in cooperation with

and

 

PEBA 2012 INTERNATIONAL BLOG and PHOTO AWARDS is brought to you by:

SSS PHILIPPINES, Smart IDD by Smart Communications, The Manny and Cynthia Villar Foundation


 

Pananabik sa Tag-init


"A lot of times, what we pray for takes a while to come. In these situations we can know that we have faith when we have the patience to wait. We should have the same patience for everything we believe God for…" -Anonymous

Pebrero 28, 2011

Maaaga akong gumising sa araw na ito. Nakangiting bumangon kahit na nangangatog sa lamig. Kinuha ko ang pulang panulat at tumungo sa kalendaryong nakasabit sa dingding. Minarkahan ng ekis ang numero 28. Ngunit napakunot noo ako at nagtaka.

"Nasaan na yun?" mahinang bulong ko sa sarili.

Kinakabahan na baka pinaglaruan ako ng maligno at inalis nila ang hinahanap ko.
“Ay tanga, wala nga palang 29 at 30 ang Pebrero", napangiti ako ulit habang kinukusot ng bahagya ang likurang bahagi ng ulo.

"March 01 na pala bukas!, Tag-init na! Yahoo! Uuwi na ako sa wakas!" sigaw kong malakas sabay lundag sa kamang hinigaan.

Tumalon-talon hanggang mapagod, bumagsak sa kama ngunit nakangiti pa din sa labis na pananabik sa pag-uwi.

Makalipas ang sandali tumungo na din ako sa palikuran. Ibinuhos ang lahat ng sama ng tyan at pantog. Ang sarap, magaan sa pakiramdam. Kasinggaan ng pakiramdam ng matapos ko ang aking kontrata sa trabaho. Ang totoo nyan, may kontrata pang nakaabang kapalit ng luma kong kontrata. Ngunit tinanggihan ko na iyon. Gusto ko ng umuwi ng Pinas. Maramdamang muli ang ihip ng hangin mula sa dalampasigan. Kumain ng mangga, matikman muli ang luto ni Inay, makalaro ang mga batang makukulit na si Boyet at Danica, umakyat sa puno ng buko, ipastol si kalakian at pumasyal sa plaza kasama si Maria.

Mahigit sa 3 taon na din ako dito sa Italy. Halos nasanay na nga din ako sa klima dito. Iba ang kultura pero mababait naman ang mga Italyanong nakasama ko sa trabaho. Ang totoo niyan, sanay na ako sa takbo ng buhay dito, ibang-iba sa Pilipinas. Kung tutuusin malayong-malayo ang ekonomiya ng Italya kumpara sa Pinas. Higit na magaan ang takbo ng buhay dito pero hinahanap-hanap ko pa din ang buhay sa Bayan ni Juan. Para akong batang umalis at namasyal sa mall. Kumain ng masasarap sa mga fastfood. Naglaro at naglibang. Ngunit sa kabila ng mga kasiyahang iyon, naiinip din ako at hinahanap ang kinagisnan-- ang aming bahay, ang Pilipinas.

Ilang minuto ang nakalipas, lumabas na din ako ng palikuran. Dumiretso sa pinaghigaan. Naupo. Yumuko ng bahagya at kinapa ang maletang puno na ng alikabok. Hinatak ito palabas sa ilalim ng kama.

"Ang dumi mo na, pero wag kang mag-alala uuwi na din tayo", nakangiting kinakausap ang maleta habang pinapagpag ito.

Limingon ako sa kanan, sinipat ang laptop. Dali-dali kong binuksan iyon at muling binalikan ang ilang mga larawan sa masaya kong pananatili sa Pilipinas noon. Pinagmasdan ko ang larawan ng dalawang taong magkaakbay habang naglalakad sa tabi ng dagat. Nakangiti silang dalawa, bakas ang kasiyahan at galak sa puso ng dalawa. Napangiti din ako.

"Bukas, Maria magkikita na din tayo at hindi na kita iiwan kahit kailan", mahinang bulong ko sa sarili.

Click.

"Ang saya naman nila. Sana nandun din ako", sinasabi ko sa isip habang pinagmamasdan ang mga larawan ng mga taong kumakain sa ilalim ng kubo sa may dalampasigan.

Sina Itay, Inay, ang dalawa kong makukulit na kapatid na sina Boyet at Danica, at ang pinakamamahal kong si Maria, sila ang mga dahilan ko kung bakit iiwan ko ang magandang buhay dito sa Italy. Aanhin ko ang magandang buhay dito kung hindi ko naman kapiling ang mga dahilan ng pagngiti ko sa araw-araw. Kaunting tiis na lang makakasama ko na din kayo.

Mula sa pagkakaupo, muli akong nahiga. Pumikit. Inisip ang ganda ng dalampasigan. Dinama ang ihip ng hangin sa kabila ng init sa katanghaliang-tapat. Inilarawan sa isip ang masayang paglalaro ng aking dalawang kapatid habang nakikita si Maria sa gilid ng kubo na nakatunghay sa dalawa at tuwang-tuwa sa kulitan nila. Sa tabi ng dagat, makikita sina Itay at Inay na nakaupo habang masayang pinagmamasdan ang mga ibon na kumukuha ng pagkain sa dagat. Lalapit ako kay Maria at hahagudin ang kanyang malambot na buhok. Aakbay sa kanya at iaabot ang aking kamay. Aaakma akong isasayaw sya sa saliw ng musika ng hampas ng alon sa dalampasigan. Ngingiti si Maria at yayakap ng buong higpit. Bibitiw ako at doon ko sya hahagkan ng buong pagmamahal at pananabik.

Kruuuuuuggg...kruuugggg...

Nagulat ako sa ingay ng aking sikmura. Napatitig sa orasan. Ala-una pasado na pala. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako ulit. Dagli kong tinungo ang kusina. Mabilis na nagluto. Kumain. Iniayos ang mga gamit sa maleta. At nang matapos ang lahat ng iyon, bumalik muli ako sa pinaghigaan. Tinitigan ang orasan. Binantayan. Baka may mga malignong luko-luko at pahintuin ang pagpitak nito.

Nakangiti. Naiinip pero handang maghintay.

"Pilipinas, humanda ka! Babalikan ka na ni Angelo! Hayaan mo akong damhing muli ang saya sa tag-init na iniaalay mo sa nanabik kong puso."

► About the Author:
SuperGulaman a.k.a SuperG is a writer-researcher and statistician of an Online Writing firm based in the Philippines . He is a graduate of Bachelor of Science in Mathematics and a registered teacher. SuperG is also a blogger and writes both fictional and non-fictional stories through his blog www.SuperGulaman.com using his native language - Filipino.
► Read SuperG's previous articles here.

1 Reactions:

Nortehanon said...

Para sa mga nangibang-bayan, ang mga masasayang alaala ng lumipas at mga pangakong binitiwan sa lupang sinilangan ang tanging katulong sa pagbata sa kalungkutan at dahilan para sa araw-araw ay laging buhay ang inspirasyong ang mga paang lumisan ay muling maglalakbay patungo sa lupang pinagmulan.

Post a Comment