Hindi naman ako nakaharap sa pulang ilaw-trapiko noong nakaraang buwan (Hulyo) subalit hindi ako nakapagsulat para rito sa The Pacific Breeze. Sa mga sumusubaybay, at naghihintay ng muling pagbabalik ng kolum na ‘to, maraming salamat po. Sisikapin ng inyong lingkod na ngayo’y makabalik sa agos ng KaBlogs’ Journal kahit na tayo’y pansamantalang nawala noong nakaraang buwan kung kailan napapatungkol sa tubig, ulan at bagyo ang naging pangunahing usapin. Sa totoo lang, nananatiling isang palaisipan para sa akin kung sinu-sino at kung saan naroon ang mga mambabasa ng magasin nating ito, kaya hindi ko alam kung paano gawin ang isang lathalaing papasa sa panlasa ng mga mambabasa.
Sa mga panahong ito, hindi lamang ako ang nagbabalik-blogosperyo. Si Ka Uro, na halos limang buwang animo’y nakaharap sa ‘pulang ilaw-trapiko’ ay muli ring nagbalik sa kanyang pahina noong Hunyo hatid ang magandang balita para sa mga kababayang may balak, o handa na ang mga dokumento patungong New Zealand. Silang mga kasapi ng AKLnzPinoys ay gumawa ng isang handbook (From Carabao to Sheep) na punung-puno ng mga impormasyong kailangan ng isang Pilipinong nagpaplanong manirahan sa New Zealand.
Dalawang mga blogs ding gawa ng isang Pilipino sa New Zealand ang naidagdag sa listahan ng KaBlogs. Ito ay ang Filipino Life in New Zealand, at ang Adobongblog na parehong gawa ni G. Nick Ballesteros.
Sa kalagitnaan ng panahon ng taglamig dito sa katimugang bahagi ng mundo, iminumungkahi ni Nick na panoorin ang pelikulang Grave of the Fireflies—isang animated film patungkol sa pagdurusa ng mga tao noong panahon ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Ngunit kamakailan lamang, bigla namang nagbago ang panahon sa Wellington, panandaliang tumaas ang temperatura kasabay ng pagpapakita ni Haring Araw kaya lumabas at nagsaya ang pamilya Ballesteros.
Kung ang kulay na pula ay sumasagisag ng digmaan, paghihirap at pagtitiis, pati na rin ng mataas o mainit na temperatura, ang pagkaing kulay pula ay sadya namang katakam-takam! Tulad nitong paksiw na litsong manok na naging bida kamakailan lang sa Adobongblog. Hindi rin pahuhuli ang pagkaing nangangalaga sa ating kalusugan, lalung-lalo na sa ating puso... ngunit hindi ko alam kung pasok sa listahan itong Hearty Beef Soup na gawa ni Nick.
Kung sa NZ may pagkaing patungkol puso, doon naman sa pulo ng Palau ay may lathalaing patungkol sa puso. Anim na buwan pa bago ang inaabangang Araw ng mga Puso ngunit naging masarap na kwentuhan at dugtungan patungkol sa puso (at kahalayan) sa The Dungeon ni Lord CM.
Maaring kayo’y nagtaka kung bakit Wikang Filipino ang gamit ko ngayon dito. Balak ko rin sanang palitan pansamantala ang pangalan ng kolum kong ito- mula The Pacific Breeze ay gagawin kong Ang Simoy Pasipiko. Ito’y bilang pagbibigay-pugay sa ating sariling wika habang ginugunita ngayong Agosto 2010 ang kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon at ang Buwan ng Wikang Filipino. Subalit kung nais niyong basahin ang isinulat kong ito sa wikang Ingles, subukan niyo ang Google Translate, tulad ng ginawa ng isang magmamanok dito sa The Chook-minder’s Quill.
Sa ika-26 na araw ng buwang ito, ay magdiriwang ng kanyang kaarawan ang nasabing magmamanok. Sa araw na ‘yon ay mag-susuot siya ng damit na kulay na pula- pampaswerte...
Samantala, kung si Jimbo ng Perth, Western Australia ay nagbibigay babala (na sinisimbolo rin ng kulay pula) tungkol sa mga paglilinlang at pandaraya sa mundo sa kanyang Blogbastic, ang kanyang blog naman sa Multiply site ay tuluyan na yata niyang iniwan; ngunit ang kanyang huling post siyam na buwan na ang nakaraan na tungkol sa Climate Change ay natataon naman sa tema ng ating Buwan ng Wika ngayong taon: Sa Pangangalaga ng Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan.
Hanggang sa muli.
► Read RJ's previous articles here.
1 Reactions:
halos magkasabay pala kau ng birthday ni Miss Janelle, Doc RJ. heehe, I enjoyed the post. Salamat!
Post a Comment