Ulan



Kay dilim ng gabi, at kay lakas ng ulan,

Tila ba nakikisama, sa aking nararamdaman,

Hungkag ang damdamin, pagod ang aking isipan,

Dahil sa sakit na paulit ulit, sa ala ala ng nakaraan.


[image from flickr]

Sa tuwing pumapatak, mga luha sa aking pisngi,

Ang ulan lamang ang siyang nagsisilbing saksi,

Nakabibinging katahimikan, sa lalim ng hatinggabi,

Ulan sa piling mo'y lunurin, mga kirot sa puso'y ikubli.

Ulan, bumuhos ka, sa bisig mo'y iyong yakapin,

Pagdurusa ko'y iwaksi, ako ay iyong kalingain,

Hayaang bumuhos, luhang nakatago sa damdamin,

Sa bawat patak mo, lungkot ko ay pawiin.

O kay sakit mag isa, anino lamang ang kapiling,

Kailan kaya sa buhay ko, may pag asang dadating,

Kailan kaya sisikat, ang matingkad na bituin,

Bakit ang buhay ko ngayon, kay pait at kay dilim?

Sa piling ng ulan, sa labas aking natatanaw.

Buhay na nakaraan, naglalaro sa balintataw,

Sakit na dulot nito, unti unting inaagos, inililigaw,

Upang sa pagtila ng ulan, pag asa'y muli kong matanaw.



► About the Author:
Marizcelle Puertellano is a new blogger focusing her subjects on her personal experiences and hidden emotions. Her writings usually reflect her personality. She is the owner of ReInA EmOtErA's AdVeNtUrEs In HoLy LaNd and Casa Del Reina Emotera. She is presently working as a private caregiver in Israel for almost 7 years now.
click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment