Pangako ng Isang OFW

Akda ni Jettro ng South Korea

SA INIWANG PAMILYA SA PILIPINAS

Bawat isa sa atin may mga binibitiwang pangako.
Pangako sa lahat ng bagay, sa sarili, sa mga anak, sa asawa, sa lahat-lahat na. Mahirap ba tumupad sa pangako? Kadalasan ginagawa ito ng halos lahat ng mga Pinoy na namamasukan sa ibang bansa bilang OFW.

Malapit na ang aking bakasyon, malapit ng sumapit ang araw ng aking pag-uwi sa Pilipinas upang makapiling kong muli ang aking pamilya, mayakap, ang mga mahal ko sa buhay.

Lumapit sa akin ang aking kaibigan.
Pare malapit ng bakasyon mo.. bakit parang malungkot ka naman? Hindi ka ba nasisiyahan at makikita mo ng muli ang iyong pamilya?
Masaya ako pero... parang may kulang. Parang may kulang sa aking dadalhin. Minabuti ko nalang ilihim sa aking kaibigan kung anong kulang sa aking isipan.

Dalawang taon ako dito sa ibayong dagat, dalawang taon akong nagpakaligaya sa piling ng mga kaibigan, sa piling ng aking kasintahan, sa piling ng mga inuming nakakalasing nalunod ako ng husto sa kaligayahang nadarama na naging dahilan upang makalimot sa isang pangako na magandang buhay. Dito sa abroad andito ng lahat ang mga bagay na sisira ng kinabukasan ng iyong pamilya, Nang dahil sa mga pansariling kaligayahan at panangdaliang kaligayahan nalimutan kong unti-unti nga palang lumilipas ang panahon. Unti-unting lumiliit ang tsansa na matupad ang pangakong binitiwan sa aking asawat mga anak ng magandang buhay.

Dito sa abroad nagawa kong magsugal, nagawa kong maglakwatsa araw-araw, nagawa kong umibig muli na alam kong bawal, nagawa kong umuwi ng madalas ng hatingabi, nagagawa ko kadalasan ang inuumaga ng uwi, nagagawa kong uminom ng uminom sa piling ng aking mga kaibigan, kabarkada at kung minsan sa mga bagong kakilala. Wala akong tigil hanggat may hawak akong pera sa bulsa. Sa tuwing dumarating ang sahod hindi mapigilan ang kamay kong gumasta ng gumasta dahil ang iniisip ko may susunod pa namang sahod. Basta makapag padala lang kahit konti sa pamilya masaya nanaman ako tutal kahit magtanong ng magtanong ang misis ko wala naman siyang magagawa kundi ang maniwala sa lahat ng sasabihin ko. Kadalasan tinatanong niya...

Bakit ito lang pinadala mo?

Wala kasi kaming gaanong overtime ngayon.
Minsan sinasagot mo pa... Hindi kasi ako nakapasok ng ilang araw dahil sumama pakiramdam ko. Minsan isasagot mo pa... Nagtira din ako ng konting panggastos ko dito, minsan kasi nagugutom ako, nagbabayad din ako ng mga nautang ko kasi pinapadala ko sa iyo lahat.
Medyo magtipid-tipid nalang kayo ng konti lalakihan ko nalang sa susunod.

Sumapit ang dalawang taon, sakay ka ng eroplanong maghahatid sa iyo sa piling ng iyong pamilya dala-dala mo ang konting pasalubong dahil mauubos na ang dala mong pera kung ibibili mong lahat ng pasalubong. Ilang pirasong tsokoleyt lang ang nakaya mo bilhin ipamimigay mo pa yung iba sa kapitbahay para may matuwa rin sa iyong kapitbahay, ilang pirasong sabon, shampoo na ipapasalubong mo rin yung iba sa kapitbahay para hindi ka mahalatang kokonti ang nabili mong pasalubong. Konting kaha ng sigarilyo na masaya ka pang ihagis sa mga kaibigan mo sa labas. Magtatawag ka pa ng ilang kaibigan para lasingin ang mga naghihintay sa iyong mga manginginom. Sa konting perang natira mo sa bulsa tigi-tig-isang damit at short pants nalang ang mga anak mo na mabibili mo wala na ang misis mo dahil mauubos na ang perang dala mo kung bibili pa ang misis mo ng bagong damit masaya narin siya at naibili mo kahit papaano ang mga anak mo. Doon mo naisip ang mga perang itinapon mo sa mga pansarili mong kaligayahan, buti pa ang ibang tao kadalasan mong pinatitikman sa mga pinagpaguran mo pero ang pinakamamahal mong asawa nagkakasya nalang sa kaligayahan ng iyong mga anak.

Ngayon magkatabi kayong nakahiga ng misis mo... binubulong sa iyo ng misis mo... papa, wala na tayong pera dalawang linggo ka pa rito saan tayo kukuha? pag balik mo ano ang iiwan mo sa amin dahil wala ka pang sasahurin pag balik mo. Hindi ka umiimik, nag iisip ka ng malalim, iniisip mo.. ang daming perang sinayang mo doon, ngayon halos wala ng kayong makain, halos wala ng hawak na pera ang misis mo. Pinaligaya mo lang ang pamilya dahil nakita ka nilang muli, nakita kang nasa maayos na pangangatawan, tumaba, pumuti at pinapaligaya mo nalang muli ang misis mo sa pamamagitan ng iyong mga pangakong muli na sa pagbabalik mo iaahon mo na sa hirap ang iyong pamilya.

Pabalik ka ng muli sa malayong lugar
Isang pangakong muli ang iiwan mo sa iyong pamilya
PANGAKONG I-AAHON KO KAYO SA HIRAP
Isang pangakong ikaw mismo ang makakagawa at ikaw din mismo ang sisira.

Ihalintulad mo ang iyong sarili sa isang trabaho
If you already know how to do it best,
Gawin mo sa sarili at sa pamilya mo.


Jettro is an OFW in South Korea. Visit his blog at www.jettroshangout.blogspot.com.

0 Reactions:

Post a Comment