tiba sila noong Kapaskuhan.

Halos lahat din ng kainan eh punong-puno. Ang Jollibee mistulang may Palarong Pambansa sa dami ng tao sa loob (nagbabalyahan pa nga mauna lang sa pila). Pati sosyaling mga restaurant punong-puno din! Kaya naman bumili na lang ako ng mamon sa tindahan saka samalamig na lasang tubig lang na may asukal. Sabi ni ateng tindera, pineapple juice daw yun! Ano yun imagination lang?!

5. Sa enkantong kaharian (Enchanted Kingdom)
Dahil medyo nag-iisip bata ang mga kapatid at kabarkada ko, nagpadesisyunan nilang mag-fieldtrip sa Enchanted Kingdom. Sa dami ng tao sa loob ng theme park, halos isang oras kang pipila sa mga dyaskeng rides na yan. Hindi ko naman makita ang sense kasi mukhang hihiluhin ka lang at hahalukayin ang sikmura mo ng mga “rides” na ‘yan. At ang masakit pa n’yan matapos mong pumila nang kay haba-haba at kay tagal-tagal, aabutin lang ang rides ng tatlong minuto (di sulit). Kaya n'ung niyaya ako ng mga kapatid kong sumakay pang muli sa ibang rides, hindi na ako sumama. Iikot na lang ako ng tatlong minuto saka kakain ng chippy. Same effect lang din naman.

4. Reunion
Dalawang reunion ang napuntahan ko. Ito ay ang reunion namin ng mga kaklase ko n'ung hayskul at reunion naman ng mga kaklase ko sa college. Nagkainan lang kami ng mga kaklase ko na yan. Kwento-kwentuhan ng mga kagaguhan noong estudyante pa kami. Sariwain kung sino ang mga titser o propesor na talagang nage-epal sa amin noon at balikan ang mga kaklase naming nagkaroon ng tatak sa amin.

Katulad ni Boy Tubol (kasi natae sa iskul), Neneng Kuto (kasi parang hacienda ng mga kuto ang anit nya), si Mimi Nguso (kasi sipsip sya sa mga titser), si Totoy Pigsa (dahil nagka-pigsa s'ya sa kilkili at pumutok 'yun habang recitation), si Karen Dukleng (kasi lagi s'yang binabato ng eraser dahil sa kadaldalan n'ya, nadukleng tuloy), at si Teteng Kabayo (hindi dahil kasing laki ng “ano” n’ya ang “kwan” ng kabayo, kundi dahil ang totoo n’yan, mukha lang talagang kabayo si Teteng! Dahil sa kanya, napahiya si Charles Darwin dahil hindi talaga galing sa unggoy ang mga tao, ang iba galing din sa kabayo! Nagpapatunay d’yan ang existence ni Teteng! Hehehe.).

3. Inuman at galaan
Hindi makukumpleto ang bakasyon ng isang OFW kung walang inuman. Dahil nga bawal ang alak sa Saudi (sabi lang nila) kaya naman ito na ang pagkakataon kong lumaklak nang lumaklak ng galun-galon na beer na walang manghuhuling pulis (sa ‘Pinas naman kasi, pulis pa ang kainuman mo… lakas pang mamulutan! Fiesta?!) Isa pa, tila isang “invisible agreement” na ‘yon na kapag OFW ka, otomatik na magpapainom ka. Inimbita ko lahat ng kumpare, kaibigan, kapitbahay, kapamilya, kapuso at ka…………... kapal ng pagmumukha… may sumama sa inuman ng hindi ko iniimbitahan. KAPAL NG MUKHA N’YO MGA TSONG!!! Pero okay na rin.

Nagpunta rin ako sa mga gimik bars sa may The Fort, Cubao, Quezon Avenue at kung saan-saan pa. Pagkakataon ko na itong ubusin ang aking kapangyarihan sa pagsayaw at ipamalas sa kanila ang aking mga “THE MOVES” na mukhang may epilepsy lang at nakakasinghot ng pinulbos na pakpak ng ipis.

2. Binyag ang aking pamangkin
Sinakto ng kapatid ko ang pag-uwi ko sa Pinas sa binyag ng aking pamangkin. Syempre naman kailangan daw nila ng isang titong guwapo, mabait, matalino, at habulin ng mga chicks…………... at AKO 'yun (wala nang iba pa) para gawing ninong (eh kaswerte-swerteng bata! Huwag kang umepal d'yan, ako bida dito okay!).

Masaya ang naging binyagan ng pamangkin ko dahil kumpleto ang buong angkan namin. Nagmistula tuloy na “family reunion” ang nangyari kaya masayang-masaya naman talaga. At sa wakas nakakain uli ako ng….. drumroll please……….LITSON (bawal kasi sa Saudi eh), kaya naman hindi ko na inaksaya ang pagkakataon. Nilusob ko na at kinain ang tenga ng litson. Masarap at malutong-lutong (may tutuli pa nga ako'ng nakain eh, KORNI). Pagkatapos ay nagpapiktyur-piktyur pa ako sa litson (artista??) para naman takamin ang mga ka-trabaho ko sa Saudi.

1. Ang aking pamilya
Ito ang aking numero uno kasi kahit ano pa ang naranasan ko sa aking bakasyon, ang pagkakataong makasama ko ang aking pamilya sa Pasko at Bagong Taon ang isang bagay na hindi ko makakalimutan. Ito ang unang Pasko at Bagong Taon na magkakasama kami at kumpleto mula nang mag-abroad ako. Lahat ng gastos, pagod at kung anu-ano pa ay napalitan ng saya dahil magkakasama kami sa mahalagang okasyon na ito. Hindi talaga mapapalitan ng kahit ano ang kasiyahan na makasama mo muli ang iyong pamilya.

Masarap balikan ang magagandang alaala na 'yan. Iyan ang mga bitbit ko sa aking pagbalik dito sa Saudi. Natutuwa ako na ang tatlumpong araw na pagbabakasyon ko sa Pilipinas ay naging masaya at makabuluhan. Aaminin ko, naho-homesick pa rin ako. Kahit na sabihin nating apat na beses ko nang ginagawa ang pagbabalik-bayan at pangingibang-bansa, hindi pa rin yata ako masasanay sa pagsasabi ng “goodbye”. Iba talaga ang bigat nang nagpapaalam at masakit pa ring isipin na iiwan mo ang pamilya at mga kaibigan mo sa Pilipinas.

Pinipilit kong palitan ang aking pangungulila ng mga masasayang alaala ko sa Pilipinas. Okay na ako doon, masaya na ako na balikan na lang sila sa aking ala-ala. Alam kong darating din ang araw na hindi ko na kailangang magbakasyon pa sa Pilipinas dahil sa Pilipinas na ako mananatili habambuhay. Kahit ano pa ang sabihin nilang hindi magagandang bagay tungol sa Pilipinas, para sa akin wala nang mas sasarap pa kundi ang makasama mo ang kapamilya, kaibigan, dating ka-eskwela, at kapwa mo Pilipino sa bansang ating atin. Sa Pilipinas ako isinilang at sa Pilipinas din ako mamamatay! Ganyan ko kamahal ang ating bansa.

Iyon lamang po! Salamat iyong oras at magandang araw.

Basahin ang mas elaborate na kwento ni Drake tungkol sa kanyang bonggang-bonggang bakasyon sa Pilipinas sa kanyang kwarto, este, blog. Eto ang mga eksena: 1, 2, 3 at ang huling hirit. Talaga namang tatawa ka ng malakas at siguradong macu-curious ang katabi mo kung bakit. Iisipin nilang nababaliw ka na.

Eksena 1Eksena 2Eksena 3Eksena, ang huling hirit

Si DRAKE ay isang blogero na may malikot na utak at malawak na imahinasyon. Naglalayon na sa pamamamagitan ng kanyang mga karanasan, ideya, at kaisipan ay makapagbigay ng aliw at inspirasyon sa iba lalo na ang katulad nyang OFW. S'ya ay kasalukuyang nagtatrabaho sa bansa ng mga kamelyo at disyerto, ang Saudi Arabia.

4 Reactions:

mommy ek said...

nakaktouch nman tong post mo! I lovett!!! namimiss ko na tuloy umuwi ng Pinas! at tama k nman tlang walang ibang masarap pag-stayan kundi ang lugar kung nasan ang family and friends nten!

darklady said...

wow naman!! congrats kuya drake dahil nasama dito ang post mo.

May hidden talent ka pala sa pagsasayaw.hehehe.."yeah! party people!!! " ^_^

Mac Callister said...

a very funny and encouraging post!i enjoyed it!thanks for posting

lhay said...

napasaya mo q sa post na 2..
mukha qng ewan, tumatawa mg-isa..
sana lng di isipin ng mga ofismates q
na may sayad aq..

thnx for sharing your experience thru your blog..

lavet!

Post a Comment