in cooperation with

and

 

PEBA 2012 INTERNATIONAL BLOG and PHOTO AWARDS is brought to you by:

SSS PHILIPPINES, Smart IDD by Smart Communications, The Manny and Cynthia Villar Foundation


 

Buhay Bulay


Our Cover: Ang imahe ay kuha ni Jack Cabida, Isang OFW sa bansang Saudi Arabia. Isa ang imaheng ito sa mahigit isangdaang nominado sa nakaraang Photo Contest ng Pinoy Expat Blog Awards…




Tao, tao… sandali… ang bilis mo naman. Huminto ka muna, tayo’y magkuwentuhan. Saan ba ang iyong tungo aking kaibigan?

May itatanong ako sayo, kahit hindi mo sagutin, kahit na ikaw lamang ang makaalam ng sagot, ayos na ‘yon.

Kilala mo ba ang sarili mo? Sa punto ng buhay mo ngayon, saan ka na dinala ng iyong paglalakbay? Naging matagumpay ka ba o bigo ka pa rin?

Paano ‘yan, kung mag-isa ka lamang sa paglalakbay? May saysay pa ba ang iyong buhay?

Naniniwala ako na lahat ng tao, ang nais ay maginhawa at masayang buhay, pero hindi naman tayo bulag at manhid na hindi ganun ang disenyong nakalahad sa atin dito sa mundo.

Ang isang drug addict na nakabawi sa pagkagumon ay isang inspirasyon sa mga taong binalak ding maging adik. Ang isang cancer patient na dinugtungan pa ang buhay na ilalagi sa mundo ay inspirasyon din sa iba para pangalagaan ang kanilang kalusugan. Ang batang ina na sumisigaw ng pagsisisi ay nagiging babala para sa mga kabataang babae na huwag maging padalus-dalos sa desisyon. Dahil sinunod mo ang silakbo ng damdamin, napag-isip isip mo, kaya mo pang umunlad. Kaya mo pa, may oras pa.

‘Yong mga kasama mo sa gimik, may pamilya na, may nagbago na, pero bakit ika’y napag-iwanan? Hahabol ka ba o hahayaan mong makulong ang iyong sarili sa alaalang iniwan na ng iyong mga kaibigan?

Kung biniyayaan ka ng isang anghel na gantimpala sa karamihan pero nalaman mong espesyal siya, maaaring mawalan ka ng gana o gagamitin mo itong armas para malaman mo kung ano ang iyong layunin sa buhay niya. Kung isang umaga, nagising ka na lamang na huling araw mo na pala sa trabaho, pwede ka nang sumuko o magsisilbi itong hudyat para sa panibagong pakikibaka sa buhay.

Kung pakiramdam mo wala kang kakampi o tampulan ka ng bulungan, pwede mo silang kalabanin hanggang sa magapi o magbubuhos ka ng oras para malaman kung bakit ayaw nila sayo at ikaw ang laging sentro ng usapan. Mag-iisip ka.

Sa pag-uwi mo mula sa paglalakbay sa malayong lupain, umaasa kang uuwian mo ang mga taong inakala mong naghihintay. ‘yon pala, ‘ni anino mo, hindi na nila nakikilala. Paano na ang buhay kaibigan? ‘Yong mga kapamilya at kadugo mo, namamalimos ka ng pagmamahal, nakakapagod hindi ba?

Maging ang pag-ibig na matamis sa umpisa ay nagiging mapait din sa huli subalit walang rason para talikuran ang muling pagsinta, hindi man ngayon pero darating ‘yan kung hindi nakapinid ang puso.

Kahit ang kamatayan ay may magandang dulot. Sa puntong ito ng buhay, doon pa lamang natin napagtatanto kung gaano kahalaga ang isang taong nawala, at hindi tayo papayag na walang magbabago pagkatapos ng tagpong iyon. Kahit ang sigalot o sakuna ay nagbibigay ng pag-asa at nagpapalakas ng ating paniniwala na matatapos din ang lahat. Tatawa at mabubuhay tayong muli.

Huwag mong igiit na NAG-IISA ka. Maaring sa paniniwala mo pero nabuhay kang mayroong iba na nakikipamuhay sa mundong ito na kailangan ka at kailangan mo siya. Binigyan ka ng kalayaang magdesisyon upang makapamili ng nais mong buhay. Tanggapin mo na tayo’y magkakawangis pero sa lahat ng aspeto ay namumukod tangi.

Kung maligaya ka ngayon, hawahan mo ‘yong iba, kung malungkot ka, magsabi ka, may makikinig.

Hindi tayo katulad ng isang puno na kung saan lamang tumubo ay ‘don na rin mangangalaglag ang dahon, tayo’y naglalakbay sa makulay na mundo na dapat nilalasap hangga’t may hangin pa tayong ibinubuga.

Ikaw ay tao, ako rin.

At para sa buwan ng Abril, muling maghahatid ang The KaBlogs Journal ng isang makabuluhang mga artikulo na mula pa sa iba't ibang panig ng mundo… Halina't samahan mo kami sa pagmumuni-muni at sabay-sabay nating yakapin ang buhay na makulay…

► About the Author:
Si J. Kulisap ay matatagpuan sa www.jkulisap.com. Nabibighani siya sa mga sulating Filipino partikular na ang usaping panlipunan…

► See sidebar for list of articles this month


0 Reactions:

Post a Comment