Love Online

by : Annalyn Salangsawa

Hindi ko gustong maunsyami ang mga magbabasa na naghahanap ng kilig ‘factor’ dahil THIS IS NOT A TYPICAL LOVE STORY. Eto na…

Pawisan ako nang araw na ‘yon at halos hindi ko na maramdaman ang talampakan kong hindi na yata sumasayad sa sementadong daan sa pagmamadali kong lumakad. Lakad‐takbo, ganun ang ginawa ko.

Kalagitnaan ng panahon ng tag‐init dito sa disyerto noon at ang temperatura ng panahon ay sadyang nakakapag‐init ng ulo. Salimbayan ang mga salita sa isip ko, dumadagundong ang dibdib ko sa kaba at antisipasyon.

“Bakit ngayon pa ako nahuli? Baka kanina pa sya nag‐hihintay. “

Ilang kanto pa ang dapat kong tawirin para sapitin ang lugar kung saan kami magkikita. May tatlumpung minuto na akong huli sa oras na pinagusapan. Kanina pa nga ako nakakatanggap ng ‘missed call’.

Halos pugto na ang aking hininga at pulang‐pula na ang balat na nasusunog ng matinding init ng araw nang makarating ako sa paroroonan. Dagli kong pinindot ang buton ng elevator sa palapag na pupuntahan. Habang naghihintay, inayos‐ayos ko ang aking buhok at suot. Pinagpag ang mga kumapit na alikabok, nagpulbos at kaunting pabango. Pagod at pawisan man, pinilit kong ayusin ang sarili para sa kanya.

Hindi nagtagal nakatayo na ako sa harap ng pintuang kulay tsokolate. Kumakabog pa rin ang dibdib at hindi mapalagay. Hindi ko alam kung dahil sa sobrang kaba kaya ako nauuhaw o dahil sa layo ng nilakad ko, o sa pag‐aalalang huli na ako.

Pagbukas ng pinto, bungad niya agad “huli ka na, kanina ka pa nya hinihintay”.

Sabi ko na, pero wala na akong pakialam.

Malumanay akong naglakad sa puting sahig, ayokong gumawa ng ingay. Huminto akong panandali at dahan dahang itinulak ang ikaapat na pintong napipinturahan ng kulay puti. Pikit ang mata, nagmulat ako kasabay ng pinakawalan kong malalim na buntong‐hininga.

At saka umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan ng makita sya.

“Mommy!” sigaw ng nasa computer screen.

Kitang kita ko ang mga sira niyang ngipin na lagi naming ginagamit biro sa kanya ng Daddy nya.

Ang mabibilog na mga mata ay mas naging mabilog pa dahil sa pagkasurpresa.

Hindi maikakaila sa matinis nyang boses ang pagkasabik sa akin.

Tutop ko ang aking dibdib sa pinaghalong lungkot at saya dala ng pagkikita naming ito. Walang katumbas na kaligayahan.

Ayun ang aking anak sa likod ng computer screen.

Ilang buwan din kasi ang nakalipas bago namin naiayos na dalhin siya ng Lola nya sa pinakamalapit na computer shop. Sa takot sa lumalalang insidente ng dengue sa Pilipinas at sa madalas na pagkakasakit ng aking anak kaya iniwasan muna namin siyang lumabas‐labas.

Ito ang unang beses naming magcha-chat.

Madalas man kaming mag‐usap sa telepono, iba pa rin ang epekto ng harapan kayong nagkikita.

Kumakabog ang dibdib ko, pinaghalong kaba, kilig at saya.

Pagkatapos ng masayang kamustahan at tawanan, tila pareho kaming napagod at sabay na napasandal sa upuan. Ayun siya, ang nag‐iisa at pinakamamahal kong anak. Abot ng tanaw ngunit hindi mahaplos, hindi mayakap.

Muli ko sanang bubuksan ang aking bibig para magkuwento ng kung anu‐ano pa pero hindi ko na mapigilan ang ilang butil ng luhang kanina ko pa gustong pakawalan. Nagtanong ang anak ko sa katabing aguela kung bakit ako umiiyak. Sumagot ako…

“Kasi, I miss you. Kasi, I love you. Love na love ka ni Mommy. Dadalasan natin ang ganito ha?”

Hindi umimik ang bata. Agad kong nakita ang malungkot na mga mata.

“Uuwi na kami”, sabi ng aking nanay, ang kanyang Lola.

“Sige po, mag‐ingat kayong lagi ‘Nay. Salamat po sa pag‐aalaga sa anak ko”, pigil ang hikbi at pagluha, pinilit kong iayos ang sarili, ayokong maapektuhan ang bata.

“My love, careful ka lagi ha”, Bilin ko sa aking anak. “Wag matigas ang ulo, behave ka kay Nanay ha?”

Tumango lang ang bata. Nakatingin sa akin at ayaw pang tumayo sa upuan kahit inaaya na sya ng kanyang Lola.

“Sige na anak, bukas uli. Promise—uuwi si Mommy ng maaga”, sabi ko.

Hindi tuminag ang bata. Nakatingin sa akin na parang may sasabihin.

“Mommy…”

“Po?” sabi ko.

“I love you”

Hindi ko na alam kung paano ko tatapusin ang kwento. Ang totoo, ipinikit ko ang aking mga mata para humugot ng kaunti pang lakas, saka ako sumagot ng “I love you rin anak”.

Ang bawat patak ng luha ng isang ina para sa anak na nawalay ay hindi matutumbasan ng ginto o kahit anong kayamanan.

Pero kung may bibili, sige lang, ibibili ko ng educational plan, pampuhunan at ticket pauwi ng Pilipinas.


** This s a true story. Chat moment po namin ni Paolyne, ang nag‐iisa kong anak. This happened June of 2010.

► About the Author:
Si Annalyn ay tatlumpu’t isang taon, nanay ng isang malikot na batang babae, kasalukuyang naninirahan sa Abu Dhabi, bansang United Arab Emirates kasama ng kanyang mahal na kabiyak at nanunungkulan bilang Kalihim sa opisinang gumagawa ng mga gusaling pang komersiyo.
► Read Annalyn's previous articles here.

8 Reactions:

YanaH said...

naiyak ako..
pramis..

mahirap talaga pag malayo ang ina sa anak. wala kang magawa. gusto mo syang yakapin, hindi naman pwede. may mga panahong darating na kakailanganin nya ang nanay nya, pero malayo ka.. ang tanging magagawa mo lang eh ang magdasal na sana pala-palagian siyang nasa mabuting kalagayan..

nakakainis.. naiyak talaga ako.. :(

Gumamela said...

as i've told u madaming luhang papatak sa article na ito :)

Happy Heart's Day!

Anonymous said...

sabi ko naaaaa! nakakaiyak ang entry ni ate ayie! i love it soooo much! :)

Anonymous said...

goosebumps,,nakakatouch,,,hirap talga ang feeling pag malau c mama sa kanyang anak T_T
nakaiyak naman to te tapos naulan pa dito habang binabasa ko...

panalo tong entry na to~~

-unni-

Francis Morilao said...

ang ganda…

gusto kong umiyak kaso nandito ako sa office, mamaya na lang pag - uwi ko…
Happy Hearts Day ate Ayie

Sheryllbautista said...

As always, you touches many heart by ur words..

Alam mo ang writer nito malalim ang pinaghugutan . Damang dama ng mga readers ang puso ngng writer. Para sa inang nagmamahal at sa anak na naghihintay. Nakakatouch ang eksena. Hindi ko mailagay ang sarili ko ng ganyan. Mahirap malayo sa anak pero tiis lang para sa pamilya. Ipagpatuloy mo pa ang pagshare ng gantong makabuluhang blog. Marami kang napapagaan na pakiramdam at napapangiting mga puso . Sa iyong anak alam ko lalaki syang mabait at matalino na tulad mo.. God bless you ..

Null said...

mami ayie not the usual vday entry... you moved me...

Ayie Marcos said...

To All,

Salamat po sa pag appreciate ninyo. Lumuluha rin po ako nung panahong sinusulat ko yan.

Mahirap po ang pagiging isang OFW, pero mas higit itong nagiging pasakit dahil sa pagkakawalay sa anak.

Magulang o anak man ang lumisan, walang kaparte ng pamilya ang hindi mo mamimiss ng lubusan, basta nagmamahal ka.

Salamat sa chance TKJ!

Post a Comment