Animo'y dagat ng nangag-sinding
kandila ang kalsada.
Wari'y panaghoy ang pabulong na pag-usal
ng Santo Rosaryo ng mga namamanata.
Humihiling ng anak, asawa at biyaya.
Masangsang ang amoy ng kulumpon
ng bulaklak na nasa karosa ng birhen.
Nakakasilaw ang liwanag
ng mga bombilyang nakatutok sa kanyang mukha.
Marahil nga'y nagngingitngit na
sa galit ang santo,
sa bigat ng trahe de bodang ipinasuot sa kanya,
na nakukulapulan ng pekeng diamante,
at sari-saring pampakinang.
Sa ulo niya'y isang napakamahal na koronang antigo,
dalawampu't apat na kilatis ng ginto,
at halos ikapat na kilo ang timbang.
Napakamagarang nga n'yang tingnan,
ngunit kung sisilipin mong maigi
ang kanyang mukha,
maaninag mo ang pilat niya sa pisngi,
at ang lamlam ng kanyang mata.
Sayang ang kandila. Sayang ang mga bulaklak.
Sayang ang diamante at ang de-bateryang kuryente.
Kung alam lamang nila...
isa lamang akong kahoy na ipinaparada tuwing pista.
0 Reactions:
Post a Comment