Obra ng Kalikasan sa Dalampasigan (pagkatapos umulan)



Sa tuwing nabibigyan ako ng pagkakataong makapagbakasyon sa Pilipinas, partikular na sa probinsya ng Daet, Camarines Norte, palagi kong sinisiguro na nabibisita ko ang Bagasbas Beach na nasa Brgy. Borabod, lalong lalo na pagkatapos umulan. Dito ko kasi nakikita ang mga kakaibang obra ng kalikasan na kung hindi  natin pagtutuunan ng pansin ay hindi natin makikita kung gaano ito kaganda. Kahit na ang mga payak na bagay na kung ituring ng iba ay isa ng basura.

Noong Agosto 13, 2011, nabigyan muli ako ng pagkakataong masilayan ang kagandahan ng dalampasigan. Sino ba namang mag-aakala na ang simpleng paglalakad sa dalampasigan ang magbibigay sa akin ng ibayong kasiyahan? Marahil masasabi mong mababaw ako dahil sa mga mumunting bagay na ito na aking nakunan ng larawan. Ngunit dahil sa mga ito, nagkakaroon ako ng kakaibang pagkilala at pagpapahalaga sa nagagawa ng kalikasan pagdating sa mundo ng potograpiya.

Narito ang ilan sa mga larawang kuha ng araw na nabanggit, ang araw na aking sinamantala upang masilayan ang bukang liwayway at ganda ng dalampasigan pagkaraan ng ulan. Hindi ba't ang mga simpleng bagay ay nabibigyan ng kakaibang ganda depende sa  anggulo at tamang pagpitik ng kamera? At habang pumipitik ako ng kamera, maraming bagay ang sumasagi sa aking isipan at naihahambing ang ilang mga bagay sa ating buhay bilang isang TAO.

mga munting bagay na kapag iyong napagtuunan ng pansin ay may sariling angkin na
 kagandahan, katulad nating mga mortal na may kanya-kanyang angking talino at kakayahan
ang buhangin ay nagmistulang isang canvas at ipininta ng tubig at
hangin ang anyo ng  isang punong lagas ang mga dahon
habang ang liwanag na nagmumula sa kalangitan ay nagbibigay ng tanglaw 
sa ating paggawa...
habang ang mga ulap ay nagbibigay ng lilim..
at ang sariwang hanging ay hahaplos sa inyong pandama....
upang ipaalala na sa bawat pagtatapos ng ulan ay kasunod nito ang bagong pag-asa.
Kaibigan nasubukan mo na bang pahalagahan ang mga mumunting bagay na iyong nasisilayan sa dalampasigan? Kung hindi pa, tara na at iyong masdan ang ganda ng obra ng kalikasan.

(Ang mga larawang ipinakita sa itaas ay mga low resolution copies lamang at ito ay mga straight out of camera. Salamat sa aking maasahang kamera na Canon EOS 500D, Lens: Sigma 18-200mm, manual mode. Gumamit rin ako ng CIR PL and ND4 filters sa ilang larawan.)



► About the Author:
Misalyn is a proud Bicolana and an OFW presently residing in Al Ain, UAE. If you wish to see some of her photos, you can click here.
click here to comment… for bloggers

0 Reactions:

Post a Comment