Si Malakas at si Nok at si Maganda




Inspirasyong nagmula sa guhit ni Nestor Redondo na matatagpuan dito.



Mula sa isang matikas na kawayan, lumabas ang isang lalaking nagngangalang Malakas. Makisig ang kanyang katawan at maamo ang kanyang mukha. Sa kauna-unahan niyang pagyapak sa lupa, kaagad siyang naaliw sa mga magagandang pangitain. Ngunit ang isang araw na pag-ngiti at paghanga sa mga magagandang tanawin ay nabahiran ng lumbay.

Wari'y may kulang...

Inusal niya ang isang panalangin na sana'y maibsan ang kanyang lungkot. At siyang pagdating ni Nok, isang kalahating-manok, kalahating-ibon.

'Bakit ka nalulumbay?' tanong ni Nok.

'Pakiramdam ko'y may kulang, ngunit hindi ko alam kung ano'.

'Tutulungan kitang mag-isip', wika ni Nok sabay dapo sa kabilang kawayan.

Habang nag-iisip ay panay naman ang tuka nito sa kawayan. Ilang oras pa'y naramdaman ni Nok ang unti-unting pagbuka ng kawayan. Kahit si Malakas ay nagulat din.

Maya-maya pa'y isang pagkaganda-gandang dilag ang sa kanila'y tumambad -- nagmula sa ikalawang puno ng kawayan.

'Ano'ng ngalan mo?', tanong ni Malakas.

'Maganda', pangiting sagot ng babae.

Sa isip ni Nok: 'Siya na marahil ang katugunan sa kalungkutan ni Malakas. Natuwa s'ya at siya'y tumilaok.'

Nagtinginan si Malakas at si Maganda. Kinuha ni Malakas si Nok at sabay sabi kay Maganda ng: Nais mo ba ng tinola?

Jowk.

Nabuhay ng maayos ang mag-asawa. Si Nok nama'y nakakita rin ng kanyang kalahi at sa wakas ay napagtanto niyang siya'y isang ibon kung kaya't tinigilan na niya ang katitilaok, at siya ay lumipad nang lumipad.

Nagbunga ng supling sina Malakas at Maganda -- si Makisig. Lumaking mabait at masunurin si Makisig.

Epilogo:

Ngunit talagang may bagay na laging hinahanap. Wika ni Maganda kay Malakas isang araw: 'Bakit wala tayong LCD, PSP at kotse?'.

Naulinigan ni Nok ang usapan, at saka niya sinabing: 'Halikayo. Ihahatid ko kayo sa lugar kung saan maraming LCD, PSP at kotse.'

Natuwa ang tatlo sa kaginhawaang ipinangako ni Nok. At sila'y nangimbang-bayan.

Nagtrabaho bilang tagamaneho si Malakas. Si Maganda nama'y ginawang receptionist sa isang tanggapan. Si Makisig ay nag-aral sa Philippine School sa kanilang bagong lugar.

Natupad nga nila ang kanilang pangarap. Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ng bahay sila Malakas at Maganda. May kotse at maliit na negosyo. Si Makisig nama'y nagpatuloy ng kolehiyo sa abroad (mas 'angat' daw kasi kapag sa abroad nagtapos) at kumuha ng medicine (sa pagnanasang sa abroad na rin makapagtrabaho at makapanirahan).

Alternatibong epilogo:

Hindi naging maiinggitin si Makisig sa mga kalarong may PSP at Nintendo. Sapat na sa kanya ang tumbang preso, holen, taguan-pong at luksong-lubid. Hindi rin s'ya ni minsan nakatikim ng Cadbury at Kisses, ngunit lagi naman siyang nabubusog ng caimito at mangga na galing sa kanilang pananim.

Wika ni Malakas: 'Magsipag ka lamang, anak. At huwag ka lamang mapanghihinaan ng loob sa kasamaang dala ng tao. May yaman ang lugar natin. Magkaroon ka lamang ng tiyaga at pagmamahal dito.'

Natupad nga nila ang kanilang pangarap. Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ng bahay sila Malakas at Maganda. May kotse at maliit na negosyo. Si Makisig nama'y nagpatuloy ng kolehiyo sa Pilipinas, at kumuha ng kursong agrikultura (sa pagnanasang paunlarin ang maliit nilang bukirin).

► Read Nebz's previous articles here.

4 Reactions:

RJ said...

Hahah, talagang tinola ang paborito nina Malakas at Maganda.

Magandang interpretation! Magaling talaga kayo sa Humanities, Mr. Nebz. Mas gusto ko ang alternatibong epilogo. Huhmn, maganda ang Agriculture.

My Yellow Bells said...

muntik na si nok dun Nebs. Mr. Nebs talaga ang tawag sa iyo ni RJ ha. hihihi, mas gusto ko ang alternatibong epilogo kahit akoy isang OFW, mukang mas masarap ang caimito kesa kakao

Ken said...

Ure a simple person Nebz, I can tell, and well, I think, I know. Simple pero rock...and thank you for all you're doing for KABLOGS and PEBA.

Anonymous said...

hhahaha mga baliw yata yan

Post a Comment