Ulan sa Gitnang Silangan



"Mama, tumingin ka sa bintana", yan ang sabi ng aking bunso minsang nakahiga ako sa aming kama habang init na init sa panahon at nagpapalipas ng oras sa pagbabasa ng libro.

"Ano ba naman ang bago anak? Wala naman akong ibang makikita dyan kundi puno ng dates, buhangin, mga bahay at sasakyan.", ang wika ko. Bagamat may pag-aalinlangan, bumangon ako sa aking pagkakahiga upang dumungaw sa bintana. Nakita kong nagsasalimbayan sa lakas ng hangin ang mga puno ng dates, makapal at halos maitim ang ulap. Hindi pa man lumipas ang isang minuto at nakita ko ng pumapatak ang ulan. Ahhh ulan! ........hatid nya ay puno ng alaala ng aking namayapang ama na naging isang OFW rin sa Gitnang Silangan. 
Dumaloy sa aking isipan ang isang eksena na madalas kong maalaala tuwing uulan dito sa aming lugar.
"Tatay di ba lubhang napakainit ng panahon sa Saudi?" tanong ng isang batang musmos pa ang isipan.
"Oo anak, pagkaminsan halos dumudugo ang ilong ko sa sobrang init. Halos magkulay pula na aking balat lalo na pag ako ay lululuwas sa site upang tingan ang ginagawa ng aking mga welder. Sobrang init nga sa Saudi pero may panahon namang napakalamig lalo na sa buwan ng Disyembre at Enero. Ang ulan ang nagsisilbing sensyales na magpapalit na ang panahon, kaya kapag umulan na sa panahon ng tag-araw, natutuwa na kami. Alam naming paparating na ang taglamig", turan ni Tatay.

Madalas akong mangarap noon habang nag-uusap kami ni Tatay. Ano kaya ang pakiramdam ng paninirahan sa lugar na may extreme temperatures? At ngayon hindi ko na kailangang mangarap dahil nararanasan ko na at ng aking pamilya. Sa mahigit anim na taong paninirahan ko dito sa Al Ain, United Arab Emirates, masasabi ko na hindi lamang ang pangungulila sa pamilya ang tiniis ng aking Tatay, kundi pati na ang panahon. At kapag umuulan napupuno ang aking dibdib ng pasasalamat sa pagkakaroon ng isang Tatay na nagsakripisyo para sa aming pamilya.

Kamakailan lamang muling umulan dito sa Al Ain, hayaan nyo akong ibahagi ko ang ilan sa mga larawan na aking nakunan habang umuulan at pagkatapos umulan. Ahhh ulan....hatid mo ay alaala at pagpapasalamat!
ang malakas ng buhos ng ulan
mga punong nasira dala ng lakas ng hangin
malilit na piraso na kung tawagin ay hail sa wikang Ingles
baha sa ilang kabahayan at sa daan
at ito naman ang aming "happy feet".....pinilit naming lumbas pagkatapos ng ulan upang makakuha ako ng larawan para sa Kablogs Journal :)
Ikaw kaibigan, may alaala rin bang hatid sa'yo ang ulan? Magagalak akong malaman, kung sasabihin mo ang nasa iyong isipan.

(Kung nais mong makita ang iba pang mga larawan, maaari mong bisitahin ang Al Ain City Daily Photo sa Facebook.)



► About the Author:
Misalyn is a proud Bicolana and an OFW presently residing in Al Ain, UAE. If you wish to see some of her photos, you can click here.
click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment