Pilat

Minamasdan ang braso,
Sa unang tingin wala ng bakas,
Ngunit kapag tinitigan,
Makikita ang kalbaryo ng kahayupan.


Balintataw ng kasamaan,
Maging pagtulog nakaulayaw,
Pangitain ng alaala sa pangil ng sadista,
Patuloy ang hapdi at nagmarka.

Pagpapatawad ang ialay,
Bulong ng tahimik na isipan,
Subalik bawat tagaktak ng pawis,
Hinagpis ang pumapailanlang.

Hindi makalimot sa dahas,
Ang pilat nagiging kamandag,
Humuhulagpos ang lason na parang bukal,
Ang ahas nakangising nagpakandong sa nagmamahal.

Malalim na sugat, muling kumirot,
Sa talim ng salita ng aninong maramot,
Ang pilat na pinaghihilom,
Hindi malimot, kahit kusa ng ibinabaon.


Sa kabilang banda:

Ang pilat na ito ang naging inspirasyon,
Para lumaban at tumayong may layon,
Hindi sa pamamagitan ng dikta ng kung sino,
Kundi pagtawa na lamang sa anino.

Kumapit sa may Lumikha,
Bumalik sa tahanan kung saan nagmula,
May tatamis pa ba sa yapos ng isang Ina?
Lahat ng kalbaryo sa isang iglap nawala.


► About the Author: Bhing is an OFW, as Caregiver based in Taiwan. A Top 7 Blog Winner of PEBA 2010 on her official entry entitled "Pagsasalamin sa Salitang Pamilya". She writes poems and poetries via her blog Gumamela sa Paraiso. She is now the new Editor-in-Chief and regular columnist for TKJ. ► Read Bhing's previous articles here.


0 Reactions:

Post a Comment