Showing posts with label SuperGulaman. Show all posts
Showing posts with label SuperGulaman. Show all posts

Times of Your Life

0 Reactions



Good morning, yesterday,

You wake up and time has slipped away,

And suddenly it's hard to find,

The memories you left behind,

Remember, do you remember?

Pananabik sa Tag-init

1 Reactions

"A lot of times, what we pray for takes a while to come. In these situations we can know that we have faith when we have the patience to wait. We should have the same patience for everything we believe God for…" -Anonymous

Pebrero 28, 2011

Maaaga akong gumising sa araw na ito. Nakangiting bumangon kahit na nangangatog sa lamig. Kinuha ko ang pulang panulat at tumungo sa kalendaryong nakasabit sa dingding. Minarkahan ng ekis ang numero 28. Ngunit napakunot noo ako at nagtaka.

"Nasaan na yun?" mahinang bulong ko sa sarili.

Kinakabahan na baka pinaglaruan ako ng maligno at inalis nila ang hinahanap ko.
“Ay tanga, wala nga palang 29 at 30 ang Pebrero", napangiti ako ulit habang kinukusot ng bahagya ang likurang bahagi ng ulo.

"March 01 na pala bukas!, Tag-init na! Yahoo! Uuwi na ako sa wakas!" sigaw kong malakas sabay lundag sa kamang hinigaan.

Tumalon-talon hanggang mapagod, bumagsak sa kama ngunit nakangiti pa din sa labis na pananabik sa pag-uwi.

Makalipas ang sandali tumungo na din ako sa palikuran. Ibinuhos ang lahat ng sama ng tyan at pantog. Ang sarap, magaan sa pakiramdam. Kasinggaan ng pakiramdam ng matapos ko ang aking kontrata sa trabaho. Ang totoo nyan, may kontrata pang nakaabang kapalit ng luma kong kontrata. Ngunit tinanggihan ko na iyon. Gusto ko ng umuwi ng Pinas. Maramdamang muli ang ihip ng hangin mula sa dalampasigan. Kumain ng mangga, matikman muli ang luto ni Inay, makalaro ang mga batang makukulit na si Boyet at Danica, umakyat sa puno ng buko, ipastol si kalakian at pumasyal sa plaza kasama si Maria.

Mahigit sa 3 taon na din ako dito sa Italy. Halos nasanay na nga din ako sa klima dito. Iba ang kultura pero mababait naman ang mga Italyanong nakasama ko sa trabaho. Ang totoo niyan, sanay na ako sa takbo ng buhay dito, ibang-iba sa Pilipinas. Kung tutuusin malayong-malayo ang ekonomiya ng Italya kumpara sa Pinas. Higit na magaan ang takbo ng buhay dito pero hinahanap-hanap ko pa din ang buhay sa Bayan ni Juan. Para akong batang umalis at namasyal sa mall. Kumain ng masasarap sa mga fastfood. Naglaro at naglibang. Ngunit sa kabila ng mga kasiyahang iyon, naiinip din ako at hinahanap ang kinagisnan-- ang aming bahay, ang Pilipinas.

Ilang minuto ang nakalipas, lumabas na din ako ng palikuran. Dumiretso sa pinaghigaan. Naupo. Yumuko ng bahagya at kinapa ang maletang puno na ng alikabok. Hinatak ito palabas sa ilalim ng kama.

"Ang dumi mo na, pero wag kang mag-alala uuwi na din tayo", nakangiting kinakausap ang maleta habang pinapagpag ito.

Limingon ako sa kanan, sinipat ang laptop. Dali-dali kong binuksan iyon at muling binalikan ang ilang mga larawan sa masaya kong pananatili sa Pilipinas noon. Pinagmasdan ko ang larawan ng dalawang taong magkaakbay habang naglalakad sa tabi ng dagat. Nakangiti silang dalawa, bakas ang kasiyahan at galak sa puso ng dalawa. Napangiti din ako.

"Bukas, Maria magkikita na din tayo at hindi na kita iiwan kahit kailan", mahinang bulong ko sa sarili.

Click.

"Ang saya naman nila. Sana nandun din ako", sinasabi ko sa isip habang pinagmamasdan ang mga larawan ng mga taong kumakain sa ilalim ng kubo sa may dalampasigan.

Sina Itay, Inay, ang dalawa kong makukulit na kapatid na sina Boyet at Danica, at ang pinakamamahal kong si Maria, sila ang mga dahilan ko kung bakit iiwan ko ang magandang buhay dito sa Italy. Aanhin ko ang magandang buhay dito kung hindi ko naman kapiling ang mga dahilan ng pagngiti ko sa araw-araw. Kaunting tiis na lang makakasama ko na din kayo.

Mula sa pagkakaupo, muli akong nahiga. Pumikit. Inisip ang ganda ng dalampasigan. Dinama ang ihip ng hangin sa kabila ng init sa katanghaliang-tapat. Inilarawan sa isip ang masayang paglalaro ng aking dalawang kapatid habang nakikita si Maria sa gilid ng kubo na nakatunghay sa dalawa at tuwang-tuwa sa kulitan nila. Sa tabi ng dagat, makikita sina Itay at Inay na nakaupo habang masayang pinagmamasdan ang mga ibon na kumukuha ng pagkain sa dagat. Lalapit ako kay Maria at hahagudin ang kanyang malambot na buhok. Aakbay sa kanya at iaabot ang aking kamay. Aaakma akong isasayaw sya sa saliw ng musika ng hampas ng alon sa dalampasigan. Ngingiti si Maria at yayakap ng buong higpit. Bibitiw ako at doon ko sya hahagkan ng buong pagmamahal at pananabik.

Kruuuuuuggg...kruuugggg...

Nagulat ako sa ingay ng aking sikmura. Napatitig sa orasan. Ala-una pasado na pala. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako ulit. Dagli kong tinungo ang kusina. Mabilis na nagluto. Kumain. Iniayos ang mga gamit sa maleta. At nang matapos ang lahat ng iyon, bumalik muli ako sa pinaghigaan. Tinitigan ang orasan. Binantayan. Baka may mga malignong luko-luko at pahintuin ang pagpitak nito.

Nakangiti. Naiinip pero handang maghintay.

"Pilipinas, humanda ka! Babalikan ka na ni Angelo! Hayaan mo akong damhing muli ang saya sa tag-init na iniaalay mo sa nanabik kong puso."

► About the Author:
SuperGulaman a.k.a SuperG is a writer-researcher and statistician of an Online Writing firm based in the Philippines . He is a graduate of Bachelor of Science in Mathematics and a registered teacher. SuperG is also a blogger and writes both fictional and non-fictional stories through his blog www.SuperGulaman.com using his native language - Filipino.
► Read SuperG's previous articles here.

Puso Ng Mga Halimaw

4 Reactions
by : SuperGulaman


Alas-dose na ng hatinggabi. Payapa ang lahat.

Babasagin ito ng iyak ng ibon mula sa kagubatan at kasabay din niyon ang sunod-sunod na unggol at alulong ng mga asong gubat.

Nakakapanindig ng balahibo ang sumusunod na eksena. Nagsimula ng bumangon mula sa pagkakahimbing ang mga engkanto, taong lobo, tiyanak, aswang, bampira, tikbalang, manananggal, at iba't ibang nilalang at lamang-lupa upang gumala sa bayan ng San Martin. Gumala upang makasila ng tao o mas mahinang nilalang na maaaring mailaman sa sikmura.

Mula sa masukal na kagubatan, lumabas sa kanyang lungga si Vanessa, ang babaeng ahas. Nakita nya ang batang tikbalang at mabilis nya itong nilingkisan. Mabilis at mahigpit na ipinulupot ang kanyang buntot sa buong katawan ng batang tikbalang. Ilang saglit lang, wala ng buhay ito. Nagsimula na si Vanessa na lurayin ang katawan ng batang tikbalang. Kinain ang mga lamang loob maliban sa puso. Maingat na inilagay ni Vanessa ang puso sa garapong bitbit at mabilis na umalis patungo sa plaza ng bayan ng San Martin.

Sa gitna ng kagubatan, may mga ilang pagyanig na naramdaman malapit sa kastilyong pinamumugaran ng mga bampira. Bumuka ang lupa upang bigyan daan ang paglabas ni Santina. Si Santina ang isa sa mga apo ni Satanas na tumatakas pa mula sa impyerno upang makipagtagpo sa kanyang kasintahan sa ibabaw ng lupa.

Sa loob ng kastilyo, masayang nagdiriwang ang mga bampira maliban kay Benjo. Si Benjo ay ang kasintahan ni Santina na iba din sa pangkaraniwang bampira.

"Devon, gisingin mo na nga ang kuya Benjo mo. Sabihin mo, nandito si Santina at hinahanap siya", ani ng kanilang inang si Minerva.

"Mama, hayaan mo na nga ‘yang si Kuya, lagi kasi siyang nagpupuyat sa umaga kaya kung magising halos madaling-araw na", padabog na sabi ni Devon.

Iba sa lahat ng bampira si Benjo. Hindi siya umiinom ng dugo ng tao. Tanging dugo lamang ng mga ligaw na hayop ang kanyang nagsisilbing pamatid-gutom at uhaw. Bukod doon, may kakayahan si Benjo na maglakad sa ilalim ng sikat ng araw dahil na rin sa kanyang taglay na puso. Sa lahat ng bampira, si Benjo lamang ang may puso.

"Tita Minerva, ako na lang po ang gigising kay Benjo", magalang na sagot ng apo ni Satanas.
"Sige, Santina ikaw na ang bahala", tugon ni Minerva.

Masayang tinungo ni Santina ang kwarto kung saan nakaluklok ang kabaong na nagsisilbing pahingahan ni Benjo. Habang lumalakad sa pasilyo, masayang pinaglalaruan ni Santina ang kanyang buntot na nanabik na muling makasama ang kasintahan.

Inangat ni Santina ang bukana ng kabaong at bahagyang inuyog ang nakahimlay.

"Benjo, gising", marahan nyang sabi.

Iminulat ni Benjo ang mata at natunghayan ang maamong mukha ng demonyita. Napangiti sya.

"Pasensya na ha? Napuyat kasi ako kaninang umaga sa panghuhuli ng baboy-ramo. Anong oras na ba?”, tanong ni Benjo.

"Ummm, mag a-alas-tres na din. Gusto mo mamasyal tayo? Punta tayo sa plaza?", nakangiting yaya ni Santina.

"Sige, pero sandali lang kakain lang ako. Gusto mo bang sumabay?" tanong muli ni Benjo.

Umiling lamang si Santina.

"Ah. Oo nga pala hindi ka pala nakakaramdam ng gutom. Kaya kapag naging mag-asawa na tayo tipid tayo sa paghahanap ng pagkain. Hahahaha!" humahalakhak na sabi ni Benjo.

Makailang saglit lang, matapos makapagpaalam kina Minerva, umalis na ng kastilyo ang dalawang magkasingtahan. Masayang naglalakad sa mapanganib na kagubatan ang dalawa. Hindi nila alintana ang mga nagpapatayang mga halimaw sa paligid at hindi din naman sila ginagambala ng mga ito. Sa kabila ng matindng pagnanais ng mga halimaw na makuha ang puso ni Benjo, hindi nila ito magawa dahil batid nila ang kapangyarihan ni Santina, ang apo ng hari ng kadiliman.

Ligtas na nakarating ang dalawa sa plaza ng San Martin. Tahimik ang buong plaza habang nakatunghay ang liwanag ng buwan. Sa di-kalayuan matatanaw ang simbahan ng San Martin. Tila ba ang buong magdamag sa plaza ay paraiso kina Benjo at Santina. Paraiso para sa mga itinuturing na halimaw ng kapwa halimaw at ng tao. Tumayo si Benjo sa isang mataas na bato sa plaza habang sinisipat ang simbahan. Sumunod si Santina sa kanya. 

Anong tinitignan mo Benjo?" tanong ni Santina.

"Ang simbahan.", maikling tugon ni Benjo.

"Simbahan? Anong meron sa simbahan?" tanong ulit ni Santina.

"Kung magagawa ko lang makalapit at makapasok sa simbahan Santina, gusto kong makapagpakasal tayo diyan. Kung hindi lang ako ganito, kung hindi lang ako bampira, ipahahayag ko sa buong mundo at sa Diyos ang pagmamahal ko sa iyo.", sagot ni Benjo.

"Alam mo Benjo, gusto mo bang pumasok talaga diyan? Gusto mong subukan? Hindi ko lang sinasabi kay lolo na nakapapasok na ako ng simbahan. Simula ng makita kita at malaman ko na mahal kita, nagawa kong makapasok dyan", paliwanag ni Santina.

"Ha? Hindi ko alam pero bakit hindi ko nga subukan?" ani Benjo.

"Natatakot ako Benjo. Paano kung mamatay ka sa pagpasok sa simbahan? Hindi ko kakayanin na mawala ka sa buhay ko." maluha-luhang sabi ni Santina.

"Ok lang ako, para sa iyo, para sa pag-ibig ko sa iyo. Magtiwala tayo", sagot muli ni Benjo.

Tumango lamang ang dalaga at sabay na nagtungo sa simbahan. Sa tapat ng simabahan, dahan-dahang lumapit si Benjo habang inaalalayan sya ni Santina. Pero laking gulat nya ng wala siyang maramdamang panganib sa kanyang buhay sa paglapit nya sa simbahan. At dahil doon, masaya nilang dalawang tinungo ang altar sa simbahan at nagpasalamat.

Matapos ang ilang saglit, lumabas ang dalawa sa simbahan at bumalik sa plaza. Ang ‘di batid ng dalawa, nakatunghay sa madilim na bahagi ng plaza si Vanessa. Nakita ni Vanessa ang pagpasok at paglabas ng dalawa sa simbahan. Nagtataka, kaya masusi silang minatyagan. 

"Alam mo Benjo, ang pagkakaroon natin ng puso ang dahilan kung bakit tayo nakakapasok sa simbahan. Ito din siguro ang dahilan kung bakit din tayo nakapaglalakad sa ilalim ng araw", pahayag ni Santina.

"Oo, yan din ang naiisip ko. Salamat sa Kanya", sabi ni Benjo

Nadinig ito ni Vanessa at mabilis syang bumalik sa pusod ng kagubatan. Doon, pinaslang niyang lahat ang mga halimaw na may puso at kinuha ito. Bumalik siya sa bayan ng San Martin, naghagilap ng ilang taong masisila upang makuha ang puso na ninais nya para sa dagdag na kapangyarihan.

Sa harap ng simbahan ng San Martin, kinain ni Vanessa ang lahat ng nakalap nyang mga puso at sinubukan nyang lumapit sa simbahan. Dahan-dahan ngunit malayo pa lang ramdam nya ang panganib sa kanyang buhay. Unti-unti syang nasusunog kung kaya nagmadali syang lumayo sa simbahan. At dahil sa pagkabigo sa balakin, galit na galit nyang hinagilap sina Benjo at Santina.

"Alas-singko y media na ng madaling araw, ilang oras na lang at susulyap na si haring araw. Kailangan kong madaliin ang paghahanap sa dalawa para maangkin ang kanilang mga puso at kung hindi mahihirapan akong makuha sila", bulong ni Vanessa sa sarili.

Makalipas ang limang minutong paggagalugad sa San Martin, nakita ni Vanessa ang dalawa. At habang nakatalikod ang mga ito, sabay nyang itinarak sa likuran ng dalawa ang kanyang mga kamay upang makuha ang puso ng dalawa. Gulat ang dalawa sa pangyayari at sabay na bumagsak. Nakuha ni Vanessa ang puso nila Benjo at Santina at mabilis nyang kinain iyon. Bagama't hinang-hina ang dalawa dahil sa dami ng dugong nawala, nagawa nilang makatakas at magtago sa liblib na bahagi ng plaza.

Sa kinalalagyan nila Benjo at Santina, kitang-kita nila si Vanessa na nakangiti habang inaabangan ang pagsikat ng araw. Nakangiti si Vanessa na inaabangan ang kanyang kakayahan na makapagbilad sa ilalim ng araw. Ngunit sa pagtama ng sikat ng araw sa balat ni Vanessa, sinunog nito ang kanyang laman. Dinurog ng sikat ng araw ang kanyang buto. Pumapalahaw si Vanessa sa sakit. Natupok. Naabo.

Umiiling lang mula sa malayo ang dalawa. Napabulong si Santina, "Hindi puso, Vanessa, ang dahilan, kundi pag-ibig!"

Nauubos na ang dugo ng dalawa. Nadarama na nila ang kanilang katapusan. Pero nakangiti sila. Dahil alam nila sa kanilang pagpanaw, may paraisong naghihintay sa tabi ng Amang nakaluklok sa langit.