Pers Lab

by : Rose Armenta

“Eto ang limang daan. Bumili ka ng kahit ano, sayo na yan. Huwag ka lang munang magboboypren!”

Hanggang ngayon hindi ko pa rin makalimutan ang pamba-bribe sa akin ni Mama noong grade 6 palang ako. Labing dalawang taong gulang palang ako nung una kong maramdaman ang love. Hindi pa masyadong komplikado ang mga bagay bagay noon. Simpleng palitan ng love notes at hingian ng litrato, patabi tabi sa upuan, pakwento kwento at pag-ukit ng Sandra loves James sa armchair namin na gawa sa kahoy.

Madalas akong kiligin sa tuwing tinutukso kami ng mga kaklase ko. Nakikita ko namang namumula sa kinauupuan nya si James. Ako ang tipikal na daldalera sa klase. Marami akong kwento, maingay, kadalasan mataray samantalang kabaliktaran ko naman siya. Tahimik at pangiti-ngiti lang. Siya ang best example ng “A man with a few words.” Ewan ko ba kung bakit ako attracted sa kanya. Bukod sa chubby s'ya, hindi ko naman sya talaga laging nakakausap. Ang alam ko lang may crush sya sa akin.

Iba ang pakiramdam na dala sa akin noong mga panahong iyon. Para akong nasa ulap. Hindi mawala sa bag ko ang baby powder, ayoko ngang maging oily, baka bigla syang tumingin sa akin at maturn-off sa mantika sa mukha ko. Kasabay ng paunukso ng mga kaklase ko ang patuloy na pagsibol ng nararamdaman ko para sa kanya. Oo, naging kami. Hindi pa ako tumutuntong ng high school, may boyfriend na ko. Kung tatanungin mo kung pano ko sya sinagot, hindi ko alam. Basta alam ko lang, may pagkakaintidihan kami.

Habang papalapit ang graduation lalong tumitindi ang pag-alala ni mama, kaya siguro naisipan nya akong i-bribe at palipatin ng school. In short, nagkalayo kami ni James. Kung gano kadali nagsimula ang aming love story, ganun din ito kadaling natapos. Walang formal breakup dahil wala naman talagang formal ligawan. Ang tanging tumapos sa aming puppy-love relationship ay isang sulat.


Everdearest Sandra,



Alam kong mahirap pero dahil lilipat ka na ng school at hindi na tayo magkikita, mas mabuti sigurong magconcentrate na muna tayo sa studies natin. Salamat at naging bahagi ka ng buhay ko.



Love,

James


Umiyak ako ng umiyak noon. Nagdasal ako. Parang gusto kong hilain pabalik ang araw nung nasa relaxation area kami ng mga kabarkada ko kasama ang unang lalaking nagpatibok ng puso ko. Gusto kong patigilin ang oras kung saan unang beses nya kong pinahagingan ng “crush kita”. Gusto kong bumalik ulit yung pakiramdam na parang namanhid ang katawan ko dahil sa tuwa. Yung naramdaman ko ang pagakyat ng dugo ko papuntang tenga kasabay ng pamumula ng aking mga pisngi. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya noon. Nawala ako sa sarili ko. hindi ko alam kung tititigan ko ba sya sa mata o lalayo ako ng tingin. Halo-halong emosyon sa kakaunting sandali. Yun na siguro ang cloud 9.

Tinanggap ko ang bribe ni mama. Limang daang piso kapalit ng love story namin ni James.

Hikbi at luha ang nagpatulog sa akin sa gabing iyon, gumising ako kinaumagahan na hindi na sa akin ang first love ko.

Dumaan ang highschool ko na parang si The Flash. Nakalimutan kong nagmahal ako sa unang pagkakataon. Maraming nangyari at maraming taong dumating at umalis. Nagkaroon ako ng sariling buhay. Nagmahal ako ng makailang beses, pero hindi naman din nagtagal. Desidido ako na magtapos ng highschool na may honor.

Makalipas ang halos sampung taon, nagkita muli kami ni James. Ang taray di ba? Parang teleserye. Nursing sya, nursing din ako. Ang weird pa nga kase sa ER pa kame ulit nagkita. Intern sya don. Ganun din ako. Parang lahat, magkakatugma. Naging magkaibigan kaming muli. Hindi na namin napag-usapan ang past namin. Maharil ay dahil pareho na namin pinili na ‘wag nalang halungkatin. Puppy love, it comes and it goes, ika nga. Nagsimula kami ng panibago naming buhay. Ang hindi lang nagbago ay ang dating kilig na nararamdaman ko tuwing tinitignan nya ko. Ganun na ganun parin. Namamanhid parin ang katawan ko sa tuwing nagtatama ang aming paningin. Namumula parin sya sa tuwing tinutukso ko sya.

Parang bumalik kami sa getting to know each other stage. Ang sarap ng pakiramdam. Niligawan nya akong muli.

Gulat na gulat ang lahat sa plano naming pagpapakasal. Sinadya ko itong itaon sa birthday ko. At sa pagkakataong ito, sa edad na bente singko, hindi na nagbribe si Mama ng kahit ano.

Naniniwala ako sa destiny, na may itinadhana ang Diyos na para talaga sa atin. Ang pagibig ay hindi minamadali, kusa itong darating. Minsan pa, sa hindi inaasahang pagkakataon. May mga tao na kahit gaano pa paglayuin, mahahanap at mahahanap parin nila ang daan patungo sa isa’t isa. Kung minsan sa buhay mo, naranasan mong umiyak, masaktan o iwan, wag na wag mong hahayaang lunurin ng luha ang iyong paningin. Umiyak ka kung ito ang ikakagaan ng kalooban mo. Ngunit siguraduhin mong hahawiin mo rin ang luhang minsang dumaloy sa iyong mga mata para makita mo na ang taong inilaan ng Diyos para sayo.

Malapit na kaming mag-1st year anniversary ni James, at biniyayaan na rin kami ng isang magandang anghel. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil hanggang ngayon, patuloy parin akong pinakikilig ng unang lalaking minahal ko.

Ako si Sandra. At ito ang aking love story.



(Hango sa love story ng kaklase ko nung elementary. Ang mga pangalan ay sadyang pinalitan para sa privacy ng mga taong involved)


► About the author:Rose is an active PEBA Core Group Volunteer and TKJ's new Editorial Staff. She is an OFW, working in a hotel as Front Desk Receptionist in Doha, Qatar. She regularly writes personal blogs at Rainbowbox and The Little Girl's Diary.

5 Reactions:

Gumamela said...

ang cute naman ng lovestory ng kaibigan mo. Napatuyan dito na kung kayo talaga ang nakatakda para sa isa't isa kahit na anong unos ay malalampasan :)

Keep writing Rose!

Anonymous said...

salamat ate bhing! happy valentines! :)

Francis Morilao said...

wow nakaka inlabs naman… Happy Valentine Rose Marie

MiDniGHt DriVer said...

yeeeee.. ang sarap basahin.. hehe

Admin said...

ayaw na ayaw kong makabasa ng lovestory, pero yung sa'yo tinapos kong pinadaanan ang mga pangungusap. At masasabi kong maganda! Keep it up!

Post a Comment