Pag-uwi

Pauwi ka na pala?
Tunguhin mo ang MOA,
pati na rin ang Trinoma.
Huwag na sa Power Plant,
sosyal pero maliit namang pasyalan.

Pauwi ka na pala?
Huwag mong kalimutang magsimba sa Manaoag,
o di kaya'y sa Antipolo.
Para daw yaon sa mga manlalakbay
na gaya natin.

Pauwi ka na pala?
Magbaon ka ng sangkaterbang sunblock,
o damihan mo kaya ang lotion na may moisturizer.
Mainit daw ngayon sa atin.
Baka bumalik ang likas mong kulay.

Pauwi ka na pala?
O e di dapat ka nang magtipid dahil
pagtuntong mo pa lang sa NAIA,
gastos na ang sasalubong sa 'yo.

Pauwi ka na pala?
Mahaba rin ang isang buwan, lalo pa't
kakarampot lang ang baon mong pera.
(Alam mo naman sa atin...ang alam nila
marami kang pera kapag galing ka sa abroad).

Pauwi ka na pala?
Basta huwag kang masasaktan
kung tanungin ka ng anak mo:
Daddy, kailan ka babalik sa abroad?

2 Reactions:

Julianne said...

sobrang nakakalungkot naman yung last line. :(

Jessmach said...

the same question my son ask me

Post a Comment